Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

FEATURE

Mga Bansang Nananahanan sa Lupaing Ibinigay ng Diyos sa Israel

Mga Bansang Nananahanan sa Lupaing Ibinigay ng Diyos sa Israel

NANG ibigay ni Jehova sa Israel ang lupaing ipinangako niya kay Abraham, ang nakatira roon ay mga bansang mababa ang moral. Tahasang iniuulat ng Bibliya na itinalaga ng Diyos ang pagkapuksa ng balakyot na mga bansang iyon, at na inatasan niya ang mga Israelita bilang mga tagapuksa. (Deu 7:2) Pinupuna ng maraming tao ang pagkilos na iyon. Mapagpakumbaba namang kinikilala ng iba na hindi angkop sa mga taong di-sakdal ang tumayo bilang mga hukom ng Diyos. (Ihambing ang Eze 18:29.) Ang nais nila ay maunawaan ang mga paraan ng Diyos. Ano ang kanilang natutuhan?

Malinaw na itinatanghal ng ulat na ito na ang lahat ng mga tao ay magsusulit sa Maylalang ng sangkatauhan, ang Diyos na Jehova, inaangkin man nilang naniniwala sila sa kaniya o hindi. Ipinakikita nito na ang Diyos ay matiisin ngunit hindi siya nagbubulag-bulagan sa mga gumagawa ng masama. (Gen 15:16) Nililinaw nito na iniaatang ni Jehova sa balikat ng mga magulang ang pananagutan para sa kanilang mga anak; hindi niya ito inaalis sa mga magulang anupat hindi nila dapat akalain na ang kanilang mga pagkilos ay nakaaapekto lamang sa kanilang sarili. (Deu 30:19; Jos 10:40) Ipinakikita rin nito na ang lahat ng tatalikod sa kanilang masamang lakad at sasamba kay Jehova ay maaaring maligtas sa pagkapuksa.​—Jos 6:25; 9:3–10:11.

Malinaw na tinutukoy ng Bibliya ang balakyot na mga gawaing doon ay nagpakasasa ang mga tumatahan sa Canaan. Ganito ang konklusyon ng Halley’s Bible Handbook (1964, p. 161): “Pinagtatakhan ng mga arkeologong naghuhukay sa mga guho ng mga Canaanitang lunsod kung bakit hindi sila pinuksa ng Diyos nang mas maaga.” Maliwanag kung ano ang aral dito: Hindi pinahihintulutan ni Jehova na magpatuloy nang habang panahon ang kabalakyutan.

MAPA: Mga Bansang Nananahanan sa Lupaing Ibinigay ng Diyos sa Israel

Mga stela nina Tanit at Baal, kasama ang isang estatuwa ni Tanit (ang katumbas ni Astoret); nahukay sa isang sementeryo malapit sa Cartago (Tunisia, Hilagang Aprika)

Ang sementeryo kung saan natagpuan ang mga buto ng libu-libong bata na inihain sa diyosang si Tanit. Ang naglalayag sa dagat na mga taga-Fenicia (mga Canaanita) ang nagdala rito ng ganitong mapamaslang na mga relihiyosong ritwal. Ang kalunus-lunos na dakong ito ay nagsisilbing isang bantayog sa kabalakyutan ng mga Canaanita