Migron
[Giikan].
Isang lokasyon “sa may hangganan ng Gibeah” kung saan nagkakampo si Haring Saul nang patayin ni Jonatan at ng kaniyang tagapagdala ng baluti ang mga 20 lalaki sa himpilan ng mga Filisteo malapit sa Micmash. (1Sa 13:16, 23; 14:1, 2, 13-16) Ipinapalagay na ang Migron ay ang Tell Miryam, na humigit-kumulang 1 km (0.6 mi) sa KTK ng Mukhmas (Micmash).
Sa Isaias 10:28, ang Migron ay inihula bilang isa sa mga lunsod na daraanan ng mga Asiryano patungong Jerusalem. Yamang ang Migron ay binanggit kasunod ng Ai (Aiath) at bago ang Micmash, waring lumilitaw na ito’y nasa H at hindi nasa T ng Micmash. Dahil dito, iminumungkahi na mayroon pang isang Migron (ang Makrun sa dakong HK ng Micmash). Gayunman, kung ang Migron noong panahon ni Saul ay umiiral pa, waring malayong mangyari na wala pang 3 km (2 mi) mula roon ay may isa na namang bayan na may gayunding pangalan. Kaya maaaring itinatala lamang ng hula ang mga lunsod na maaapektuhan ng pagsalakay ng Asirya at hindi nito pinagsunud-sunod ang mga iyon ayon sa kanilang lokasyon o heograpikong posisyon. (Isa 10:24, 28-32) Sa gayon ang Migron ng Isaias 10:28 ay maaaring ang Migron din na binanggit sa 1 Samuel 14:2.