Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mikas

Mikas

[pinaikling anyo ng Miguel o Micaias].

1. Isang lalaki mula sa Efraim. Bagaman labag sa ikawalo sa Sampung Utos (Exo 20:15), kumuha si Mikas ng 1,100 pirasong pilak mula sa kaniyang ina. Nang magtapat siya at ibalik ang mga iyon, sinabi nito: “Walang pagsalang dapat kong pabanalin kay Jehova ang pilak mula sa aking kamay para sa aking anak, upang gumawa ng isang inukit na imahen at isang binubong estatuwa; at ngayon ay isasauli ko iyon sa iyo.” Sa gayon ay nagdala siya ng 200 pirasong pilak sa isang panday-pilak, na gumawa ng “isang inukit na imahen at isang binubong estatuwa” na sa kalaunan ay napunta sa bahay ni Mikas. Si Mikas, na may “isang bahay ng mga diyos,” ay gumawa ng isang epod at terapim at binigyang-kapangyarihan ang isa sa kaniyang mga anak upang maglingkod bilang saserdote para sa kaniya. Bagaman ang kaayusang ito ay waring naglalayong parangalan si Jehova, lubha itong di-wasto, sapagkat nilabag nito ang utos na nagbabawal sa idolatriya (Exo 20:4-6) at binale-wala ang tabernakulo ni Jehova at ang kaniyang kaayusan ng pagkasaserdote. (Huk 17:1-6; Deu 12:1-14) Nang maglaon, dinala ni Mikas si Jonatan, isang inapo ng anak ni Moises na si Gersom, sa kaniyang tahanan, anupat inupahan niya ang kabataang Levitang ito bilang kaniyang saserdote. (Huk 18:4, 30) May-kamaliang nakadama ng kasiyahan sa bagay na ito, sinabi ni Mikas: “Ngayon ay alam kong gagawan ako ng mabuti ni Jehova.” (Huk 17:7-13) Ngunit si Jonatan ay hindi nagmula sa linya ni Aaron at sa gayon ay hindi man lamang kuwalipikado para sa makasaserdoteng paglilingkod, na lalo lamang nakaragdag sa kamalian ni Mikas.​—Bil 3:10.

Nang mga araw na iyon, ang mga Danita, na naghahanap ng teritoryong matatahanan, ay nagsugo ng limang tiktik, na nang dakong huli ay nakarating sa Efraim “hanggang sa bahay ni Mikas at nagpalipas ng gabi roon.” Samantalang malapit sa bahay ni Mikas, nakilala nila ang tinig ni Jonatan, natuklasan kung ano ang ginagawa niya roon, at pinasangguni nila siya sa Diyos upang malaman nila kung magtatagumpay ang kanilang pakay. Sinabi sa kanila ng saserdote: “Yumaon kayong payapa. Nasa harap nga ni Jehova ang inyong lakad na paroroonan ninyo.” (Huk 18:1-6) Pagkatapos nito ay tiniktikan nila ang Lais at bumalik, na sinasabi sa kanilang mga kapatid ang tungkol dito, at sa gayon ang limang tiktik at 600 lalaking Danita na nabibigkisan para sa pakikidigma ay nagtungo sa lunsod na iyon. Nang patungo roon, habang dumaraan sila sa bahay ni Mikas, sinabi ng mga tiktik sa kanilang mga kapatid ang tungkol sa mga kagamitan nito sa relihiyon at iminungkahing kunin nila ang mga iyon. Kinuha ng mga Danita ang mga iyon at kinumbinsi rin ang Levita na mas mabuti na maging saserdote siya ng isang tribo at pamilya sa Israel kaysa ng isang tao lamang. Pagkatapos ay kinuha nila siya, ang epod, ang terapim, at ang inukit na imahen at yumaon.​—Huk 18:7-21.

Di-nagtagal pagkatapos nito, hinabol ni Mikas at ng isang pulutong ng mga lalaki ang mga Danita. Nang maabutan nila ang mga ito at tanungin sila kung ano ang nangyayari, sinabi ni Mikas: “Ang aking mga diyos na ginawa ko ay kinuha ninyo, gayundin ang saserdote, at yumayaon kayo, at ano pa ang nasa akin?” Dahil dito, nagbabala ang mga anak ni Dan na maaaring may sumalakay kung patuloy silang susundan ni Mikas at magrereklamo. Sa pagkakitang mas malakas ang mga Danita kaysa sa kaniyang pangkat, umuwi na si Mikas. (Huk 18:22-26) Pagkatapos nito, ibinagsak at sinunog ng mga Danita ang Lais, saka itinayo ang lunsod ng Dan sa kinaroroonan nito. Si Jonatan at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote ng mga Danita, na ‘nagpanatiling nakatindig sa ganang kanila sa inukit na imahen ni Mikas, na ginawa niya, sa lahat ng mga araw na ang bahay ng tunay na Diyos [ang tabernakulo] ay nananatili sa Shilo.’​—Huk 18:27-31.

2. Isang Levita na mula sa Kohatitang pamilya ni Uziel, na dito ay naging ulo siya at ang kaniyang kapatid na si Isia naman ang ikalawa nang baha-bahaginin ni David ang mga atas ng mga Levita.​—1Cr 23:6, 12, 20; 24:24, 25.

3. Inapo ni Haring Saul; anak ng anak ni Jonatan na si Merib-baal (Mepiboset). Tinatawag din siyang Mica.​—1Cr 8:33-35; 9:39-41; 2Sa 9:12.

4. Isang Rubenita na anak ni Simei at ama ni Reaias. Ang kaniyang inapo na si Beerah ay isang pinuno ng tribo ni Ruben at dinala sa pagkatapon ng Asiryanong si Haring Tilgat-pilneser (Tiglat-pileser III).​—1Cr 5:1, 3-6; 2Ha 15:29.

5. Ama ni Abdon (Acbor). Tinatawag din siyang Micaias, na mas mahabang anyo ng kaniyang pangalan.​—2Cr 34:20; 2Ha 22:12.

6. Isang Levita at inapo ni Asap. (Ne 11:15, 17) Tinatawag din siyang Mica at Micaias.​—1Cr 9:15; Ne 11:22; 12:35.

7. Manunulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan at isang propeta ni Jehova noong namamahala ang mga haring sina Jotam, Ahaz, at Hezekias ng Juda (777-717 B.C.E.). Si Mikas ay kapanahon ng mga propetang sina Oseas at Isaias. Hindi tiyak ang eksaktong lawig ng kaniyang gawaing panghuhula. Ang kaniyang panghuhula ay lumilitaw na nagwakas sa pagtatapos ng paghahari ni Hezekias, nang makumpleto ang pagsulat ng aklat ng propetang ito.​—Mik 1:1; Os 1:1; Isa 1:1.

Si Mikas ay isang katutubo ng nayon ng Moreset, na nasa TK ng Jerusalem. (Jer 26:18) Bilang isa na tumatahan sa mabungang Sepela, ang propeta ay may lubos na kabatiran sa buhay sa bukid, na kinasihan siyang pagkunan ng makahulugang mga ilustrasyon. (Mik 2:12; 4:12, 13; 7:1, 4, 14) Nanghula si Mikas sa mga panahong napakamaligalig noong laganap sa Israel at Juda ang huwad na pagsamba at katiwalian sa moral, gayundin noong nagsagawa si Haring Hezekias ng mga reporma sa relihiyon. (2Ha 15:32–20:21; 2Cr 27-32) May mabuting dahilan kung bakit “ang salita ni Jehova na dumating kay Mikas” ay nagbabala na pangyayarihin ng Diyos na ang Samaria ay maging “isang bunton ng mga guho sa parang,” at inihula na “ang Sion ay aararuhing gaya lamang ng isang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton lamang ng mga guho.” (Mik 1:1, 6; 3:12) Bagaman ang pagkagiba ng Juda at Jerusalem noong 607 B.C.E. ay nangyari maraming taon pagkaraan ng mga araw ni Mikas, malamang na nabuhay pa siya upang makita ang inihulang pagkawasak ng Samaria noong 740 B.C.E.​—2Ha 25:1-21; 17:5, 6.