Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mikas, Aklat ng

Mikas, Aklat ng

Isang makahulang aklat ng Hebreong Kasulatan na naglalaman ng salita ni Jehova sa pamamagitan ni Mikas may kinalaman sa Samaria at Jerusalem. (Tingnan ang MIKAS Blg. 7.) Binubuo ito ng tatlong pangunahing seksiyon, na bawat isa ay nagsisimula sa salitang “Dinggin.”​—Mik 1:2; 3:1; 6:1.

Tiyak na ipinahayag ni Mikas ang kaniyang makahulang mga salita may kinalaman sa pagkatiwangwang ng Samaria bago mawasak ang lunsod na iyon noong 740 B.C.E., at maliwanag na ang mga kapahayagang binigkas niya ay isinulat bago matapos ang paghahari ni Hezekias.

Noong panahon ni Mikas, laganap sa Israel at Juda ang napakasamang mga kalagayan sa moral. Sinisiil ng mga lider ang taong-bayan, lalo na ang mga dukha. Ang mga hukom, mga saserdote, at mga propeta ay interesado lamang sa salapi. Palasak ang idolatriya, pandaraya, paniniil, kawalang-katarungan, at pagbububo ng dugo. Mahirap magtiwala kahit sa matatalik na kaibigan at mga kapamilya.​—Mik 1:7; 2:1, 2; 3:1-3, 9-12; 6:12; 7:2-6.

Tahasang inilarawan ng aklat ng Mikas ang mga kamalian ng Israel at Juda. Bagaman inihula nito ang pagkatiwangwang ng Samaria at Jerusalem dahil sa kanilang mga pagsalansang (Mik 1:5-9; 3:9-12), naglalaman din ito ng mga pangako ng pagsasauli at ng kasunod na mga pagpapala mula sa Diyos.​—4:1-8; 5:7-9; 7:15-17.

Ang autentisidad ng aklat na ito ay lubusan nang napagtibay. Kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan, inilalarawan nito si Jehova bilang isang maawain at maibiging Diyos, na nagpapaumanhin sa kamalian at nagpapalampas ng pagsalansang. (Mik 7:18-20; ihambing ang Exo 34:6, 7; Aw 86:5.) Mula pa noong sinaunang panahon ay tinatanggap na ng mga Judio ang autentisidad ng aklat na ito. Mga isang siglo pagkamatay ni Mikas, ang mga salitang ipinahayag niya noong naghahari si Hezekias tungkol sa pagkatiwangwang ng Jerusalem ay sinipi ng ilang matatandang lalaki ng Juda bilang pagtatanggol kay Jeremias na propeta. (Jer 26:17-19; ihambing ang Mik 3:12.) Pagkaraan ng ilang siglo, may-pagtitiwalang sinabi ng Judiong mga punong saserdote at mga eskriba, salig sa hula ni Mikas, na ang Kristo ay isisilang sa Betlehem. (Mat 2:3-6; ihambing ang Mik 5:2.) Ang katuparan ng mga hula may kaugnayan sa Samaria, sa Jerusalem, at sa Mesiyas, o Kristo, ay katibayan na kinasihan ng Diyos ang aklat na ito. Kapansin-pansin din ang pagkakatulad sa Mikas 7:6 ng pananalita ni Jesus na ang magiging mga kaaway ng isang tao ay ang mga tao sa kaniyang sambahayan.​—Mat 10:21, 35, 36.

[Kahon sa pahina 398]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MIKAS

Isang tahasang kapahayagan hinggil sa masasamang gawain ng Israel at ng Juda, isang hula tungkol sa pagkatiwangwang ng Samaria at Jerusalem, at mga pangako ng pagsasauli

Sumasaklaw sa isang yugto bago ang pagkatiwangwang ng Samaria noong 740 B.C.E. at posibleng hanggang pagkatapos nito

Ipinakita ang pagkakaiba ng masasamang gawain ng Israel at Juda at ng matuwid na mga kahilingan ni Jehova

Samantalang nasa kanilang higaan, ang mga maniniil ay nagpapakanang mang-agaw ng mga tahanan at mga bukid; sa pagbubukang-liwayway, isinasagawa nila ang kanilang mga pakana (2:1, 2)

Ninanakawan ang walang kamalay-malay na mga nagdaraan; binibiktima ang mga babae at mga bata (2:8, 9)

Pinagsasamantalahan ng mga may pananagutang maglapat ng katarungan ang taong-bayan na para bang mga hayop ang mga ito (3:1-3)

Ang mga bulaang propeta ay sumisigaw, “Kapayapaan!”​—ngunit nagpapabanal sila ng digmaan laban sa sinumang ‘hindi naglalagay ng anuman sa kanilang mga bibig’ (3:5)

Ang mga hukom, mga saserdote, at mga propeta ay interesado lamang sa pakinabang, gayunma’y inaangkin nilang nasa kanila ang suporta ni Jehova (3:9-11)

Halos wala nang sinumang matapat; ang mga prinsipe at mga hukom ay naghahangad ng suhol, at hindi mapagkatiwalaan kahit ang mga kapamilya (7:1-6)

Iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa Ehipto at pinatnubayan at ipinagsanggalang niya sila; gaanuman karaming hain ay hindi makapagtatakip sa kanilang pagsalansang (6:3-7)

Hiniling niya sa kaniyang bayan na magsagawa ng katarungan, ibigin ang kabaitan, at lumakad nang may kahinhinan kasama niya (6:8)

Ang mga kahatulan ni Jehova laban sa Israel; maaapektuhan din ang Juda

Bilang resulta ng kahatulan ni Jehova, ang Samaria ay magiging isang bunton ng mga guho; aabot ang kasakunaan maging hanggang sa Juda at Jerusalem (1:3-16)

Sasapit sa Israel ang kapahamakan; hahati-hatiin ang kaniyang mga bukid at ibibigay sa iba (2:3-5)

Sasaktan ni Jehova ang kaniyang bayan; kakain sila ngunit hindi sila mabubusog, maghahasik sila ng binhi ngunit hindi sila makikinabang sa anumang bunga (6:13-16)

Muling titipunin ang nalabi at itataas ang tunay na pagsamba

Ang nalabi ng Israel ay titipuning “tulad ng mga tupa sa kural”; ang kanilang hari ay daraang una sa kanila at si Jehova ang nasa unahan nila (2:12, 13)

Sa huling bahagi ng mga araw, ang bundok ng bahay ni Jehova ay mátataás pa sa mga burol at huhugos doon ang mga tao ng maraming bansa; tuturuan sila ni Jehova at hindi na sila mag-aaral pa ng pakikipagdigma (4:1-4)

Ang isinauling bayan ay lalakad sa pangalan ni Jehova; ang Sion ay magiging malakas sa harap ng kaniyang mga kaaway (4:5-13)

Isisilang sa Betlehem ang isang tagapamahala na magpapastol sa pangalan ni Jehova; sa ilalim ng kaniyang pamamahala, ang Asiryano ay itataboy; ang nalabi ng Jacob ay magiging tulad ng nakarerepreskong hamog at tulad ng isang makapangyarihang leon (5:2-9)

Lilinisin ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa idolatriya at maglalapat ng paghihiganti sa masuwaying mga bansa (5:10-15)

Manalig kay Jehova; magwawakas ang pagsasaya ng “babaing kaaway” habang binibigyang-pansin ni Jehova ang kaniyang nagsisising bayan at nagtatamasa sila ng kamangha-manghang mga bagay, anupat nililipos ng takot ang nagmamasid na mga bansa; patatawarin ni Jehova ang mga kasalanan ng kaniyang bayan (7:7-20)