Mileto
Isang lunsod sa K baybayin ng Asia Minor na ngayon ay mga guho na lamang. Malapit ito sa bukana ng Ilog Maeander (Menderes) at noong sinauna ay mayroon itong apat na daungan. Pagsapit ng ikapitong siglo B.C.E., waring ang Mileto ay ginawa ng mga Ioniano na isang maunlad na sentro ng komersiyo na maraming kolonya sa Dagat na Itim at sa Ehipto. Malawakang nakilala ang mga panindang lana ng Mileto. Ipinahihiwatig ito ng bagay na sa Ezekiel 27:18 ay itinatala ng Griegong Septuagint ang “lana mula sa Mileto” bilang isang paninda sa pakikipagkalakalan ng Tiro. Ang Mileto ay tahanan din ng bantog na mga pilosopong gaya ni Thales (mga 625-547 B.C.E.), itinuturing na siyang nagpasimula ng Griegong heometriya, astronomiya, at pilosopiya. Noong ikalimang siglo B.C.E., binihag at winasak ng mga Persiano ang Mileto dahil sa nakibahagi ito sa paghihimagsik. Nang maglaon (noong 334 B.C.E.), ang muling-itinayong lunsod ay nahulog sa mga kamay ni Alejandrong Dakila. Noong mga panahong Heleniko at Romano, nasaksihan ng Mileto ang maraming gawaing arkitektural. Ang isang kahanga-hangang kaguhuan mula sa yugtong ito ay ang isang malaking dulaan na itinayo sa isang malawak na parang.
Sa paglipas ng panahon, lumiit ang kahalagahan ng lunsod. Ipinapalagay na ito ay dahil sa pagkaipon ng banlik sa mga daungan nito na dala ng Ilog Maeander. Waring ang sinaunang Mileto ay nasa isang lungos na nakausli mula sa T na panig ng Gulpong Latmian. Ngunit sa ngayon, ang mga guho ng lunsod ay mga 8 km (5 mi) papaloob mula sa baybayin, at ang dating gulpo ay isa nang lawa.
Dinalaw ni Pablo. Sa Mileto nakarating ang apostol na si Pablo, noong mga 56 C.E. Dahil nais niyang makarating sa Jerusalem bago ang Pentecostes kung posible at dahil ayaw niyang gumugol ng di-kinakailangang panahon sa Asia Minor, ipinasiya ni Pablo, lumilitaw na nasa Asos noon, na lumulan sa isang barkong hindi daraan sa Efeso. Ngunit hindi naman niya kinaligtaan ang mga pangangailangan ng kongregasyon doon. Mula sa Mileto, walang alinlangang sa pamamagitan ng isang mensahero, ipinatawag ni Pablo ang matatandang lalaki ng kongregasyon ng Efeso, na mga 50 km (30 mi) ang layo. Lumilitaw na ang karagdagang panahong nagugol sa pagpapadala sa kanila ng mensahe hanggang sa makarating sila sa Mileto (marahil pinakamaikli na ang tatlong araw) ay mas mabilis kaysa sa magugugol kung si Pablo ang paroroon sa Efeso. Posibleng ito ay dahil sa mas malimit humintu-hinto sa pagbibiyahe ang (mga) barkong mula sa Asos na dumadaong sa Efeso kaysa sa (mga) barkong humihinto sa Mileto. O, maaaring ang mga kalagayan sa Efeso mismo ay makaaantala kay Pablo kung hihinto siya roon.—Gaw 20:14-17.
Nang kinakausap niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon ng Efeso, sinariwa ni Pablo sa alaala nila ang kaniyang sariling ministeryo sa gitna nila, pinaalalahanan niya sila na magbigay-pansin sa kanilang sarili at sa kawan, binabalaan niya sila hinggil sa panganib mula sa “mapaniil na mga lobo” na papasok sa kongregasyon, at pinasigla niya sila na manatiling gising at ingatan sa isipan ang kaniyang halimbawa. Matapos sabihan na hindi na nila siya makikita, ang mga tagapangasiwang ito ay nanangis nang labis-labis, anupat “sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan,” pagkatapos ay inihatid nila siya sa barko.—Gaw 20:18-38.
Sa isang di-tiniyak na panahon pagkatapos ng kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma, waring bumalik si Pablo sa Mileto. Si Trofimo, na mas maaga rito ay sumama sa kaniya mula sa Mileto patungong Jerusalem, ay nagkasakit, anupat kinailangan siyang iwan doon ni Pablo.—Ihambing ang Gaw 20:4; 21:29; 2Ti 4:20.