Mirto
[sa Heb., hadhasʹ; sa Ingles, myrtle].
Ang mirto (Myrtus communis) ay tumutubo bilang palumpong o punungkahoy at pangkaraniwan ito sa Israel at Lebanon, anupat tumutubo nang mainam sa mabatong lupa. Makaaabot ito sa taas na 9 na m (30 piye) ngunit kadalasan ay makikita ito bilang isang palumpong na 2 hanggang 3 m (7 hanggang 10 piye) ang taas. Palibhasa’y isang evergreen, masinsin ang mga sanga nito at ang mga dahon ay makapal, makintab at matingkad na luntian; namumulaklak ito ng kumpul-kumpol na mabango at puting mga bulaklak na gumugulang at nagiging mga berry na itim na mangasul-ngasul. Halos ang buong halaman ay may mabango at tulad-espesyang langis na ginagamit sa mga pabango. Ang mga berry nito, bagaman aromatiko, ay nakakain. Sa ngayon, ang mirto ay matatagpuan partikular na sa Mataas na Galilea at sa libis ng Jordan, ngunit tumutubo rin ito sa lugar ng Jerusalem, kung paanong maliwanag na tumutubo rin ito roon noong panahon ng pangitain ni Zacarias na nakaulat sa Zacarias 1:8-11, 16.
Ang mababangong sanga ng mirto ay ginamit kasama ng mga sanga ng iba pang mga punungkahoy upang bubungan ang pansamantalang mga kubo o mga kubol sa labas na ginagamit ng mga Hebreo kapag panahon ng Kapistahan ng mga Kubol. (Ne 8:14, 15) Sa mga hula ng pagsasauli, ang mabango at magandang puno ng mirto ay inihulang tutubo kahalili ng nakatutusok na kulitis at sisibol kahit sa ilang.—Isa 41:19; 55:13.
Ang pangalang Hebreo ni Esther, asawa ng Persianong si Haring Ahasuero, ay Hadasa, na nangangahulugang “Mirto.”—Es 2:7.