Mizpa, Mizpe
[nangangahulugang “Bantayan”].
1. Isang rehiyon na tinirahan ng mga Hivita at nasa paanan ng Bundok Hermon ang nakilala bilang “lupain ng Mizpa.” (Jos 11:3) Maaaring isang bahagi nito, kung hindi man ang buong lugar, ay tinawag na “kapatagang libis ng Mizpe.” (Jos 11:8) Posibleng ang “lupain ng Mizpa” ay ang rehiyon sa palibot ng Banyas (Cesarea Filipos) sa dakong T ng Bundok Hermon o ang kapatagan sa S ng Bundok Hermon sa kahabaan ng Wadi et-Teim.
2. Isang Judeanong lunsod sa Sepela. (Jos 15:33, 38) Gayunman, di-tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon nito. Ang isang iminungkahing lokasyon para rito ay ang Khirbet Safiyeh, na mga 9 na km (5.5 mi) sa T ng sinaunang Azeka.
3. Isang lunsod sa teritoryo ng Benjamin. (Jos 18:26, 28) Bagaman iminumungkahi ng ilan ang Nebi Samwil (mga 8 km [5 mi] sa HK ng Jerusalem) bilang posibleng lokasyon nito, pinapaboran ng karamihan ang Tell en-Nasbeh (mga 12 km [7.5 mi] sa H ng Jerusalem) bilang sinaunang lokasyon nito. Isang interpretasyon hinggil sa ilang tuklas sa arkeolohiya ang waring pumapabor sa Tell en-Nasbeh. Halimbawa, sa lugar na ito’y may natagpuang mga hawakan ng banga na nagtataglay ng itinuturing ng ilang iskolar na tatlong titik Hebreo para sa m-s-p, na posibleng isang pinaikling anyo ng Mizpa.
Sa Mizpa nagtipon at nagpasiyang kumilos ang lahat ng mga lalaking mandirigma ng Israel laban sa mga nasangkot sa lansakang krimen sa sekso na isinagawa sa Gibeah ng Benjamin. Nang tumanggi ang mga Benjamita na isuko ang nagkasalang mga lalaki ng lunsod na iyon, sumiklab ang ganap na digmaan. Nang bandang huli, halos malipol ang tribo ni Benjamin, anupat 600 matitipunong lalaki lamang ang nakatakas sa kanila. (Huk 20:1-48) Bago nito, sa Mizpa, sumumpa ang mga Israelita na hindi nila ibibigay ang kanilang mga anak na babae sa mga Benjamita bilang asawa. (Huk 21:1) Kaya naman, pagkatapos ng pagbabaka, kinailangang gumawa ng mga hakbang upang mapanatili ang tribo ni Benjamin. Isa sa mga ito ay ang pagbibigay sa mga Benjamita ng 400 dalaga mula sa Jabes-gilead. Ang iba pang mamamayan ng Jabes-gilead ay nilipol, dahil walang isa man sa mga naninirahan doon ang pumaroon sa Mizpa at sumuporta sa pakikipagbaka sa Benjamin.—Huk 21:5-12.
Pagkalipas ng ilang panahon, tinipon ng propetang si Samuel ang buong Israel at ipinanalangin niya sila. Nang pagkakataong iyon, ang mga Israelita ay nag-ayuno at nagtapat ng kanilang mga kasalanan. Nang mabalitaan ng mga Filisteo ang pagtitipon nila sa Mizpa, sinamantala ng mga ito ang situwasyon upang sumalakay. Ngunit nilito ni Jehova ang kaaway, at natalo ng mga Israelita ang kalaban. Lumilitaw na upang gunitain ang bigay-Diyos na tagumpay na ito, nagtindig si Samuel ng isang bato sa pagitan ng Mizpa at Jesana, at tinawag itong Ebenezer (na nangangahulugang “Bato ng Pagtulong”). Pagkatapos nito ay patuloy na humatol si Samuel sa Israel at, habang ginagawa niya ito, taun-taon niyang nililibot ang Bethel, Gilgal, at Mizpa. (1Sa 7:5-16) Noong 1117 B.C.E., sa isa pang pagtitipon sa Mizpa, ipinakilala ni Samuel si Saul bilang kauna-unahang hari ng Israel.—1Sa 10:17-25.
Noong ikasampung siglo B.C.E., itinayo ng Judeanong si Haring Asa ang Mizpa gamit ang mga materyales na nanggaling sa Rama, isang lunsod na napilitang lisanin ng Israelitang si Haring Baasa. (1Ha 15:20-22; 2Cr 16:4-6) Pagkaraan ng mga tatlong siglo, noong 607 B.C.E., inatasan ng nagtagumpay na hari ng Babilonya na si Nabucodonosor si Gedalias bilang gobernador sa mga Judiong nalabi sa lupain ng Juda. Si Gedalias ay nangasiwa mula sa Mizpa. Doon din nanirahan ang propetang si Jeremias. Ang nakaligtas na mga pinuno ng hukbo at ang iba pang mga Judio na nangalat ay pumaroon din sa Mizpa. Bagaman binabalaan siya, si Gobernador Gedalias ay hindi nag-ingat at pinaslang sa Mizpa. Ang mga Caldeo at ang mga Judiong kasama niya roon ay pinagpapatay rin. Pagkatapos nito, ang 70 lalaki na dumalaw sa Mizpa ay pinatay rin. Binihag ng pangkat ng mga mamamatay-taong ito, na pinangunahan ni Ismael na anak ni Netanias, ang natira sa taong-bayan. Nang maabutan sila ni Johanan na anak ni Karea, si Ismael kasama ang walong lalaki ay tumakas, ngunit nailigtas ang mga bihag. Nang maglaon ay dinala ang mga ito sa Ehipto.—2Ha 25:23-26; Jer 40:5–41:18.
Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang mga lalaki ng Mizpa at ang mga prinsipeng sina Salun at Ezer ay tumulong sa pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem.—Ne 3:7, 15, 19.
4. Isang lunsod sa S ng Jordan sa Gilead. (Huk 10:17; 11:11, 29) Marahil ay ang Mizpa rin na binanggit sa Oseas 5:1. Ang Mizpa ay bayan ni Jepte. (Huk 11:34) Iminumungkahi ng ilan para rito ang isang lokasyon sa Khirbet Jalʽad, mga 23 km (14 na mi) sa HK ng Raba (ʽAmman), o malapit doon. Ngunit hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon nito.
5. Isang lunsod ng Moab. Dito pinatira ni David ang kaniyang mga magulang habang tinutugis siya ni Haring Saul. (1Sa 22:3) Hindi matiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Mizpe. Naniniwala ang ilang iskolar na maaaring ito rin ang Kir ng Moab. (Isa 15:1) Iminumungkahi naman ng iba ang Ruzm el-Mesrife (na nasa KTK ng Madaba [sinaunang Medeba]) bilang lokasyon nito.