Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Molec

Molec

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “mamahala bilang hari” o “hari,” ngunit kapareho ng mga patinig ng bosheth, “kahihiyan,” anupat nagpapahiwatig ng pagkamuhi].

Isang bathala na partikular na iniuugnay sa mga Ammonita. (1Ha 11:5, 7, 33) Posibleng siya rin si Moloc (Gaw 7:43; ihambing ang Am 5:26) at si Milcom. (1Ha 11:5, 33) Sa Jeremias 32:35, si Molec ay tinukoy sa isang paralelismo kasama ni Baal, na nagpapahiwatig na ang mga ito ay magkaugnay, kung hindi man iisa. Ipinapalagay ng maraming awtoridad na ang “Molec” ay titulo sa halip na pangalan ng isang espesipikong bathala, at dahil dito, may mga nagsasabi na ang katawagang “Molec” ay maaaring hindi lamang sa iisang diyos ikinapit.

Ipinapalagay ng karamihan na ang Malcam na tinutukoy sa 2 Samuel 12:30 at 1 Cronica 20:2 ay ang imaheng idolo ng Ammonitang diyos na si Milcom, o Molec, bagaman ang terminong Hebreo para sa “Malcam” ay maaaring isalin bilang “kanilang hari.” (Ihambing ang KJ; AS.) Sa mas naunang ulat ng Bibliya, tinukoy ang Ammonitang hari sa pamamagitan ng kaniyang pangalang Hanun. (2Sa 10:1-4) Kaya naman, makatuwirang isipin na Hanun, at hindi Malcam, ang pangalang nasa rekord ng Kasulatan kung ang tinutukoy ay ang hari at hindi ang idolo. Ipinapalagay rin na malayong mangyari na ang isang hari ay magsusuot ng korona na tumitimbang nang mga 34 na kg (92 lb t). Dahil dito, iminumungkahi na pansamantala lamang ipinatong ni David sa kaniyang ulo ang korona ni Malcam, marahil ay para ipahiwatig na nagtagumpay siya laban sa huwad na diyos na iyon. Ayon sa mababasa sa Targum, na siyang tinularan ng maraming tagapagsalin, mayroon lamang iisang mahalagang hiyas ang korona. Dahil dito ay nagkaroon ng palagay na ang mahalagang hiyas na iyon, at hindi ang mismong korona, ang napasaulo ni David.

Paghahain ng mga Anak kay Molec. Sa kautusan ng Diyos sa Israel, parusang kamatayan ang itinakda para sa sinuman, kahit sa naninirahang dayuhan, na magbibigay ng kaniyang supling kay Molec. (Lev 20:2-5) Sa kabila nito, ang mga apostatang Israelita, kapuwa sa kaharian ng Juda at sa sampung-tribong kaharian, ay nagparaan ng kanilang mga supling sa apoy.​—2Ha 17:17, 18; Eze 23:4, 36-39.

Ipinapalagay ng ilan na ang ‘pagpaparaan sa apoy’ para kay Molec ay tumutukoy sa isang ritwal ng pagpapadalisay na sa pamamagitan nito’y itinatalaga o iniaalay kay Molec ang mga anak. Inuunawa naman ng iba na ito’y tumutukoy sa aktuwal na paghahain. Walang alinlangan na talagang naghain noon ng kanilang mga anak ang mga Canaanita at ang mga apostatang Israelita. (Deu 12:31; Aw 106:37, 38) Halimbawa, si Haring Ahaz ng Juda ay ‘nagsunog ng kaniyang mga anak [“anak,” Sy] sa apoy.’ (2Cr 28:3) Ganito ang mababasa sa katulad na ulat na nasa 2 Hari 16:3: “Maging ang kaniyang sariling anak ay pinaraan niya sa apoy.” Ipinakikita nito na kung minsan, ang ‘pagpaparaan sa apoy’ ay singkahulugan ng paghahain. Gayunman, malamang na iba-iba rin ang paraan ng pagsamba kay Molec sa iba’t ibang lugar. Halimbawa, dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga asawang banyaga, si Haring Solomon ay nagtayo ng matataas na dako para kay Molec at sa iba pang mga bathala, ngunit noon lamang panahon ni Ahaz nabanggit ang tungkol sa paghahain ng mga anak. (1Ha 11:7, 8) Kung ang kasuklam-suklam na gawaing ito ay dati nang ginagawa, tiyak na noon pa man ay tinuligsa na ito kasama ng iba pang anyo ng idolatriyang ginagawa noong namamahala ang iba’t ibang mga hari. Dahil dito, naniniwala ang ilang komentarista na ang pananalitang ‘paraanin sa apoy’ ay orihinal na kumakapit sa isang ritwal ng pagpapadalisay ngunit nang maglaon ay tumukoy na rin sa aktuwal na paghahain.

Maliwanag na “ang pagpaparaan” para kay Molec na binanggit sa talababa sa Levitico 18:21 ay tumutukoy sa pagtatalaga o pag-aalay ng mga anak sa huwad na diyos na ito. Ganito ang iba’t ibang pagkakasalin sa tekstong ito: “Huwag ibigay ang sinuman sa iyong mga anak para isakripisyo kay Molek.” (BSP) “At huwag kang magbibigay ng iyong binhi, na iyong palilipatin kay Moloch sa pamamagitan ng apoy.” (AS-Tg) “Huwag mong ihahandog kay Moloc ang alinman sa iyong mga anak.” (MB) “Huwag mong pahihintulutang italaga kay Molec ang sinuman sa iyong supling.”​—NW.

Tanging sina Ahaz at Manases ang mga hari ng Juda na sinasabing nagparaan ng kanilang mga supling sa apoy. Gayunman, dahil sa pagtataguyod ng dalawang haring ito sa paghahain ng mga anak, maliwanag na lumaganap ang gawaing ito sa gitna ng mga Israelita. (2Ha 16:3; 21:6; Jer 7:31; 19:4, 5; 32:35; Eze 20:26) Sa ilang pagkakataon, posibleng pinapatay muna nila ang mga bata, sa halip na sunugin nang buháy.​—Eze 16:20, 21.

Upang huwag nang paraanin ng mga tao ang kanilang mga anak sa apoy, dinungisan ni Haring Josias ang Topet, na pangunahing sentro ng pagsamba kay Molec sa Juda. (2Ha 23:10-13) Subalit hindi nito lubusang napawi ang gawaing iyon. Sinabi ni Ezekiel, na nagsimulang maglingkod bilang propeta 16 na taon pagkamatay ni Josias, na umiiral ang gawaing iyon noong kaniyang mga araw.​—Eze 20:31.

Ipinapalagay na ang Molec na pinaghahainan ng mga bata ay anyong tao subalit may ulo ng toro. Sinasabi na ang imahen ay pinaiinit hanggang sa magbaga at ang mga bata ay inihahagis sa nakaunat na mga bisig nito, sa gayo’y nahuhulog sa nagliliyab na hurno sa ibaba. Ang ideyang ito ay batay sa paglalarawan ng Griegong istoryador na si Diodorus Siculus ng unang siglo B.C.E. hinggil kay Cronos o Moloc ng Cartago.​—Diodorus of Sicily, XX, 14, 4-6.

Tungkol sa pagsasagawa ng astrolohiya may kaugnayan sa pagsamba kay Molec, tingnan ang ASTROLOGO.