Moria
Pangalan ng mabato at mataas na lugar na pinagtayuan ni Solomon ng maringal na templo para kay Jehova. Bago nito, binili ng kaniyang amang si David ang lugar na ito sa Jebusitang si Arauna (Ornan) upang pagtayuan ng altar, ayon sa tagubilin ng Diyos para matigil ang salot na bunga ng kasalanan ni David may kaugnayan sa pagkuha ng sensus.—2Sa 24:16-25; 1Cr 21:15-28; 2Cr 3:1; tingnan ang ARAUNA.
Sa sinaunang tradisyong Judio, ang dakong kinaroroonan ng templo ay iniuugnay sa bundok na nasa “lupain ng Moria” kung saan tinangkang ihandog ni Abraham si Isaac, ayon sa utos ng Diyos. (Gen 22:2; tingnan ang Jewish Antiquities, VII, 329-334 [xiii, 4].) Mangangahulugan ito na ang bulubunduking rehiyon sa palibot ng Jerusalem ay ang “lupain ng Moria.” Mula sa Beer-sheba, naglakbay si Abraham patungo sa “lupain ng Moria,” at noong ikatlong araw, nakita niya mula sa malayo ang lugar na iyon na tinukoy ng Diyos.—Gen 21:33, 34; 22:4, 19.
May mga tumututol na iugnay ang Bundok Moria sa kinaroroonan ng templo sa Jerusalem, dahil sa distansiya nito mula sa Beer-sheba at dahil hindi ito makikita “mula sa malayo.” Ngunit si Abraham ay “patungo sa lupain ng Moria” nang maglakbay siya. Noong unang araw, si Abraham ay bumangon nang maaga, siniyahan niya ang kaniyang asno, nagsibak siya ng kahoy, ipinasan ito sa hayop, at nagsimulang maglakbay. (Gen 22:2, 3) Nang ‘ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at nakita niya ang dako [ang lupain ng Moria] mula sa malayo.’ Kaya nga, noong ikalawang araw lamang buong-araw na naglakbay si Abraham. Tungkol sa pagiging nakikita ng Bundok Moria at sa distansiya ng paglalakbay patungo roon, ganito ang sinabi ng The Illustrated Bible Dictionary: “Gayunman, ang distansiya mula sa T Filistia hanggang sa Jerusalem ay mga 80 km, na maaaring lakbayin nang 3 araw, at sa Genesis ang lugar na tinutukoy ay hindi isang ‘bundok Moria’ kundi isang bundok sa lupain na may gayong pangalan, at ang kabundukang kinatatayuan ng Jerusalem ay nakikita sa malayo. Samakatuwid, walang dahilan upang mag-alinlangan na ang paghahain ni Abraham ay nangyari sa kinaroroonan ng Jerusalem nang maglaon, kung hindi man sa burol ng Templo.” (Inedit ni J. Douglas, 1980, Tomo 2, p. 1025) Posible rin na aabot nang mahigit sa dalawang araw ang paglalakad nang mga 80 km (50 mi) mula Beer-sheba hanggang Bundok Moria.
Noong panahon ni Abraham, maliwanag na ang Bundok Moria ay malayo sa Salem. Kaya naman, hindi makikita ng mga tumatahan sa lunsod ang tangkang paghahain kay Isaac. Walang ulat na nasaksihan nila ito o na nagtangka silang makialam. Pagkalipas ng maraming siglo, waring naging liblib na lugar ang Bundok Moria yamang isang giikan ang naroroon noong mga araw ni David. Gayunman, walang binanggit na gusali sa lugar na iyon.—2Cr 3:1.
Sa ngayon, ang dambanang Islam na kilala bilang Dome of the Rock, ay nasa ibabaw ng Bundok Moria.—Tingnan ang JERUSALEM (Noong Bandang Huli).