Mula
[sa Heb., peʹredh; pir·dahʹ (mulang-babae)].
Ang mula [sa Ingles, mule] ay supling ng asnong lalaki at kabayong babae. Ang katawan ng mula ay kahawig ng sa kabayo, ngunit ang maikli at
malaking ulo nito, mahahabang tainga, maikling kilíng, maliliit na paa, at buntot na may mahahabang balahibo, ay mga katangian ng asno. Nagsanib sa mula (Equus asinus mulus) ang ilan sa magagandang katangian ng mga magulang nito: ang tibay at katatagan ng asno, at ang lakas, sigla, at tapang ng kabayo. Di-tulad ng kabayo, ang mula ay bihirang magkasakit, mas matiisin kapag nagdadala ng mabibigat na pasan, at mas mahaba ang buhay. Ang hinny, na supling naman ng barakong kabayo at asnong babae, ay mas maliit sa mula at hindi kasinlakas at kasingganda nito. Maliban sa iilang eksepsiyon, ang lalaki at babaing mula ay kapuwa baog.Ang mga mula ay kasama sa mga kaloob na dinadala kay Solomon ng mga haring nagnanais makarinig ng kaniyang karunungan. (1Ha 10:24, 25; 2Cr 9:23, 24) Malamang na ang ibang mga mula ay galing sa mga negosyanteng gaya ng mga taga-Fenicia. (Eze 27:8, 9, 14) Noong panahon ni David, ang mga mula ay sinasakyan ng mga taong prominente. Ang mulang-babae ni David ay itinalagang gamitin ni Solomon noong papahiran siya sa Gihon bilang hari.—2Sa 13:29; 18:9; 1Ha 1:33, 34, 38, 39.
Ang mga mula ay pinahalagahan bilang mga tagapagdala ng pasan. (2Ha 5:17; 1Cr 12:40) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi ni Jehova na ang mga mula ay isa sa mga transportasyong magdadala ng kaniyang nangalat na bayan pabalik sa Jerusalem. (Isa 66:20) Kaya naman, kapansin-pansin na bilang katuparan ng hula, ang mga bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya ay nagdala ng 245 mula, bukod pa sa ibang mga hayop na pantrabaho.—Ezr 2:66; Ne 7:68.
Ang mga tao ay pinapayuhang huwag maging mga taong walang pagkaunawa, tulad ng kabayo o mula na ang sigla ay kailangang supilin sa pamamagitan ng renda o ng preno.—Aw 32:9.