Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Muralya

Muralya

Isang bunton ng lupa o mga bato, o isang pader pa nga, na itinayo bilang isang kuta sa palibot ng isang lugar.

Ang muralyang pangubkob (sa Heb., so·lelahʹ) ay isang bunton ng lupa (at kung minsan, ng mga bato) na itinindig ng isang hukbo upang maging isang dahilig na pagsasampahan ng mga pambundol at iba pang mga kasangkapang pangubkob laban sa isang nakukutaang lunsod. (2Sa 20:15) Nagtindig ng isang muralyang pangubkob ang Asiryanong hari na si Senakerib laban sa Lakis. Ipinakikita ng mga paghuhukay sa Lakis na ang muralyang ito ay pangunahin nang binubuo ng mga bato na pinagdikit-dikit ng maraming argamasa. Gayunman, hindi nakapagtindig si Senakerib ng muralyang pangubkob laban sa Jerusalem.​—2Ha 19:32.

Inihula na magtitindig si Nabucodonosor na hari ng Babilonya ng mga muralyang pangubkob laban sa Jerusalem at laban sa Tiro. (Jer 6:6; Eze 21:22; 26:7, 8) Makahulang inilarawan ang pagkubkob laban sa Jerusalem nang tagubilinan si Ezekiel na maglilok ng isang modelo ng Jerusalem sa isang laryo at magtayo ng isang muralyang pangubkob laban doon.​—Eze 4:1, 2.

Lumilitaw na ang muralya (sa Heb., ma·tsohrʹ) na binanggit sa Zacarias 9:3, 4 ay tumutukoy sa matitibay na kuta ng Tiro, na binubuo ng matataas na pader na yari sa malalaking bloke ng bato. Pagkatibay-tibay ng lunsod ng Babilonya, anupat mayroon itong panloob na muralya at panlabas na muralya na kapuwa yari sa mga laryo.​—Tingnan ang BABILONYA Blg. 1.

Sa ilang kaso, ang muralya (sa Heb., chehl) na bahagi ng mga kuta ng isang lunsod ay gawa sa lupa na dinukal noong hukayin ang isang bambang sa palibot ng lunsod. Ang taas ng muralyang nalikha nang gawin ang bambang sa Hazor ay mga 15 m (50 piye). Dahil dito, ang tuktok ng muralya, kung susukatin mula sa sahig ng bambang, ay may taas na halos 30 m (100 piye). Ang lunsod ng Jerusalem ay may sariling mga kuta, kasama na rito ang isang muralya.​—Aw 122:7; 48:13; tingnan ang KUTA.

Ang tulong o “kaligtasan” na mula sa Diyos ay maaaring maging isang tiyak na pananggalang, anupat maihahambing sa mga pader at muralya. Sa gayon, habang maliwanag na tinutukoy ang Jerusalem, sinasabi ng Isaias 26:1 kung ano ang gagawin ng Diyos na Jehova para sa lunsod: “Itinatalaga niya ang kaligtasan bilang mga pader at muralya.”