Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mustasa

Mustasa

[sa Gr., siʹna·pi].

Isang yerba na mabilis lumaki, ang buto o butil nito ay tinukoy ni Jesus sa isang ilustrasyon tungkol sa Kaharian ng langit (Mat 13:31, 32; Mar 4:30-32; Luc 13:18, 19; tingnan ang ILUSTRASYON, MGA) at nang banggitin niya na maging ang kakaunting pananampalataya ay may malaking magagawa. (Mat 17:20; Luc 17:6) May ilang uri ng mga halamang mustasa na matatagpuang tumutubo nang ligáw sa Palestina, anupat ang black mustard (Brassica nigra) ang uri na pinakakaraniwang itinatanim. Kapag nasa matabang lupa, ang buto, pagkalipas ng ilang buwan, ay maaaring maging tulad-punungkahoy, isang halaman na may taas na hanggang 4.5 m (15 piye), anupat ang tangkay sa gitna ay sinlapad ng bisig ng tao. Ang mga bulaklak ng halamang mustasa ay dilaw at ang gilid ng mga dahon ay hindi pantay-pantay at matingkad na luntian ang kulay. Ang mga supot ng buto na umuusbong ay may hilera ng mga buto, anupat ang mga buto ng mustasang itim ay matingkad na kayumanggi. Kapag taglagas, ang mga tangkay at mga sanga ng mga halamang ito ay tumitigas at nagiging matibay, anupat napakatatag nito at kayang suportahan ang mga ibong gaya ng mga linnet at mga finch na kumakain ng mga buto nito.

Bagaman maaaring mangatuwiran ang iba na hindi ang buto ng mustasa ang “pinakamaliit” sa lahat ng mga buto, anupat ang mga buto ng orkid ay mas maliliit pa, at na hindi naman ito aktuwal na nagiging “isang punungkahoy,” dapat tandaan na si Jesus ay nagsasalita noon ng mga bagay na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig. Para sa mga tagapakinig ni Jesus, ang butil ng mustasa ay totoong kabilang sa pinakamaliliit na mga butong itinatanim, at kapansin-pansin na tinatawag ng mga Arabe na “mga punungkahoy” ang mga halamang mas maliliit pa kaysa sa mustasa.​—Mat 13:31, 32.