Naaman
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging kaiga-igaya”].
1. Isang apo ni Benjamin sa pamamagitan ng kaniyang panganay na si Bela. (1Cr 8:1-4, 7) Yamang pinagmulan ng isang pamilya, ang mga Naamita sa tribo ni Benjamin (Bil 26:40), si Naaman mismo ay nakatala sa ibang dako bilang isa sa “mga anak” ni Benjamin.—Gen 46:21.
2. Isang Siryanong pinuno ng hukbo nang ikasampung siglo B.C.E., noong panahon ng mga paghahari ni Jehoram ng Israel at ni Ben-hadad II ng Sirya. Si Naaman, ‘isang dakila, magiting at makapangyarihang lalaki na iginagalang,’ ang isa na sa pamamagitan niya ay “nagbigay si Jehova ng kaligtasang ito sa Sirya.” (2Ha 5:1) Walang ibinibigay na mga detalye ang Bibliya kung paano o kung bakit ginamit si Naaman upang magbigay ng kaligtasan sa Sirya. Ang isang posibilidad ay na si Naaman ang nanguna sa mga hukbong Siryano na matagumpay na lumaban sa mga pagsisikap ng Asiryanong si Haring Salmaneser III na daluhungin ang Sirya. Yamang walang pinapanigan ang Sirya, ito ay nagsilbing isang neutral na estado sa pagitan ng Israel at Asirya at maaaring nakatulong ito upang mapigilan ang agresibong pag-abante ng Asirya sa K hanggang sa dumating ang takdang panahon ni Jehova upang pahintulutan ang hilagang kaharian na humayo sa pagkatapon.
Pinagaling ang Ketong. Si Naaman ay isang ketongin, at bagaman hindi hinihiling ng mga Siryano ang pagbubukod sa kaniya gaya ng hinihiling ng kautusan ni Jehova sa mga ketongin sa Israel, tiyak na ikinatuwa niya ang balita na siya ay maaaring mapagaling sa nakapandidiring sakit na ito. Ang balitang iyon ay nakarating sa kaniya sa pamamagitan ng Israelitang batang babae na alipin ng kaniyang asawa na nagbalita na may isang propeta sa Samaria na nakapagpapagaling ng ketong. Kaagad na humayo si Naaman patungong Samaria dala ang isang liham ng pagpapakilala mula kay Ben-hadad II. Gayunman, pagkatapos ng malamig at may-paghihinalang pagtanggap sa kaniya ng Israelitang si Haring Jehoram, isinugo siya kay Eliseo. Hindi personal na hinarap ni Eliseo si Naaman, kundi inutusan lamang niya ang kaniyang lingkod na sabihin kay Naaman na maligo nang pitong ulit sa Ilog Jordan. Palibhasa’y nasaktan ang kaniyang amor propyo, at nadamang basta na lamang siya pinaparoo’t parito nang walang anumang seremonya, nagngangalit na umalis si Naaman. Kung ang kaniyang mga tagapaglingkod ay hindi nakipagkatuwiranan sa kaniya at itinawag-pansin ang pagkamakatuwiran ng tagubilin, bumalik na sana si Naaman sa kaniyang bansa nang hindi gumagaling sa ketong. Ngunit gaya ng nangyari, naligo siya nang pitong ulit sa Jordan at makahimalang luminis, ang tanging ketongin na tinulungan ni Eliseo upang mapagaling.—2Ha 5:1-14; Luc 4:27.
Naging Mananamba ni Jehova. Puspos ng pasasalamat at mapagpakumbabang pagpapahalaga, ang Siryanong pinuno ng hukbo ay bumalik kay Eliseo, na may distansiyang marahil ay 50 km 2Ha 5:15-17; ihambing ang Exo 20:24, 25.
(30 mi), at inalukan ito ng napakasaganang kaloob, na mariing tinanggihan ng propeta. Pagkatapos ay humingi si Naaman ng lupa ng Israel, “ang mapapasan ng isang pares na mula,” na maiuuwi, upang sa lupa ng Israel ay makapaghandog siya ng mga hain kay Jehova, anupat isinumpang mula sa panahong iyon ay wala na siyang ibang diyos na sasambahin. Maaaring iniisip ni Naaman na maghandog ng mga hain kay Jehova sa isang altar na lupa.—Sumunod ay hiniling ni Naaman na patawarin siya ni Jehova kapag yumuyukod siya sa harap ng diyos na si Rimon kasabay ng hari bilang pagganap ng kaniyang mga tungkuling pansibil, yamang lumilitaw na ang hari ay matanda na at mahina na anupat nagpapaalalay at sumasandig kay Naaman. Sa gayong kalagayan, ang pagyukod niya ay pagganap lamang sa kaniyang tungkuling alalayan ang hari at hindi personal na pagsamba. Naniwala si Eliseo sa taimtim na kahilingan ni Naaman, anupat tumugon, “Yumaon kang payapa.”—2Ha 5:18, 19.
Pagkaalis ni Naaman, hinabol siya ng mapag-imbot na lingkod ni Eliseo na si Gehazi. Nagsinungaling si Gehazi at pinalitaw niyang nagbago ang isip ni Eliseo at na tatanggapin na rin nito ang ilang kaloob. Malugod namang nagbigay si Naaman ng mga kaloob na pilak at mga kasuutan. Ngunit dahil sa sakim at mapanlinlang na pagkilos na ito ni Gehazi, anupat tinangka niyang gamitin sa maling paraan ang kaniyang katungkulan bilang tagapaglingkod ni Eliseo upang makinabang mula sa gawain ng espiritu ni Jehova, pinarusahan siya ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapasapit ng ketong sa kaniya at sa kaniyang supling hanggang sa panahong walang takda.—2Ha 5:20-27.