Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nabot

Nabot

Isang Jezreelitang may-ari ng ubasan at biktima ng isang balakyot na pakana ni Reyna Jezebel. Ang ubasan ni Nabot sa Jezreel ay abot-tanaw sa palasyo ni Haring Ahab. Tinanggihan ni Nabot ang alok ni Ahab na bilhin ang ubasan o ipagpalit ito sa isang mas mainam na ubasan sa ibang lugar, dahil ipinagbawal ni Jehova na ipagbili nang panghabang-panahon ang mana ng pamilya. (1Ha 21:1-4; Lev 25:23-28) Ngunit nagpakana ang asawa ni Ahab na si Reyna Jezebel na dalawang saksi ang may-kabulaanang magparatang kay Nabot ng paglapastangan sa Diyos at sa hari. Sa gayon ay pinatay si Nabot at ang mga anak nito (2Ha 9:26), kaya nagawang angkinin ni Ahab ang ubasan. Dahil sa pagpaslang na ito, inihula ni Elias na hindi lamang uubusin ng mga aso si Jezebel kundi hihimurin din ng mga ito ang dugo ni Ahab sa mismong dako na pinaghimuran ng mga ito ng dugo ni Nabot. Ang supling ni Ahab ay lilipulin din. (1Ha 21:5-23) Ang kapahayagang ito mula sa Diyos ay natupad.​—1Ha 22:34, 38; 2Ha 9:21, 24-26, 35, 36; 10:1-11.