Nadab
[Nakahanda; Marangal; Bukas-palad].
1. Ang panganay na anak nina Aaron at Elisheba. (Exo 6:23; 1Cr 6:3) Ipinanganak si Nadab sa Ehipto at naglakbay siyang kasama ng Israel sa bantog na Pag-alis. Siya, kasama ang kaniyang nakababatang kapatid na si Abihu at ang 70 iba pang Israelita, ay tinawag kasama nina Aaron at Moises upang umahon sa Sinai, kung saan nila nakita sa isang pangitain si Jehova. (Exo 24:1, 9-11) Si Nadab at ang kaniyang tatlong kapatid ay pawang itinalaga sa pagkasaserdote kasama ng kanilang ama. (Exo 28:1; 40:12-16) Ngunit maliwanag na bago natapos ang araw na iyon, inabuso nina Nadab at Abihu ang kanilang katungkulan sa pamamagitan ng paghahandog ng kakaibang apoy. Hindi sinabi kung ano ang dahilan at naging kakaiba ang apoy na iyon, ngunit malamang na higit pa ito sa basta pagkalango (na ipinahiwatig ng kasunod na pagbabawal sa mga saserdote na huwag uminom ng alak o nakalalangong inumin kapag naglilingkod). Gayunman, maaaring ang isang dahilan ng kanilang pagkakasala ay ang pagkalango nila. Dahil sa kanilang pagsalansang, pinatay sila ng apoy na mula kay Jehova at ang kanilang mga bangkay ay inilabas ng kampo. (Lev 10:1-11; Bil 26:60, 61) Namatay sina Nadab at Abihu bago pa man sila magkaroon ng anak, anupat naiwan ang kanilang mga kapatid na sina Eleazar at Itamar upang pagmulan ng dalawang makasaserdoteng sambahayan.—Bil 3:2, 4; 1Cr 24:1, 2.
2. Isang inapo ni Juda sa linya ni Jerameel; anak ni Samai at ama nina Seled at Apaim.—1Cr 2:3, 25, 26, 28, 30.
3. Isang anak ni Jeiel na mula sa tribo ni Benjamin.—1Cr 8:1, 29, 30; 9:35, 36.
4. Anak ni Jeroboam at ikalawang hari ng hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel. Si Nadab ay namahala sa loob ng dalawang taon, pasimula noong mga 976 B.C.E. Noong panahong iyon ay ipinagpatuloy niya ang pagsamba sa guya na pinasimulan ng kaniyang ama. Habang kinukubkob ni Nadab ang Gibeton, isang dating lunsod ng mga Levita (Jos 21:20, 23) na sinakop ng mga Filisteo, siya ay pinaslang ni Baasa. Pagkatapos ay pinatay rin ni Baasa ang lahat ng nalalabing miyembro ng sambahayan ni Jeroboam upang makuha niya ang trono.—1Ha 14:20; 15:25-31.