Nagkukulupon, Bagay na
[sa Heb., sheʹrets].
Ang salitang-ugat na pinagkunan ng terminong ito ay nangangahulugang “magkulupon” o ‘mapuno.’ (Gen 8:17; Exo 8:3) Waring ang pangngalang ito ay kumakapit sa maliliit na nilalang na magkakasama nang maramihan. (Exo 8:3; Aw 105:30; ihambing ang Exo 1:7.) Una itong binanggit sa Genesis 1:20 sa unang paglitaw ng mga kaluluwang buháy noong ikalimang araw ng paglalang, nang ang tubig ay magsimulang bukalan ng kulupon ng mga kaluluwang buháy. Nilipol ng Baha ang ‘mga bagay na nagkukulupon’ sa lupa sa labas ng arka.—Gen 7:21.
Batay sa kautusan tungkol sa malilinis at maruruming bagay, ang terminong ito ay maaaring kumapit sa mga nilalang sa tubig (Lev 11:10); mga may-pakpak na nilalang, kasama na ang mga paniki at mga insekto (Lev 11:19-23; Deu 14:19); mga nilalang sa katihan, kasama na ang mga rodent, bayawak, hunyango (Lev 11:29-31); gayundin sa mga nilalang na umuusad sa kanilang mga “tiyan” at mga nilalang na maraming paa (Lev 11:41-44). Marami sa mga ito, bagaman hindi lahat, ay “marumi” at hindi maaaring kainin ayon sa Kautusan.