Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nahas

Nahas

[Serpiyente].

1. Hari ng mga Ammonita noong magsimulang maghari si Saul. Dinala ni Nahas ang kaniyang hukbo laban sa Jabes sa Gilead. Ang ulat ay kababasahan: “Dahil dito ay sinabi ng lahat ng mga lalaki ng Jabes kay Nahas: ‘Makipagtipan ka sa amin upang maglingkod kami sa iyo.’ Nang magkagayon ay sinabi sa kanila ni Nahas na Ammonita: ‘Sa kundisyong ito ay gagawin ko iyon sa inyo, sa kundisyon na dudukitin ang bawat kanang mata ninyo, at ilalagay ko iyon bilang kadustaan sa buong Israel.’ Sinabi naman sa kaniya ng matatandang lalaki ng Jabes: ‘Bigyan mo kami ng pitong araw na palugit, at magsusugo kami ng mga mensahero sa buong teritoryo ng Israel at, kung walang tagapagligtas sa amin, lalabasin ka nga namin.’⁠” Nagtipun-tipon ang Israel sa panig ni Saul, pumaroon sa Jabes, at tinalo si Nahas. Kaunti lamang sa hukbo ni Nahas ang nakaligtas nang buháy.​—1Sa 11:1-11; 12:11, 12.

Sa isang Dead Sea scroll na tinaguriang 4QSama at pinaniniwalaang mula pa noong unang siglo B.C.E., ang sumusunod na impormasyon ay isiningit mismong bago ng 1 Samuel 11:1: “Lubhang siniil ni [Na]has, hari ng mga anak ni Ammon, ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben, at dinukit niya ang [lahat ng] kanilang kanang mata at nagpasapit ng takot [at panghihilakbot] sa Israel. Walang isa mang natira sa mga anak ni Israel sa ibayo [ng Jordan na] ang kanang mata ay hindi inalis ni Naha[s na hari] ng mga anak ni Ammon; maliban sa pitong libong lalaki [na tumakas mula sa] mga anak ni [A]mmon at pumasok sa [J]abes-Gilead. Pagkaraan ng mga isang buwan . . . ” (Bible Review, 1985, Tomo 1, Blg. 3, p. 28) Halos ito rin ang impormasyong inilahad ni Josephus.​—Jewish Antiquities, VI, 68-70 (v, 1).

Ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, VI, 79 [v, 3]), ang Nahas na ito ay napatay sa pakikipagbaka sa mga hukbo ni Saul. Kung tama ang impormasyon ni Josephus, ang Nahas na nagpakita ng kabaitan kay David ilang taon pagkaraan nito ay malamang na isang anak at kahalili ng Nahas na tinalo ni Saul. Kung gayon, maaaring ang pangalang Nahas ay isang titulong iginawad sa ilang tao, tulad ng mga titulong “Abimelec,” “Paraon,” at “Jabin.” Nang mamatay ang ikalawang Nahas na ito, nagsugo si David ng mga embahador sa anak nito na si Hanun. Gayunman, minasama niya ang marangal na intensiyon ni David at labis na hiniya ang mga kinatawan nito. Ito naman ang nagbunsod ng sunud-sunod na mga pangyayari na humantong sa pagkatalo ng mga Ammonita sa kamay ni David.​—2Sa 10:1-5; 11:1; 12:26-31; 1Cr 19:1-5; 20:1-3.

2. Ang ama ni Abigail na kapatid na babae o kapatid sa ina ni David at posibleng ang ama ni Zeruias. Siya ang lolo ni Amasa, at marahil pati nina Abisai, Asahel, at Joab. (2Sa 17:25; 1Cr 2:16, 17) Si Abigail ay tinatawag na “anak ni Nahas,” ngunit siya at ang kaniyang kapatid ay hindi tuwirang tinawag na mga anak na babae ni Jesse, na ama ni David, bagaman tinukoy sila bilang “mga kapatid na babae” ng mga anak ni Jesse, na dito ay kabilang si David. Nagbibigay-daan ito sa ilang posibleng mga kaugnayan: (1) Na si Nahas ay isang babae, asawa ni Jesse at ang ina ng lahat ng nasasangkot (ang pangalang ito ay maaaring ibigay sa lalaki o babae), ngunit malayong mangyari ito dahil kadalasan, ang mga babae ay binabanggit lamang sa talaangkanan kapag may pantanging mga kadahilanan, na sa kasong ito ay waring wala naman. (2) Na ang Nahas ay isa pang pangalan ni Jesse, gaya ng iminumungkahi ng sinaunang tradisyong Judio. “Jesse” ang nasa Griegong Septuagint (edisyon ni Lagarde) sa 2 Samuel 17:25 sa halip na Nahas. (3) Na si Nahas ay dating asawa ng asawa ni Jesse (malamang na siyang totoo) at na nagsilang siya kay Nahas ng dalawang babae, sina Abigail at Zeruias, bago siya maging asawa ni Jesse at magsilang dito ng ilang anak na lalaki.​—Tingnan ang ABIGAIL Blg. 2.

3. Isang naninirahan sa Ammonitang lunsod ng Raba. Ang anak niyang si Sobi ay nagpakita ng kabaitan kay David sa pamamagitan ng pagpapadala rito ng mga panustos nang tumakas ito patungong Mahanaim dahil sa paghihimagsik ni Absalom. (2Sa 17:27-29) Posibleng isa siyang Israelita na nanirahan sa Raba nang ang mga Ammonita roon ay matalo ng Israel.​—2Sa 12:26-31.