Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nahor

Nahor

1. Ama ni Tera at lolo ni Abraham. Si Nahor ay anak ni Serug at inapo ni Sem. Nabuhay siya nang 148 taon (2177 hanggang 2029 B.C.E.).​—Gen 11:22-26; 1Cr 1:24-27; Luc 3:34-36.

2. Anak ni Tera; apo ni Nahor (Blg. 1); at kapatid ni Abraham. (Gen 11:26; Jos 24:2) Naging asawa ni Nahor si Milca, na kapatid ni Lot at anak ng isa pang kapatid ni Nahor, si Haran, samakatuwid ay pamangkin ni Nahor. Nagkaanak siya kay Milca ng 8 lalaki, at sa kaniyang babaing si Reuma ay nagkaanak siya ng 4 pang lalaki, anupat sa kabuuan ay 12; ang ilan sa mga ito ay naging mga ulo ng tribo. (Gen 11:27, 29; 22:20-24) Sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Betuel, si Nahor ay lolo nina Laban at Rebeka, at lolo sa tuhod nina Lea, Raquel, Jacob (Israel), at Esau.​—Gen 24:15, 24, 47; 29:5, 16; 1Cr 1:34.

Sa ulat ng Genesis tungkol sa paglisan nina Tera at Abraham sa Ur ng mga Caldeo, hindi kabilang ang pangalan ni Nahor sa talaan ng mga naglakbay. (Gen 11:31) Ngunit waring sumunod siya nang maglaon, sapagkat nang ang lingkod ni Abraham ay maghanap ng asawa para kay Isaac, nagpunta siya sa Haran, kung saan nanahanan at namatay si Tera, at kung saan naninirahan ang apo ni Nahor na si Laban noong pumunta sa kaniya si Jacob. (Gen 11:31, 32; 12:4; 27:43) Ang lingkod ni Abraham ay pumaroon “sa lunsod ni Nahor,” maaaring sa Haran mismo o sa isang kalapit na lugar, marahil ay ang Nahur na madalas banggitin sa mga tapyas ng Mari na mula noong ikalawang milenyo B.C.E. (Gen 24:10; 29:4; The Biblical Archaeologist, 1948, p. 16) At nang humiwalay si Jacob kay Laban, tumawag si Laban sa ‘diyos ni Abraham at diyos ni Nahor’ upang humatol sa pagitan nila.​—Gen 31:53; tingnan ang HARAN Blg. 4.