Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nahum, Aklat ng

Nahum, Aklat ng

Ang aklat na ito ng Bibliya ay isang makahulang “kapahayagan laban sa Nineve,” ang kabisera ng Imperyo ng Asirya. Isinulat ito ni Nahum na Elkosita. (Na 1:1) Pinatototohanan ng katuparan sa kasaysayan ng makahulang kapahayagang iyon ang autentisidad ng aklat na ito. Ilang panahon pagkaraang dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo ang Ehipsiyong lunsod ng No-amon (Thebes) noong ikapitong siglo B.C.E. (3:8-10), ang aklat ng Nahum ay sinimulang isulat, at natapos ito bago maganap ang inihulang pagkawasak ng Nineve noong 632 B.C.E.​—Tingnan ang ASIRYA; NINEVE.

Kasuwato ng Iba Pang mga Aklat ng Bibliya. Ang aklat ng Nahum ay lubusang kaayon ng iba pang bahagi ng Kasulatan sa paglalarawan kay Jehova bilang isang “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon,” “mabagal sa pagkagalit at dakila sa kapangyarihan,” ngunit sa anumang paraan ay hindi nag-uurong ng kaparusahan. (Na 1:2, 3; ihambing ang Exo 20:5; 34:6, 7; Job 9:4; Aw 62:11.) “Si Jehova ay mabuti, isang moog sa araw ng kabagabagan. At nakikilala niya yaong mga nanganganlong sa kaniya.” (Na 1:7; ihambing ang Aw 25:8; 46:1; Isa 25:4; Mat 19:17.) Ang mga katangiang ito ay malinaw na nakita nang iligtas niya ang mga Israelita mula sa paniniil ng Asirya at nang lapatan niya ng paghihiganti ang Nineve na may pagkakasala sa dugo pagkatapos niyang magtimpi ng mahaba-habang panahon.

Kapansin-pansin din ang pagkakahawig ng Nahum kabanata 1 at ng Awit 97. Ang pananalita ng Isaias (10:24-27; 30:27-33) may kinalaman sa kahatulan ni Jehova laban sa Asirya ay katugma sa paanuman ng Nahum kabanata 2 at 3.​—Ihambing din ang Isa 52:7; Na 1:15; Ro 10:15.

Tagpo sa Kasaysayan. Bagaman tiniyak sa kaniya na mabibigo ang sabuwatan ng Siryanong si Haring Rezin at ng Israelitang si Haring Peka na alisin siya sa pagkahari (Isa 7:3-7), ang walang-pananampalatayang si Ahaz ng Juda ay may-kamangmangang humingi ng tulong sa Asiryanong si Haring Tiglat-pileser III (Tilgat-pilneser). Nang dakong huli, ‘napighati siya, at hindi napalakas’ dahil sa gayong pagkilos sapagkat ang Juda ay napasailalim sa mabigat na pamatok ng Asirya. (2Cr 28:20, 21) Nang maglaon, ang anak at kahalili ni Ahaz na si Hezekias ay naghimagsik laban sa pamumuno ng Asirya. (2Ha 18:7) Pagkatapos, sinalakay ng Asiryanong monarka na si Senakerib ang Juda at sunud-sunod na sinakop ang mga nakukutaang lunsod nito, na nagbunga ng malawakang pagkatiwangwang ng lupain. (Ihambing ang Isa 7:20, 23-25; 8:6-8; 36:1, 2.) Ang sumunod na Judeanong hari, si Manases, ay binihag ng mga Asiryanong pinuno ng hukbo at dinala sa Babilonya (na kontrolado noon ng Asirya).​—2Cr 33:11.

Yamang matagal nang nagdurusa noon ang Juda sa ilalim ng panunupil ng Asirya, ang hula ni Nahum tungkol sa napipintong pagkawasak ng Nineve ay mabuting balita. Nagsalita si Nahum na para bang naganap na ang pagbagsak ng Asirya nang isulat niya: “Narito! Nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, niyaong naghahayag ng kapayapaan. O Juda, ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan. Tuparin mo ang iyong mga panata; sapagkat hindi na muling daraan sa iyo ang walang-kabuluhang tao. Lubus-lubusan siyang lilipulin.” (Na 1:15) Hindi na magiging hadlang ang mga Asiryano; wala nang makapipigil sa mga Judeano sa pagdalo o pagdiriwang ng mga kapistahan. Lubusan silang ililigtas mula sa paniniil ng Asirya. (Ihambing ang Na 1:9.) Gayundin, ang lahat ng iba pang bayan na makaririnig ng tungkol sa pagkawasak ng Nineve ay “magpapalakpak ng kanilang mga kamay,” o magsasaya, dahil sa kaniyang kapahamakan, sapagkat nagdulot sa kanila ng malaking pagdurusa ang kasamaan ng lunsod.​—3:19.

Dahil sa pagiging agresibo ng mga Asiryano sa pakikipagdigma, ang Nineve ay naging isang “lunsod ng pagbububo ng dugo.” (Na 3:1) Malupit at di-makatao ang pakikitungo nito sa kaniyang mga bihag sa digmaan. Ang ilan ay sinusunog o binabalatan nang buháy. Ang iba ay binubulag o pinuputulan ng ilong, mga tainga, o mga daliri. Kadalasan, ang mga bihag ay inaakay sa pamamagitan ng mga panaling nakakabit sa mga pangawit na nakatuhog sa ilong o mga labi. Talagang dapat puksain ang Nineve dahil sa pagkakasala nito sa dugo.

[Kahon sa pahina 443]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG NAHUM

Isang kapahayagan laban sa Nineve, ang kabisera ng Asirya

Isinulat bago mawasak ang Nineve noong 632 B.C.E.

Maghihiganti si Jehova sa kaniyang mga kalaban (1:1-6)

Si Jehova ay humihiling ng bukod-tanging debosyon; bagaman mabagal siya sa pagkagalit, hindi siya magpipigil sa pagpaparusa kapag nararapat

Walang sinuman ang makatatayo laban sa init ng kaniyang galit; sa harap niya ay natutuyo ang mga dagat, umuuga ang mga bundok, natutunaw ang mga burol, nayayanig ang lupa

Ang paglipol sa mga balakyot ay magdudulot ng kaginhawahan sa mga umaasa kay Jehova (1:7–3:19)

Si Jehova ay pananggalang na moog sa mga umaasa sa kaniya, ngunit lilipulin niya ang kaaway

Ipahahayag sa Juda ang mabuting balita; lilipulin ang “walang-kabuluhang tao,” at isasagawa nang walang hadlang ang tunay na pagsamba

Muling titipunin ni Jehova ang kaniyang bayan, ngunit iguguho ang Nineve, at susunugin ang mga karong pandigma nito

Ang lunsod na may pagkakasala sa dugo ay darambungin bilang kaparusahan sa mga kasalanan nito; walang anumang makapagliligtas dito, ang mga mandirigma nito ay magiging parang mga babae

Ang sugat na idinulot sa hari ng Asirya ay wala nang paggaling