Nalabi
Mga natira sa isang pamilya, bansa, tribo, o uri; mga nakaligtas sa isang pagpatay o pagpuksa o sa isang makasaysayang pangyayari; yaong mga nananatiling tapat sa Diyos mula sa isang bansa o kalipunan ng mga tao na humiwalay.
Si Noe at ang kaniyang pamilya ay mga nalabi ng sangkatauhang umiral bago ang Baha. Ang pandiwang sha·ʼarʹ, “maiwan,” ay ginamit bilang paglalarawan sa kanila na tanging nanatiling buháy. (Gen 7:23) Nang maglaon, sa Ehipto, sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid: “Dahil dito ay isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo upang maglagay ng isang nalabi [samakatuwid nga, mga nakaligtas na magpapatuloy ng mga inapo at linya ng pamilya; ihambing ang 2Sa 14:7] para sa inyo sa lupa at upang panatilihin kayong buháy sa pamamagitan ng isang malaking pagliligtas.”—Gen 45:4, 7, tlb sa Rbi8.
Isang Nalabi ng Israel ang Bumalik Mula sa Pagkatapon. Sa Bibliya, ang malimit tukuyin bilang nalabi ay yaong mga kabilang sa bayan ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, ang Diyos ay nagbabala ng kaparusahan sa Israel dahil sa kanilang pagkamasuwayin, subalit nagbigay rin siya ng kaaliwan sa pamamagitan ng paghula na isang nalabi ang maiingatan, babalik sa Jerusalem at muling magtatayo niyaon, at uunlad at magluluwal ng bunga.—Isa 1:9; 11:11, 16; 37:31, 32; Jer 23:3; 31:7-9.
Jer 24:1-10; 44:14; 46:13-17; Pan 1:1-6.
Matapos tangayin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang mga bihag na kinabibilangan ni Haring Jehoiakin ng Juda noong 617 B.C.E., binigyan ni Jehova ng pangitain ang propetang si Jeremias. Sa pangitain, ang mabubuting igos ay kumakatawan sa mga tapon ng Juda na dinala sa Babilonya at na sa kalaunan ay isasauli ni Jehova sa kanilang lupain. Ang masasamang igos ay kumakatawan kay Haring Zedekias, sa kaniyang mga prinsipe, at sa iba pang tulad nila na hindi dinala sa pagkatapon noong panahong iyon (sa katunayan, sila ang nakararami sa mga tumatahan sa Jerusalem at sa Juda), at gayundin sa mga naninirahan sa Ehipto. Noong 607 B.C.E., halos lahat niyaong mga nasa Juda ay pinatay o ipinatapon sa pangkatapusang pagwasak ni Nabucodonosor sa Jerusalem. At nang maglaon, yaong mga nasa Ehipto, kasama na ang mga tumakas doon pagkatapos ng 607 B.C.E., ay nagdusa nang lumusob si Nabucodonosor sa lupaing iyon.—Pinangakuan ni Jehova ang tapat na nalabi, yaong mga nagsisi sa kanilang mga kasalanang naging dahilan kung bakit niya sila ipinatapon, na titipunin niya silang tulad ng mga tupa sa kural. (Mik 2:12) Ginawa niya ito noong 537 B.C.E. nang bumalik ang isang nalabi ng mga Judio sa ilalim ni Zerubabel. (Ezr 2:1, 2) Dati ay “umiika-ika” sila, ngunit tinipon sila ni Jehova, at (bagaman nasa ilalim sila ng pamumuno ng Persia), dahil si Gobernador Zerubabel ang namamahala sa kanila at dahil muling itinatag ang tunay na pagsamba sa templo, muli nilang naging Hari ang Diyos. (Mik 4:6, 7) Magiging tulad sila ng “hamog mula kay Jehova,” na nagdudulot ng pagpapanariwa at kasaganaan, at magkakaroon sila ng tibay-loob at lakas na gaya ng “isang leon sa gitna ng mga hayop sa kagubatan.” (Mik 5:7-9) Lumilitaw na ang huling nabanggit na hula ay natupad noong panahon ng yugtong Macabeo, anupat dahil dito ay naingatan ang mga Judio sa kanilang lupain at naingatan ang templo, hanggang sa pagdating ng Mesiyas.
Kalakip sa pangalan ni Sear-jasub na anak ng propetang si Isaias ang pangngalang sheʼarʹ (pandiwa, sha·ʼarʹ) at nangangahulugan iyon ng “Isang Nalabi Lamang (Yaong mga Nalalabi) ang Babalik.” Ang pangalang ito ay isang tanda na babagsak ang Jerusalem at na ang mga tumatahan dito ay yayaon sa pagkatapon ngunit maaawa ang Diyos at ibabalik niya sa lupain ang isang nalabi.—Isa 7:3.
Walang Nalabing Matitira sa Babilonya. Ginamit ng Diyos ang Babilonya upang parusahan ang kaniyang bayan, subalit nagmalabis ito at nalugod sa paniniil at pagmamalupit sa kanila at binalak nitong panatilihin silang tapon magpakailanman. Sa katunayan, ito’y sapagkat ang Babilonya ang pangunahing tagapagtaguyod ng huwad na pagsamba at napopoot siya kay Jehova at sa pagsamba sa Kaniya. Dahil dito, ipinahayag ng Diyos: “Puputulin ko mula sa Babilonya ang pangalan at nalabi at supling at kaapu-apuhan.” (Isa 14:22) Nang bandang huli, ang Babilonya ay lubusan at permanenteng itiniwangwang, at wala nang babalik na nalabi upang muli siyang itayo.
Isang Nalabi ng Israel ang Tumanggap kay Kristo. Nang dumating si Jesu-Kristo sa bansang Israel, tinanggihan siya ng karamihan. Tanging isang nalabi ang nagpakita ng pananampalataya at naging mga tagasunod niya. Ikinapit ng apostol na si Pablo sa mga Judiong nalabi na ito ang ilang hula sa Isaias (10:22, 23; 1:9) nang sumulat siya: “Bukod diyan, si Isaias ay sumisigaw may kinalaman sa Israel: ‘Bagaman ang bilang ng mga anak ni Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, yaong nalabi ang maliligtas. Sapagkat si Jehova ay gagawa ng pakikipagsulit sa lupa, na tinatapos ito at pinaiikli.’ Gayundin, gaya nga ng sinabi ni Isaias noong una: ‘Malibang si Jehova ng mga hukbo ang nag-iwan sa atin ng isang binhi, naging gaya na sana tayo ng Sodoma, at ginawa na sana tayong katulad ng Gomorra.’” (Ro 9:27-29) Ginamit din ni Pablo ang halimbawa ng 7,000 natira noong panahon ni Elias na hindi lumuhod kay Baal, at sinabi niya: “Kaya nga, sa ganitong paraan, sa kasalukuyang kapanahunan din ay may nalabi na lumitaw ayon sa isang pagpili dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan.”—Ro 11:5.
Ang Espirituwal na Nalabi. Sa Apocalipsis (12), iniulat ni Juan ang kaniyang pangitain tungkol sa isang babae sa langit, at isang dragon, at tinapos niya ang bahaging iyon ng pangitain sa pagsasabing: “At ang dragon ay napoot sa babae, at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi [loi·ponʹ] sa kaniyang binhi, na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” Ang ‘mga nalalabi na may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus’ ay ang natitirang mga kapatid ni Jesu-Kristo dito sa lupa matapos ihagis ang Diyablo sa lupa at ipahayag ang patalastas na: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.” Ang Diyablo, ang dragon, ay nakikipagdigma laban sa nalabing ito ng espirituwal na mga kapatid ni Kristo sa pamamagitan ng ‘mababangis na hayop’ at ng “larawan ng mabangis na hayop,” na inilarawan sa Apocalipsis kabanata 13. Subalit nagtatagumpay ang nalabi, gaya ng isinisiwalat ng Apocalipsis kabanata 14.—Tingnan ang BINHI.