Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natan

Natan

[[Ang Diyos] ay Nagbigay].

1. Isang inapo ni Juda. Ang anak ni Atai at ama ni Zabad. Ang lolo ni Natan ay isang Ehipsiyong lingkod na nagngangalang Jarha.​—1Cr 2:3, 34-36.

2. Isang propeta ni Jehova noong panahon ng paghahari ni David; posibleng mula sa tribo ni Levi. Nang sabihin ng hari kay Natan na nais niyang magtayo ng templo para sa pagsamba kay Jehova, tumugon ang propeta: “Ang lahat ng nasa iyong puso​—yumaon ka, gawin mo.” (2Sa 7:1-3; 1Cr 17:1, 2) Ngunit nang gabing iyon, sinabihan ni Jehova si Natan na sa halip na si David ang magtatayo ng isang templo, isang namamalaging sambahayan ang itatayo ni Jehova para kay David, at na sa kalaunan ay isang inapo ni David ang magtatayo ng bahay ni Jehova. Kaya sa pamamagitan ni Natan, ipinahayag ni Jehova kay David ang isang tipan ukol sa isang kaharian “hanggang sa panahong walang takda” sa linya ni David.​—2Sa 7:4-17; 1Cr 17:3-15.

Nang maglaon ay isinugo ni Jehova si Natan upang itawag-pansin kay David kapuwa ang bigat ng pagkakasala nito laban kay Uria na Hiteo may kaugnayan kay Bat-sheba at ang kaparusahang ipapataw ng Diyos dahil doon. Ginawa niya ito nang mataktika, ngunit mapuwersa, sa pamamagitan ng isang ilustrasyon. Sa gayon ay inakay si David na ipahayag, nang hindi niya namamalayan at walang kinikilingan, ang sarili niyang hatol sa gayong pagkilos. Pagkatapos ay sinabi sa kaniya ni Natan: “Ikaw mismo ang taong iyon!” at ipinahayag niya ang hatol ni Jehova kay David at sa sambahayan nito.​—2Sa 12:1-18; tingnan din ang Aw 51:Sup.

Nang maglaon ay nagsilang si Bat-sheba kay David ng ikalawang anak na lalaki, na pinanganlang Solomon. Minahal ni Jehova ang batang ito; kaya isinugo niya ang kaniyang propetang si Natan, anupat “alang-alang kay Jehova” ay pinanganlan nito ang bata ng Jedidias, nangangahulugang “Minamahal ni Jah.” (2Sa 12:24, 25) Noong huling mga araw ng buhay ni David, nang tangkain ni Adonias na agawin ang trono, gumawa si Natan ng angkop na mga pagkilos upang itawag-pansin iyon kay David. Pagkatapos ay nakibahagi si Natan sa pagpapahid at pagtatalaga kay Solomon bilang hari.​—1Ha 1:5-40.

Lumilitaw na si Natan, kasama si Gad, ay nagpayo kay David hinggil sa wastong pagsasaayos ng mga panugtog may kaugnayan sa santuwaryo. (2Cr 29:25) Maliwanag na sina Natan at Gad ang ginamit upang itala ang impormasyon na nasa huling mga kabanata ng Unang Samuel at ang buong Ikalawang Samuel. (1Cr 29:29) Kalakip din “sa mga salita ni Natan na propeta” ang “mga pangyayari kay Solomon.”​—2Cr 9:29.

Maaaring ang Natan na ito ang ama nina Azarias at Zabud, na kapuwa humawak ng mahahalagang posisyon noong panahon ng paghahari ni Solomon. Si Azarias ay isang malaprinsipeng tagapangasiwa ng mga kinatawan, samantalang si Zabud naman ay naglingkod bilang isang saserdote at matalik na kaibigan at tagapayo ng hari.​—1Ha 4:1, 5.

3. Ang ama ni Igal at kapatid ni Joel, dalawa sa makapangyarihang mga lalaking mandirigma ni David.​—2Sa 23:8, 36; 1Cr 11:26, 38.

4. Isang anak na lalaki ni David sa kaniyang asawang si Bat-sheba, ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem. (2Sa 5:13, 14; 1Cr 3:5) Ang likas na angkan ng Mesiyas ay matatalunton, mula kay David sa pamamagitan ni Natan at ng mga inapo nito hanggang kay Jesus, maliwanag na sa pamamagitan ng ina ni Jesus na si Maria. (Luc 3:23, 31) May kinalaman sa panahon na “titingin sila sa Isa na kanilang inulos,” sinasabi ng hula ni Zacarias na magkakaroon ng mapait na pananaghoy at paghagulhol sa buong lupain, pami-pamilya, at lalo na para sa mga pamilya ni David, ni Levi, ng mga Simeita, at ng “pamilya ng sambahayan ni Natan.” (Zac 12:10-14) Kung ang pamilya ng sambahayan ni Natan na tinutukoy rito ay nagmula sa anak ni David, ito nga ay isa sa mga pamilya ni David. Samakatuwid, maaapektuhan ng pananaghoy ang mga pamilya sa loob ng mga pamilya.

5. Isa sa siyam na pangulo ng mga tapon na nagkampo sa tabi ng ilog ng Ahava, na isinugo ni Ezra upang mangalap ng mga lingkod para sa mga paglilingkod sa bahay ng Diyos sa Jerusalem.​—Ezr 8:15-17.

6. Isang dating tapon sa Babilonya, at isa sa 13 anak ni Binui na nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Ezra.​—Ezr 10:10, 11, 38-42, 44.