Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natanael

Natanael

[mula sa Heb., nangangahulugang “Ang Diyos ay Nagbigay”].

Ipinapalagay na pangalan ni Bartolome, samakatuwid ay isa sa 12 apostol ni Jesus. Ang Bartolome, nangangahulugang “Anak ni Tolmai,” ay isang terminong patronymic (samakatuwid nga, isang katawagan na hinalaw sa kaniyang ama). Ginagamit ng apostol na si Juan ang unang pangalan niya na Natanael, bagaman tinatawag siyang Bartolome nina Mateo, Marcos, at Lucas. Kapag ganito, pinag-uugnay nila sina Felipe at Bartolome, kung paanong iniuugnay rin ni Juan si Felipe kay Natanael. (Mat 10:3; Mar 3:18; Luc 6:14; Ju 1:45, 46) Pangkaraniwan sa mga tao na makilala sa higit sa isang pangalan. Halimbawa, si “Simon na anak ni Juan” ay nakilala rin bilang Cefas at Pedro. (Ju 1:42) Hindi rin katangi-tangi para kay Natanael na tawaging Bartolome, o ang “Anak ni Tolmai,” kung paanong may isa pang lalaki na tinawag lamang na Bartimeo, o “Anak ni Timeo.” (Mar 10:46) Ang dalawang pangalang Natanael at Bartolome ay halinhinang ginagamit ng mga Kristiyanong manunulat ng sumunod na mga siglo.

Si Natanael ay mula sa Cana ng Galilea. (Ju 21:2) Sinimulan niyang sumunod kay Jesus noong maagang bahagi ng ministeryo ng Panginoon. Matapos tumugon sa panawagan ni Jesus na “Maging tagasunod kita,” agad na hinanap ni Felipe ang kaibigan nitong si Natanael at inanyayahan siya, “halika at tingnan mo” ang Mesiyas. Itinanong ni Natanael, “Mayroon kayang anumang mabuting bagay na manggagaling sa Nazaret?” ngunit pagkatapos ay tumugon sa paanyaya. Nang makita siyang papalapit, sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.” Malamang na si Natanael ay isang natatanging lalaki anupat nasabi ni Jesus ang bagay na iyon. Dahil sa sinabi iyon ni Jesus at kaniyang binanggit na nakita niya si Natanael sa ilalim ng puno ng igos bago siya tinawag ni Felipe, ipinahayag ni Natanael na si Jesus nga “ang Anak ng Diyos, . . . Hari ng Israel.” Tiniyak sa kaniya ni Jesus na siya ay ‘makakakita ng mga bagay na mas dakila kaysa sa mga ito.’​—Ju 1:43-51.

Bilang isa sa 12, si Natanael ay laging kasama sa buong ministeryo ni Jesus, na sinasanay para sa paglilingkod sa hinaharap. (Mat 11:1; 19:25-28; 20:17-19, 24-28; Mar 4:10; 11:11; Ju 6:48-67) Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, si Natanael at ang iba pa sa mga apostol ay bumalik sa kanilang pangingisda, at noong isang umaga nang papalapit na sila sa baybayin habang nakasakay sa isang bangka ay tinawag sila ni Jesus. Si Natanael, di-tulad ni Pedro, ay nanatili sa bangka hanggang sa makarating ito sa baybayin, at pagkatapos, habang nag-aagahan kasama ng iba, ay mataman siyang nakinig sa makahulugang pag-uusap sa pagitan ni Jesus at ni Pedro. (Ju 21:1-23) Naroroon din siya kasama ng ibang mga apostol nang magtipon silang magkakasama para manalangin at noong araw ng Pentecostes.​—Gaw 1:13, 14; 2:42.