Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nazaret

Nazaret

[malamang, Bayang Sibol].

Isang lunsod sa Mababang Galilea kung saan tumira si Jesus noong kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa lupa, kasama ng kaniyang mga kapatid sa ina. (Luc 2:51, 52; Mat 13:54-56) Sina Jose at Maria ay kapuwa naninirahan sa Nazaret nang ipatalastas ni Gabriel ang nalalapit na kapanganakan ni Jesus. (Luc 1:26, 27; 2:4, 39) Nang maglaon, pagkabalik nila mula sa Ehipto, muli silang nanahanan sa Nazaret.​—Mat 2:19-23; Luc 2:39.

Lokasyon. Iniuugnay ng karamihan sa mga iskolar ang Nazaret sa En Nasira (Nazerat) sa Galilea. (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 539) Kung wasto ang pangmalas na ito, ang Nazaret ay nasa mababang kabundukan sa H lamang ng Libis ng Jezreel at humigit-kumulang ay nasa kalagitnaan ng T na dulo ng Dagat ng Galilea at ng Baybayin ng Mediteraneo. Ito ay nasa isang malalim na bahagi ng bundok na may mga burol na ang taas ay 120 hanggang 150 m (400 hanggang 500 piye) sa itaas nito. Ang lugar na ito ay matao, anupat maraming lunsod at bayan malapit sa Nazaret. Isa pa, tinataya na maaaring lakarin ang distansiya mula sa Nazaret hanggang sa Tolemaida sa Baybayin ng Mediteraneo sa loob ng pitong oras, hanggang sa Tiberias naman sa Dagat ng Galilea sa loob ng limang oras, at hanggang sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw.

Noong isang pagkakataon, tinangka ng taong-bayan ng Nazaret na ihagis si Jesus mula sa “gulod ng bundok na kinatatayuan ng kanilang lunsod.” (Luc 4:29) Hindi ito nangangahulugan na ang Nazaret ay nasa mismong gulod o gilid, kundi na ito ay nasa isang bundok na may gulod na mula roon ay ninais nilang ihagis si Jesus. Iniuugnay ito ng ilan sa isang mabatong dalisdis na mga 12 m (40 piye) ang taas sa TK ng lunsod.

Ang Pagiging Prominente ng Nazaret. Mahirap sabihin nang may katiyakan kung gaano kaprominente ang Nazaret noong unang siglo. Ang pinakakaraniwang pangmalas ng mga komentarista ay na ang Nazaret noon ay isang nayon na nakabukod at walang halaga. Ang pangunahing pananalita sa Bibliya na ginagamit upang suportahan ang pangmalas na ito ay ang sinabi ni Natanael nang marinig niya na tagaroon si Jesus: “Mayroon kayang anumang mabuting bagay na manggagaling sa Nazaret?” (Ju 1:46) Inuunawa ng marami na nangangahulugan ito na ang Nazaret ay hinahamak, maging ng taong-bayan ng Galilea. (Ju 21:2) Ang Nazaret ay malapit sa mga ruta ng kalakalan sa lugar na iyon ngunit hindi tuwirang naroroon. Hindi ito binanggit ni Josephus, bagaman tinukoy niya ang kalapit na Japia bilang ang pinakamalaking nakukutaang nayon sa buong Galilea, anupat umakay sa ideya na ang Nazaret ay nahigitan ng karatig na bayang ito.

Sa kabilang dako, maaaring nagpahayag lamang ng pagkabigla si Natanael dahil sinabi ni Felipe na isang lalaki mula sa karatig na lunsod ng Nazaret sa Galilea ang ipinangakong Mesiyas, sapagkat inihula ng Kasulatan na ang isang iyon ay magmumula sa Betlehem sa Juda. (Mik 5:2) Hindi binanggit ni Josephus ang marami sa mga pamayanan sa Galilea, kaya maaaring walang partikular na ipinahihiwatig ang hindi niya pagbanggit sa Nazaret. Kapansin-pansin na hindi tinatawag ng Bibliya ang Nazaret bilang isang nayon, kundi laging isang “lunsod.” (Luc 1:26; 2:4, 39) Karagdagan pa, ang kalapit na Sepphoris ay isang mahalaga at nakukutaang lunsod na may pandistritong hukuman ng Sanedrin. Gayunpaman, gaanuman ito kalaki at kaprominente, ang Nazaret ay kumbinyente para sa mahahalagang ruta ng kalakalan at mga pangunahing lunsod, kaya naman malamang na ang mga tumatahan dito ay kaagad nakatatanggap ng impormasyon tungkol sa mga aktibidad sa lipunan, relihiyon, at pulitika nang panahong iyon.​—Ihambing ang Luc 4:23.

Ang Saloobin ng mga Tao. Habang lumalaki si Jesus, sumulong siya “sa lingap ng Diyos at ng mga tao.” (Luc 2:52) Siya at ang kaniyang mga kapatid sa ina ay kilala ng taong-bayan ng Nazaret, at naging “kaugalian” niya na dumalo sa lokal na sinagoga bawat linggo. (Mat 13:55, 56; Luc 4:16) Nang siya ay mga 30 taóng gulang na, nilisan ni Jesus ang Nazaret at binautismuhan siya ni Juan. (Mar 1:9; Luc 3:23) Pagkaraan ng ilang buwan, noong malapit nang magsimula ang kaniyang ministeryo sa Galilea, si Jesus ay bumalik sa Nazaret at binasa niya nang malakas sa sinagoga ang Isaias 61:1, 2, anupat ikinapit niya ito sa kaniyang sarili. Nagpamalas ng kawalan ng pananampalataya ang mga tao at tinangka nilang patayin siya, “ngunit siya ay dumaan sa gitna nila at nagpatuloy sa kaniyang lakad,” pagkatapos ay nanahanan siya sa Capernaum.​—Luc 4:16-30; Mat 4:13.

Pagkaraan ng mahigit na isang taon, muling dinalaw ni Kristo ang Nazaret. (Mat 13:54-58; Mar 6:1-6) Bagaman ipinapalagay ng ilan na ito rin ang pangyayari sa Lucas 4:16-30, hindi gayon ang ipinahihiwatig ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa Mateo, Marcos, at Lucas, gayundin ng bagay na waring magkaiba ang mga aktibidad ni Jesus at ang mga resulta ng mga ito. Maaaring sa pagkakataong ito ay lumaganap na ang kaniyang kabantugan anupat naging mas maganda ang pagtanggap sa kaniya. Bagaman marami ang natisod dahil tagaroon lamang siya, walang binabanggit na tinangka ng mga tao na patayin siya noong pagkakataong iyon. Nagsagawa siya ng ilang makapangyarihang gawa, ngunit hindi marami, dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga tao. (Mat 13:57, 58) Pagkatapos nito ay umalis si Jesus at pinasimulan niya ang kaniyang ikatlong pag-ikot sa Galilea.​—Mar 6:6.