Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Neco(h)

Neco(h)

Isang paraon ng Ehipto na kapanahon ng Judeanong si Haring Josias. Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus (II, 158, 159; IV, 42), si Nechos (Neco) ay anak ni Psammetichus (Psammetichos, Psamtik I) at humalili sa kaniyang ama bilang tagapamahala ng Ehipto. Bagaman sinimulan niya ang paggawa ng isang kanal na magdurugtong sa Nilo at sa Dagat na Pula, hindi niya natapos ang proyektong ito. Gayunman, nagpadala siya ng isang plota ng mga taga-Fenicia upang maglakbay sa palibot ng Aprika. Ang paglalakbay na ito ay matagumpay na natapos sa loob ng tatlong taon.

Sa pagtatapos ng 31-taóng paghahari (659-629 B.C.E.) ni Josias, paparating na si Paraon Neco upang tulungan ang mga Asiryano sa ilog ng Eufrates. Noong panahong iyon ay winalang-halaga ni Josias ang “mga salita ni Neco mula sa bibig ng Diyos” at sa Megido ay nasugatan siya nang malubha at namatay habang sinisikap na paatrasin ang mga hukbong Ehipsiyo. Pagkaraan ng mga tatlong buwan, dinalang bihag ni Paraon Neco si Jehoahaz, ang kahalili ni Josias sa trono, at ginawang kaniyang basalyo ang 25-taóng-gulang na si Eliakim, anupat pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan ng bagong tagapamahala. Pinatawan din ni Neco ng mabigat na multa ang kaharian ng Juda. (2Cr 35:20–36:4; 2Ha 23:29-35) Sa Carkemis, pagkaraan ng mga tatlo o apat na taon (625 B.C.E.), ang mga hukbo ni Neco ay natalo ng mga Babilonyo sa ilalim ng pangunguna ni Nabucodonosor.​—Jer 46:2.