Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nefilim

Nefilim

[Mga Tagapagbuwal; Yaong mga Nagpapangyari na Mabuwal [ang Iba]].

Ito ay transliterasyon ng salitang Hebreo na nephi·limʹ, na nasa anyong pangmaramihan sa tatlong paglitaw nito sa Bibliya. (Gen 6:4; Bil 13:33 [dalawang beses]) Maliwanag na nagmula ito sa anyong causative ng pandiwang Hebreo na na·phalʹ (mabuwal) gaya halimbawa ng masusumpungan sa 2 Hari 3:19; 19:7.

Iniuulat ng Bibliya na nagalit si Jehova sa mga tao noong mga araw ni Noe bago ang Baha; ayon sa ulat, ang “mga anak ng tunay na Diyos” ay kumuha ng kani-kanilang asawa mula sa kaakit-akit na mga anak na babae ng mga tao. Pagkatapos ay binanggit nito na naroroon ang “mga Nefilim,” anupat sinabi: “Ang mga Nefilim ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at pagkatapos din niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao at ang mga ito ay manganak ng mga lalaki sa kanila, sila ang mga makapangyarihan [sa Heb., hag·gib·bo·rimʹ] noong sinauna, ang mga lalaking bantog.”​—Gen 6:1-4.

Pagkakakilanlan. Ang mga komentarista sa Bibliya, sa pagsusuri sa talata 4, ay nagharap ng ilang mungkahi hinggil sa pagkakakilanlan ng mga Nefilim. Inaakala ng ilan na ang pinagkunan ng pangalang iyon ay nagpapahiwatig na ang mga Nefilim ay ‘nahulog na mga anghel,’ mga anghel na nagkasala. Sinasabi naman ng iba, gamit ang isang kakaibang pangangatuwiran, na ipinahihiwatig ng katawagang Nefilim mismo na ang mga ito ay ‘nahulog mula sa langit’ dahil sila ay ‘mga anak ng makalangit na mga nilalang.’ Ang ibang mga iskolar, na nagtutuon ng kanilang pansin partikular na sa pananalitang “at pagkatapos din niyaon” (tal 4), ay nagsabi na ang mga Nefilim ay hindi ‘nahulog na mga anghel’ o ang “mga makapangyarihan,” yamang ang mga Nefilim ay “nasa lupa nang mga araw na iyon” bago sumiping sa mga babae ang mga anak ng Diyos. Sinasabi ng mga iskolar na ito na ang mga Nefilim ay mga balakyot na tao lamang gaya ni Cain​—mga magnanakaw, mga maton, at mga maniniil na nasa lupa hanggang noong mapuksa sila ng Baha. Isa pang grupo, na nagsuri hindi lamang sa kahulugan ng pangalang Nefilim kundi pati rin sa konteksto ng talata 4, ang nagpapalagay na ang mga Nefilim ay hindi mga anghel, kundi mga mestisong supling na ibinunga ng pakikipagtalik ng nagkatawang-taong mga anghel sa mga anak na babae ng mga tao.

Sila rin ang “gib·bo·rimʹ.” Sa ilang salin ng Bibliya, inilipat ang kinalalagyan ng pariralang “at pagkatapos din niyaon,” anupat inilagay ito malapit sa pasimula ng talata 4, sa gayon ay ipinakikilala ang mga Nefilim bilang ang “mga makapangyarihan,” ang gib·bo·rimʹ, na binanggit sa huling bahagi ng talata. Halimbawa: “Nang mga araw na iyon, at pagkaraan din nito, may mga higante [sa Heb., han·nephi·limʹ] sa lupa, na ipinanganganak sa mga anak ng mga diyos kailanma’t sumiping sila sa mga anak na babae ng mga tao; ito ang mga bayani [sa Heb., hag·gib·bo·rimʹ] na mga lalaking bantog noong sinaunang panahon.”​—Gen 6:4, AT; tingnan din ang Mo, NIV, at TEV.

Ipinahihiwatig din ng Griegong Septuagint na ang “mga Nefilim” at “mga makapangyarihan” ay magkapareho sa pamamagitan ng paggamit ng iisang salitang giʹgan·tes (mga higante) upang isalin ang dalawang pananalita.

Sa pagrerepaso sa ulat, makikita natin na inilalahad ng mga talata 1 hanggang 3 ang hinggil sa pagkuha ng “mga anak ng tunay na Diyos” ng mga asawa at ang kapahayagan ni Jehova na wawakasan niya ang kaniyang pagtitiis sa mga tao pagkatapos ng 120 taon. Binabanggit naman ng talata 4 na ang mga Nefilim ay nasa lupa “nang mga araw na iyon,” maliwanag na noon mismong mga araw na bigkasin ni Jehova ang kapahayagang iyon. Pagkatapos ay ipinakita nito na ang gayong kalagayan ay nagpatuloy ‘pagkatapos niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao,’ at inilarawan nito nang mas detalyado ang resulta ng pagsasama ng “mga anak ng tunay na Diyos” at ng mga babae.

Sino ang ‘mga anak ng Diyos’ na nagkaanak ng mga Nefilim?

Sino ang “mga anak ng tunay na Diyos” na binanggit sa ulat? Sila ba ay mga lalaking mananamba ni Jehova (na naiiba sa balakyot na mga tao sa pangkalahatan), gaya ng sinasabi ng ilan? Maliwanag na hindi. Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang kanilang pag-aasawa sa mga anak na babae ng mga tao ay nagbunga ng paglago ng kasamaan sa lupa. Si Noe at ang kaniyang tatlong anak, kasama ang kani-kanilang asawa, ang tanging sinang-ayunan ng Diyos at iniligtas sa Delubyo.​—Gen 6:9; 8:15, 16; 1Pe 3:20.

Kaya naman kung ang nabanggit na “mga anak ng tunay na Diyos” ay mga tao lamang, bumabangon ang tanong, Bakit ang kanilang mga supling ay tinawag na “mga lalaking bantog” anupat itinuring na nakahihigit sa mga supling ng mga balakyot, o sa tapat na si Noe? Maitatanong din, Bakit binanggit ang kanilang pag-aasawa sa mga anak na babae ng mga tao bilang isang bagay na kakaiba? Ang pag-aasawa at pag-aanak ay nagaganap na sa loob ng mahigit 1,500 taon.

Samakatuwid, ang mga anak ng Diyos na binanggit sa Genesis 6:2 ay tiyak na mga anghel, espiritung “mga anak ng Diyos.” Ang pananalitang ito ay ikinapit sa mga anghel sa Job 1:6; 38:7. Ang pangmalas na ito ay sinang-ayunan ni Pedro, na bumanggit ng “mga espiritung nasa bilangguan, na naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe.” (1Pe 3:19, 20) May tinukoy rin si Judas na “mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.” (Jud 6) Ang mga anghel ay may kapangyarihan na magkatawang-tao, at gayon ang ginawa ng ilang anghel upang maghatid ng mga mensahe mula sa Diyos. (Gen 18:1, 2, 8, 20-22; 19:1-11; Jos 5:13-15) Ngunit ang langit ang wastong tirahan ng mga espiritung persona, at ang mga anghel doon ay may mga atas ng paglilingkod kay Jehova. (Dan 7:9, 10) Ang paglisan sa tirahang iyon upang manahanan sa lupa at ang pag-iwan sa kanilang atas ng paglilingkod upang sumiping sa mga babae ay paghihimagsik sa mga batas ng Diyos, isang pilipit na paggawi.

Sinasabi ng Bibliya na sa ngayon, ang masuwaying mga anghel ay “mga espiritung nasa bilangguan,” yamang sila’y ‘inihagis sa Tartaro’ at “itinaan sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.” Waring ipinahihiwatig nito na lubhang nilimitahan ang kanilang pagkilos, anupat hindi na sila muling makapagkakatawang-tao gaya noong bago ang Baha.​—1Pe 3:19; 2Pe 2:4; Jud 6.

Lumagong Kabalakyutan. “Ang mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog” na ibinunga ng mga pag-aasawang ito, ay hindi mga lalaking bantog sa paningin ng Diyos, sapagkat hindi sila nakaligtas sa Baha, kung paanong si Noe at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas. Sila ay “mga Nefilim,” mga maton, mga maniniil, na tiyak na nakapagpalubha sa mga kalagayan. Ang kanilang mga amang anghel, na nakaaalam ng kayarian ng katawan ng tao at may kakayahang magkatawang-tao, ay hindi lumalang ng buhay, kundi nabuhay sa mga katawang iyon ng tao at nagkaanak matapos sumiping sa mga babae. Kung gayon, ang kanilang mga anak, ang “mga makapangyarihan,” ay ilegal na mga mestiso. Lumilitaw na hindi nagkaanak ang mga Nefilim.

Sa Mitolohiya. Ang kabantugan ng mga Nefilim at ang pagkatakot sa kanila ay mababanaag sa maraming mitolohiya ng mga taong pagano na nangalat sa buong lupa matapos guluhin ang mga wika sa Babel. Bagaman ang makasaysayang ulat ng Genesis ay lubhang pinilipit at pinaganda, kapansin-pansin ang pagkakahawig ng sinaunang mga mitolohiyang ito (isang halimbawa ang mitolohiya ng mga Griego), na nag-uulat na sumiping sa mga tao ang mga diyos at mga diyosa upang magluwal ng mga bayaning nakahihigit sa tao at ng nakatatakot na mga mestisong diyos na may mga katangian ng tao at ng diyos.​—Tingnan ang GRESYA, MGA GRIEGO (Relihiyong Griego).

Isang Ulat na may Layuning Manakot. Ang sampung tiktik na naglahad sa mga Israelita sa ilang ng bulaang ulat tungkol sa lupain ng Canaan ay nagsabi: “Ang lahat ng mga taong nakita namin sa loob niyaon ay mga lalaking pambihira ang laki. At doon ay nakita namin ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; anupat sa aming sariling paningin ay naging tulad kami ng mga tipaklong, at naging gayundin kami sa kanilang paningin.” Tiyak na may ilang malalaking lalaki sa Canaan, gaya ng ipinakikita ng ibang mga teksto sa Kasulatan, ngunit hindi sila kailanman tinawag na mga Nefilim maliban sa “masamang ulat” na ito, na nilayong maghasik ng matinding takot sa gitna ng mga Israelita.​—Bil 13:31-33; 14:36, 37.