Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Negeb

Negeb

[Timog].

Ang salitang Hebreo na neʹghev ay ipinapalagay na halaw sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “maging tigang” at kadalasang tumutukoy sa medyo tigang na lugar sa T ng kabundukan ng Juda. Ang neʹghev ay nangahulugan din ng “timog” at ginamit upang tumukoy sa isang dakong timugan (Bil 35:5), isang timugang hangganan (Jos 15:4), at isang timugang pintuang-daan (Eze 46:9). Sa ilang bersiyon, hindi pinanatiling magkaiba ang heograpikong katawagan at ang direksiyong “timog,” anupat ang resulta ay mga saling nakalilito. Ang isang halimbawa nito ay ang Genesis 13:1, kung saan ang neʹghev ay isinalin bilang “timog.” (AS, KJ, Le) Dahil dito, lumilitaw na si Abraham ay naglakbay nang patimog mula sa Ehipto, gayong ang totoo, ang direksiyon niya ay pahilaga na dumaraan sa Negeb patungong Bethel. Ngunit ang kalituhang ito ay naiwasan sa maraming makabagong salin.​—AT, JB, NW, RS.

Topograpiya. Waring ang saklaw ng Negeb noong sinaunang mga panahon ay mula sa distrito ng Beer-sheba sa H hanggang sa Kades-barnea sa dakong T. (Gen 21:14; Bil 13:17, 22; 32:8) Inilarawan ng propetang si Isaias ang rehiyong ito bilang isang lupain ng mahihirap na kalagayan, pinamumugaran ng mga leon, leopardo, at ahas. (Isa 30:6) Sa hilagaang seksiyon, masusumpungan ang pailan-ilang bukal, balon, at lawa. Ang tamarisko ay isa sa iilang punungkahoy na tumutubo roon. (Gen 21:33) Sa dakong TK ng Beer-sheba ay may dalawang maliliit na lugar at isang medyo may kalakihang lugar ng mga burol na buhangin. Ang kalakhang bahagi ng Negeb ay talampas na nasa pagitan ng 450 at 600 m (1,500 at 2,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat at may mga taluktok na hanggang 1,050 m (3,440 piye) ang taas. Sa dakong T at S ng Beer-sheba ay may matutulis na tagaytay na sa pangkalahatan ay bumabagtas mula sa S patungong K.

Kasaysayan. Ang mga imbakang-tubig, hagdan-hagdang mga pader, at mga guho ng maraming bayan na natagpuan sa Negeb ay nagpapahiwatig na noong sinaunang panahon, isang malaking populasyon ang nanirahan sa lugar na ito. Dito nakasumpong ng pastulan para sa kanilang malalaking kawan ang mga patriyarkang sina Abraham at Isaac. (Gen 13:1, 2; 20:1; 24:62) At noong panahon ni Abraham, tinalo ng Elamitang hari na si Kedorlaomer, kasama ang tatlong kaalyado nito, ang mga naninirahan sa Negeb.​—Gen 14:1-7.

Pagkaraan ng ilang siglo, ang mga Israelitang tiktik na isinugo ni Moises ay pumasok sa Lupang Pangako mula sa Negeb, na nang panahong iyon ay tinatahanan ng mga Amalekita. (Bil 13:17, 22, 29) Sa ilalim ng pangunguna ni Josue, natalo ang lahat ng naninirahan sa Negeb (Jos 10:40; 11:16) at ang mga lunsod sa rehiyong ito ay naging bahagi ng teritoryo ng tribo ni Simeon. (Jos 19:1-6) Ang pagala-galang mga Kenita, na kamag-anak ni Moises dahil sa kaniyang asawa, ay nanirahan din sa Negeb. (Huk 1:16; ihambing ang 1Sa 15:6, 7.) Maliwanag na hindi napanatili ng mga Israelita ang kanilang kontrol sa lugar na ito. Sa paglipas ng mga taon, paulit-ulit silang nakipagsagupaan sa mga Canaanita ng Negeb at lalo na sa mga Amalekita. (Huk 1:9; 6:3; 1Sa 15:1-9; 30:1-20) Mula sa lunsod ng Ziklag na ibinigay sa kaniya ng Filisteong hari na si Akis, nilusob ni David ang mga Gesurita, mga Girzita, at mga Amalekita ng Negeb. (1Sa 27:5-8) Lumilitaw na noon lamang panahon ng paghahari ni David, pagkatapos na matalo ang mga Edomita, lubusang nakontrol ng Israel ang Negeb. (2Sa 8:13, 14) Maliwanag na ang mas huling hari ng Juda na si Uzias ay nagtayo ng mga tore at humukay ng mga imbakang-tubig sa rehiyong ito.​—2Cr 26:10.

Pagkatapos wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, inihula ni Obadias na ang mga Israelita ay isasauli sa kanilang lupain, kasama rito ang Negeb.​—Ob 19, 20.

[Larawan sa pahina 464]

Ang Negeb (ang timog ng Juda), bagaman bulubundukin, isang malaking populasyon ang minsang nanirahan dito