Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nehemias, Aklat ng

Nehemias, Aklat ng

Isang aklat ng Hebreong Kasulatan na pangunahin nang naglalahad ng mga pangyayari di-katagalan bago maging gobernador ng Juda si Nehemias at noong panahon ng kaniyang panunungkulan. (Ne 5:14; 13:6, 7) Sa pambungad na mga salita ng kinasihang ulat na ito, tinutukoy si “Nehemias na anak ni Hacalias” (1:1) bilang ang manunulat, at ang kalakhang bahagi ng ulat ay isinulat sa unang panauhan.

Panahong Saklaw at Panahon ng Pagsulat. Ang buwan ng Kislev (Nobyembre-Disyembre) ng isang partikular na taon na tinukoy bilang ika-20 taon ang nagsilbing pasimula ng makasaysayang salaysay ng aklat. (Ne 1:1) Gaya ng makikita sa Nehemias 2:1, malamang na iyon ay ika-20 taon ng paghahari ni Artajerjes. Maliwanag na sa kasong ito, ang ika-20 taon ay hindi tinutuos na nagsisimula sa buwan ng Nisan (Marso-Abril), sapagkat ang Kislev ng naturang ika-20 taon ay hindi maaaring mauna sa Nisan (binanggit sa Ne 2:1) ng taon ding iyon. Kaya posible na gumamit si Nehemias ng sarili niyang paraan ng pagbilang ng panahon, anupat tinuos ang taóng lunar bilang nagsisimula sa Tisri (Setyembre-Oktubre), ang buwan na kinikilala ng mga Judio sa ngayon bilang pasimula ng kanilang taóng sibil. Posible rin na tinuos ang paghahari ng monarka mula sa aktuwal na petsa ng kaniyang pagluklok sa trono. Maaaring gayon ang ginawa bagaman tinutuos pa rin noon ng mga eskribang Babilonyo ang mga taon ng paghahari ng Persianong hari ayon sa kinaugalian nilang paraan ng pagbilang na mula Nisan hanggang Nisan, na siyang ginagawa nila gaya ng makikita sa kanilang mga tapyas na cuneiform.

Batay sa mapananaligang katibayan mula sa kasaysayan at sa katuparan ng hula sa Bibliya, ang Nisan ng ika-20 taon ng paghahari ni Artajerjes ay pumapatak sa taóng 455 B.C.E. (Tingnan ang PERSIA, MGA PERSIANO [Ang mga Paghahari ni Jerjes at ni Artajerjes].) Alinsunod dito, ang Kislev bago ang Nisan ng ika-20 taóng iyon ay papatak sa 456 B.C.E., at ang ika-32 taon ng paghahari ni Artajerjes (ang huling petsang binanggit sa Nehemias [13:6]) ay sasaklaw sa ilang bahagi ng 443 B.C.E. Samakatuwid, ang aklat ng Nehemias ay sumasaklaw sa isang yugto mula Kislev ng 456 B.C.E. hanggang pagkaraan ng 443 B.C.E.

Nilisan ni Nehemias ang Jerusalem noong ika-32 taon ng paghahari ni Artajerjes. Pagbalik niya, natuklasan niya na hindi tinutustusan ng mga Judio ang mga saserdote at mga Levita, na nilalabag nila ang kautusan ng Sabbath, na marami ang nag-asawa ng mga babaing banyaga, at na hindi man lamang marunong magsalita ng wika ng mga Judio ang mga supling na ibinunga ng mga pakikipag-asawang ito. (Ne 13:10-27) Ipinahihiwatig ng gayong paglubha ng mga kalagayan na matagal na panahong nawala si Nehemias. Ngunit hindi matiyak kung gaano kahabang panahon ang lumipas mula noong 443 B.C.E. bago natapos ni Nehemias ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan.

Kasuwato ng Ibang mga Aklat ng Bibliya. Dinadakila ng aklat ng Nehemias ang Diyos na Jehova. Ipinakikilala siya nito bilang ang Maylalang (Ne 9:6; ihambing ang Gen 1:1; Aw 146:6; Apo 4:11), isang Diyos na sumasagot sa taimtim na mga panalangin ng kaniyang mga lingkod (Ne 1:11–2:8; 4:4, 5, 15, 16; 6:16; ihambing ang Aw 86:6, 7), at ang Tagapagtanggol ng kaniyang bayan (Ne 4:14, 20; ihambing ang Exo 14:14, 25). Siya’y “isang Diyos ng mga pagpapatawad, magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan” (Ne 9:17; ihambing ang Bil 14:18), ang “Diyos ng langit, ang Diyos na dakila at kakila-kilabot, na nag-iingat ng tipan at ng maibiging-kabaitan doon sa mga umiibig sa kaniya at nag-iingat ng kaniyang mga utos.”​—Ne 1:5; ihambing ang Deu 7:9, 10, 21.

Masusumpungan sa aklat ng Nehemias ang maraming pagtukoy sa Kautusan. Ang mga ito ay may kaugnayan sa mga kapahamakang ibubunga ng pagsuway at mga pagpapalang idudulot ng pagsisisi (Lev 26:33; Deu 30:4; Ne 1:7-9), mga pautang (Lev 25:35-38; Deu 15:7-11; Ne 5:2-11), mga pakikipag-alyansa sa mga banyaga ukol sa pag-aasawa (Deu 7:3; Ne 10:30), mga Sabbath, pagpapalaya mula sa pagkakautang (Exo 20:8; Lev 25:4; Deu 15:1, 2; Ne 10:31), apoy ng altar (Lev 6:13; Ne 10:34), Kapistahan ng mga Kubol (Deu 31:10-13; Ne 8:14-18), at pagpasok ng mga Moabita at mga Ammonita sa kongregasyon ng Israel (Deu 23:3-6; Ne 13:1-3), gayundin may kinalaman sa mga ikapu, mga unang bunga, at mga abuloy.​—Exo 30:16; Bil 18:12-30; Ne 10:32-39.

Naglalaman din ang aklat na ito ng makasaysayang impormasyon na masusumpungan sa ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan. (Ne 9:7-35; 13:26; ihambing ang Ne 13:17, 18 sa Jer 17:21-27.) At binibigyang-linaw ng kasaysayang iniuulat sa aklat ang ibang mga talata ng Bibliya. Ang karanasan ni Nehemias at ng iba pang mga Judio noong muli nilang itayo ang pader ng Jerusalem ay may pagkakatulad sa Awit 123 at 129. (Ne 4:1-5, 9; 6:1-14) Nang pakilusin ni Jehova si Haring Artajerjes na gawin ang Kaniyang kalooban sa pamamagitan ng pagpapahintulot ng hari kay Nehemias na muling itayo ang pader ng Jerusalem, ipinaghalimbawa nito ang sinasabi sa Kawikaan 21:1: “Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova. Ibinabaling niya iyon saanman niya kalugdan.”​—Ne 2:4-8.

Itinatala kapuwa ng aklat ng Ezra (2:1-67) at ng aklat ng Nehemias (7:6-69) ang bilang ng mga tapon mula sa iba’t ibang pamilya o sambahayan na bumalik na kasama ni Zerubabel mula sa pagkatapon sa Babilonya. Magkatugma ang mga ulat sa pagbibigay ng 42,360 na kabuuang bilang ng mga Israelita na bumalik, bukod pa sa mga alipin at mga mang-aawit. (Ezr 2:64; Ne 7:66) Gayunman, may mga pagkakaiba sa mga bilang na itinala para sa bawat pamilya o sambahayan, at ang suma total ng mga bilang mula sa bawat talaan ay higit na mas mababa sa 42,360. Ipinapalagay ng maraming iskolar na ang mga pagkakaibang ito ay dahil sa pagkakamali ng mga eskriba. Bagaman hindi lubusang maipagwawalang-bahala ang bagay na iyan, posibleng may iba pang mga dahilan kung bakit nagkaroon ng gayong mga pagkakaiba.

Maaaring magkaiba ang mga reperensiyang pinagbatayan nina Ezra at Nehemias ng kani-kanilang talaan. Halimbawa, maaaring gumamit si Ezra ng isang dokumento kung saan nakalista yaong mga nagpatala na babalik sa kanilang sariling lupain, samantalang baka kumopya naman si Nehemias mula sa isang rekord kung saan nakalista yaong mga aktuwal na bumalik. Yamang may mga saserdote na hindi nakapagpatunay ng kanilang talaangkanan (Ezr 2:61-63; Ne 7:63-65), makatuwirang ipalagay na gayundin ang naging problema ng marami sa iba pang mga Israelita. Dahil dito, posibleng ang 42,360 ay kabuuan ng bilang mula sa bawat pamilya at ng maraming iba pa na hindi nakapagpatunay ng kanilang pinagmulang angkan. Ngunit maaaring nang maglaon ay napatunayan ng ilan ang kanilang tamang talaangkanan. Posibleng ito ang dahilan kung bakit maaaring pareho pa rin ang suma total kahit may pagkakaiba-iba ng mga bilang.

[Kahon sa pahina 468]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG NEHEMIAS

Mga pangyayaring nauugnay sa muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem at sa kasunod nito na pag-aalis ng maling mga gawain ng mga Judio

Sumaklaw ng isang yugto na nagsimula mahigit na 80 taon pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya

Sa harap ng pagsalansang, muling itinayo ang mga pader ng Jerusalem

Sa Susan, nalaman ni Nehemias na giba pa rin ang pader ng Jerusalem; nanalangin siya kay Jehova upang humingi ng tulong, pagkatapos ay hiniling niya sa Persianong monarka na si Artajerjes na pahintulutan siyang umalis at muling itayo ang lunsod at ang pader nito; pumayag si Artajerjes (1:1–2:9)

Pagdating sa Jerusalem, siniyasat ni Nehemias ang gibang mga pader sa kadiliman ng gabi; pagkatapos ay isiniwalat niya sa mga Judio ang kaniyang layunin na muling itayo ang mga iyon (2:11-18)

Sinalansang nina Sanbalat, Tobia, at Gesem, pawang mga banyaga, ang muling pagtatayo; sa simula ay nanuya sila, pagkatapos ay nagsabuwatan sila na makipaglaban sa Jerusalem; sinandatahan ni Nehemias ang mga manggagawa, at ipinagpatuloy nila ang pagtatayo (2:19–4:23)

Nabigo ang mga pakana laban kay Nehemias, at natapos ang pader sa loob ng 52 araw (6:1-19)

Pinasinayaan ang pader; sa seremonya, dalawang koro ng pasasalamat at prusisyon ang humayo sa magkabilang direksiyon sa ibabaw ng pader at nagtagpo sa templo; nagkaroon ng malaking pagsasaya (12:27-43)

Isinaayos ang mga bagay-bagay sa Jerusalem

Nang matapos ang pader, naglagay si Nehemias ng mga pintuang-daan sa Jerusalem upang mapanatili itong ligtas at binigyan niya ng mga tungkulin ang mga bantay ng pintuang-daan, mga mang-aawit, at mga Levita; inatasan niya sina Hanani at Hananias upang mangasiwa sa lunsod (7:1-3)

Sinimulan ni Nehemias ang paggawa ng isang rekord ng talaangkanan ng bayan; nasumpungan niya ang aklat ng talaangkanan ng mga bumalik mula sa Babilonya kasama ni Zerubabel; ang mga saserdoteng hindi nakapagpatunay ng kanilang talaangkanan ay pinagbawalang manungkulan “hanggang sa ang saserdote na may Urim at Tumim ay tumayo” (7:5-73)

Kakaunti ang naninirahan sa Jerusalem, kaya itinalaga sa pamamagitan ng palabunutan na ang isa sa bawat sampu sa bayan ay manirahan sa lunsod (7:4; 11:1, 2)

Mga pagsisikap upang pasulungin ang espirituwal na kalagayan ng mga Judio

Sumang-ayon ang mayayamang Judio na magsauli sa kanilang mga dukhang kapatid, na may-kamalian nilang siningil ng patubo sa mga pautang (5:1-13)

Sa isang pangmadlang kapulungan, binasa ni Ezra ang Kautusan at nakibahagi ang ilang Levita sa pagpapaliwanag nito; tumangis ang bayan ngunit hinimok silang magsaya sapagkat ang araw na iyon ay banal; nagsaya rin sila sapagkat naunawaan nila ang binasa sa kanila (8:1-12)

Nang sumunod na araw, dahil sa pagbabasa nila ng Kautusan, nalaman ng bayan na dapat nilang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol; sinunod nila ito at idinaos ang kapistahan nang may malaking pagsasaya (8:13-18)

Pagkatapos, nagkaroon ng isang pagtitipon na doo’y ipinagtapat ng bayan ang kanilang mga kasalanan bilang bansa at nirepaso ang mga pakikitungo ni Jehova sa Israel; nanata rin sila na tutuparin nila ang Kautusan, iiwasan ang pakikipag-asawa sa mga banyaga, at gagampanan ang mga pananagutan na maglaan para sa templo at sa mga paglilingkod dito (9:1–10:39)

Matapos pasinayaan ang pader, nagkaroon ng isa pang pangmadlang pagbabasa mula sa Kautusan; nang maunawaan nila na hindi dapat pahintulutang makapasok sa kongregasyon ang mga Ammonita at mga Moabita, pinasimulan nilang ibukod “ang buong haluang pangkat” mula sa Israel (13:1-3)

Pagkatapos niyang mawala nang matagal na panahon, bumalik si Nehemias sa Jerusalem at nasumpungan niyang sumamâ ang mga kalagayan; ipinalinis niya ang mga bulwagang kainan, iniutos ang pag-aabuloy ng mga ikapu bilang panustos sa mga Levita at mga mang-aawit, ipinatupad ang pangingilin ng Sabbath, at sinaway yaong mga nag-asawa ng mga babaing banyaga (13:4-30)