Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Neptoa

Neptoa

Pangalang iniuugnay sa isang bukal sa hangganan ng Juda at Benjamin. (Jos 15:1, 9; 18:11, 15) Karaniwang ipinapalagay na ang bukal na ito ang bukal na nasa Lifta (ʽEn Neftoah), sa dakong S ng Kiriat-jearim at mga 4 na km (2.5 mi) sa KHK ng Temple Mount sa Jerusalem. Bagaman ang pag-uugnay na ito’y makakasuwato ng Josue 15:9, waring sinasabi naman ng Josue 18:15, 16 na ang “bukal ng tubig ng Neptoa” ay nasa K ng Kiriat-jearim. Iba’t iba ang ginawa ng mga tagapagsalin ng Bibliya upang malutas ang tila pagkakasalungatang ito. Palibhasa’y sinunod ng The Jerusalem Bible ang salin ng Griegong Septuagint, pinalitan nito ng “patungo sa Gasin” ang pananalitang “sa gawing kanluran.” Sa Revised Standard Version, ang teksto ay binago at iniayon sa Josue 15:9 anupat “tungo sa Epron” ang mababasa roon sa halip na “sa gawing kanluran.” Isinalin naman ni Ronald A. Knox ang salitang Hebreo na yamʹmah (sa gawing kanluran) ayon sa literal na kahulugan nito na “tungo sa dagat” at ipinaliwanag niya sa isang talababa: “Dapat itong mangahulugan na sa gawing kanluran, patungo sa Mediteraneo, ngunit waring maliwanag na sa dakong ito, ang hangganan ng Benjamin ay lumiko tungo sa silangan; at ipinapalagay na ang dagat ay ang Dagat na Patay, ang hangganan nito sa silangan.”