Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nicodemo

Nicodemo

[Manlulupig ng Bayan].

Isang Pariseo at guro sa Israel, isang tagapamahala ng mga Judio (samakatuwid nga, isang miyembro ng Sanedrin) na binanggit lamang sa Ebanghelyo ni Juan. Humanga si Nicodemo sa mga tanda na ginawa ni Jesus sa Jerusalem nang panahon ng Paskuwa noong 30 C.E. Dahil dito, isang gabi ay dinalaw niya si Jesus at ipinahayag ang paniniwala na si Jesus ay dumating mula sa Diyos. (Malamang na dahil sa takot sa mga Judio ay isinagawa niya sa kadiliman ng gabi ang kaniyang unang pagdalaw.) Kay Nicodemo sinalita ni Jesus ang tungkol sa pagiging ‘ipinanganak muli’ upang makita ang Kaharian ng Diyos, ang tungkol sa walang taong umakyat sa langit, ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang Anak sa lupa, at ang tungkol sa pangangailangang manampalataya.​—Ju 2:23; 3:1-21.

Pagkaraan ng mga dalawa at kalahating taon, sa Kapistahan ng mga Kubol, nagsugo ang mga Pariseo ng mga opisyal upang dakpin si Jesus. Nang bumalik na walang dala ang mga opisyal, minaliit sila ng mga Pariseo dahil sa pag-uulat nang pabor kay Jesus, na dahil dito ay naglakas-loob na magsalita si Nicodemo, na sinasabi: “Hindi hinahatulan ng ating kautusan ang isang tao malibang marinig muna sa kaniya at malaman kung ano ang kaniyang ginagawa, hindi ba?” Dahil dito ay tinuya siya ng iba. (Ju 7:45-52) Pagkamatay ni Jesus, dumating si Nicodemo kasama si Jose ng Arimatea, ang matatakuting alagad na iyon, na may dalang malaking rolyo ng mira at mga aloe (mga 100 librang Romano [33 kg; 72 lb]), isang mamahaling handog, upang gamitin sa paghahanda ng katawan ni Jesus para sa libing. (Ju 19:38-40) Walang maka-Kasulatang katibayan na nagpapatunay o nagpapabulaan sa mga tradisyon na nagsasabing si Nicodemo nang dakong huli ay naging isang alagad, pinalayas mula sa Sanedrin at Jerusalem, namatay bilang isang martir, at iba pa.