Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nilo

Nilo

Ang pangalang Griego na ibinigay sa ilog, na ang hilagang bahagi ng libis nito ang bumubuo sa lupain ng sinaunang Ehipto, anupat ang lupaing iyon ay maituturing na isang oasis ng ilog. (MAPA, Tomo 1, p. 531) Sa Hebreong Kasulatan, ang ilog na ito ay laging tinutukoy sa pamamagitan ng terminong yeʼorʹ (kung minsan ay yeʼohrʹ). Ang salitang ito mismo ay nangangahulugang “ilog” o “kanal” (gaya ng nasa Daniel 12:5 at Isaias 33:21) o “lagusang punô ng tubig” (isang daanang ginawa para sa pagmimina, gaya ng nasa Job 28:10). Sa isang kaso, ang yeʼorʹ ay ginamit upang tumukoy sa Ilog Tigris (Hidekel sa Bibliya) ng Mesopotamia. (Dan 12:5-7; ihambing ang 10:4.) Ang lahat ng iba pang paglitaw nito, gaya ng ipinahihiwatig ng konteksto, ay kumakapit sa Nilo o, kapag nasa anyong pangmaramihan, sa mga kanal ng Nilo. (Aw 78:44; Isa 7:18) Ang Ehipsiyong pangalan (jrw) para sa ilog, mula noong tinatawag na Ikalabingwalong Dinastiya, ay halos katugma ng sa Hebreo.

Ang Landas ng Nilo. Ang Nilo ay karaniwan nang itinuturing na ang pinakamahabang ilog sa daigdig. Ang haba nito na 6,671 km (4,145 mi) ay sinusukat buhat sa mga pinagmumulan nito, na nanggagaling sa mga rehiyon ng lawa ng makabagong Rwanda at Burundi. Ang mga pinagmumulang ito ay umaagos patungo sa Lawa ng Victoria, at mula rito ay isang ilog ang dumaraan patungo sa Lawa ng Albert (Lawa ng Mobutu Sese Seko); sa malayong hilaga, ang ilog ay tinatawag na Puting Nilo. Sa Khartoum, sumasanib sa Puting Nilo ang Asul na Nilo, na humuhugos pababa mula sa kabundukan ng hilagang Etiopia. Sa hilaga ng Khartoum nagsisimula ang mismong ilog ng Nilo, at ito ay tumatanggap ng tubig mula sa isa pang sangang-ilog, ang Ilog Atbara, anupat ang salubungan nito at ng Nilo ay mga 300 km (190 mi) sa HS ng Khartoum. Pagkatapos, ang Nilo ay umaagos nang paliku-liko sa ilang na talampas ng hilagang Sudan, na dumaraan sa anim na magkakahiwalay na latag ng matigas na batong granito na lumilikha ng anim na talon sa pagitan ng Khartoum at Aswan (Seyene sa Bibliya), sa dulo ng Nubia at pasimula naman ng sinaunang Ehipto. Sa wakas, pagkatapos na kumaunti ang tubig nito dahil sa ebaporasyon sanhi ng matinding init ng araw at dahil sa irigasyon sa Ehipto, bumubuhos ang tubig ng Nilo sa Dagat Mediteraneo na mga 2,700 km (1,700 mi) sa H ng Khartoum.

Ang Libis ng Nilo sa kabuuan ay makitid lamang. Sa kalakhang bahagi ng Nubia, ang ilog ng Nilo ay umaagos sa pagitan ng mga bangin na kahangga ng disyerto. Sa hilaga ng Aswan, sa dating Mataas na Ehipto, ang libis ay lumalapad, ngunit ang distansiya ng mabatong mga bangin sa magkabila ay hindi hihigit sa 20 km (12 mi). Gayunman, kapag umabot na ang ilog sa rehiyon na nasa H ng makabagong Cairo, naghihiwalay ito sa dalawang pangunahing sanga, tinatawag ngayon na Rosetta at Damietta, isinunod sa pangalan ng mga daungang lunsod sa baybayin ng Mediteraneo. Dahil sa pagsasanga-sangang ito ng tubig ng Nilo, nalikha ang latiang Delta ng Nilo. Noong sinaunang panahon, ang ilog ay may iba pang mga sanga, anupat ang mga klasikal na Griegong istoryador at heograpo ay bumabanggit ng lima hanggang pitong sanga. Ang mga sangang ito at ang ilan sa mga kanal ay napuno na ng banlik at maaaring lumiit nang husto o tuluyan nang nawala.

Pakinabang na Dulot ng Taunang Pagbaha. Ang isang naiibang katangian ng pangunahing ilog na ito ay ang regular na pagtaas ng tubig nito taun-taon at ang resulta nitong pagbaha sa mga pampang na kinaroroonan ng mga nayong agrikultural. Likha ito ng malalakas na pagbuhos sa panahon ng tag-ulan (at ng pagkatunaw ng niyebe sa mga bundok) sa Etiopia, anupat ang Asul na Nilo ay nagiging isang humuhugos na batis patungo sa salubungan nito at ng Puting Nilo, at tangay nito ang matabang banlik mula sa bulubunduking dako ng Etiopia. Nakapagpapataas din sa tubig ng Nilo ang Ilog Atbara. Bago itinayo ang Aswan High Dam, pinangyayari nito na mag-umpisang tumaas ang tubig sa Ehipto mula Hunyo, anupat umaabot sa pinakamataas sa buwan ng Setyembre at pagkatapos ay unti-unti nang bumababa. Kapag bumaba na ang tubig, ang naiiwan ay manipis na suson ng putik na nagiging napakatabang lupa.

Sa isang lupain na halos hindi inuulan, ang agrikultura ng Ehipto ay lubusang umaasa sa taunang mga pag-apaw na ito ng tubig sa mabababang lupain. Kapag hindi gaanong tumaas ang tubig, ang epekto ay gaya ng sa tagtuyot, anupat nagiging sanhi ng taggutom; kapag labis namang tumaas ang tubig, nasisira ang mga irigasyon (gayundin ang mga bahay). Ang pagkabahala ng mga Ehipsiyo sa tamang taas ng pag-apaw ng tubig ay makikita sa mga Nilometro (mga panukat ng taas ng ilog) na natuklasan sa sinaunang mga lokasyon. Kung hindi aapaw nang gayon ang tubig, ang mga disyerto sa magkabilang panig ay aabot sa mga pampang ng ilog. Gayunman, maliban sa ilang pagkakataon, napakaregular ng pagtaas at pagbaba ng tubig ng Nilo, anupat sa buong kasaysayan ng Ehipto, nakilala ito sa saganang ani at agrikultural na yaman.

Ang ekonomiya ng Ehipto ay lubos na nakadepende sa tubig ng Nilo. Malinaw na ipinahihiwatig ito ng panaginip ni Paraon, kung saan nakakita siya ng pitong matatabang baka na umahon sa Nilo at nanginain sa damuhan nito, gayundin ng pitong payat na baka na umahon din doon. Angkop na inilarawan nito kung paanong ang mahusay na produksiyon ay maaaring lamunin ng mga taon ng kasalatan na resulta ng di-sapat na pag-apaw ng tubig.​—Gen 41:17-21.

Ang pagdaluyong ng tubig ng Nilo sa mga pampang nito ay ginamit upang ilarawan ang pagdating ng nagmamartsang mga hukbo (Jer 46:7, 8; 47:2, 3), samantalang ginamit naman ng propetang si Amos ang pagtaas at pagbaba ng tubig ng Nilo upang lumarawan sa kaligaligang sasapit sa di-tapat na Israel. (Am 8:8; 9:5) Ginamit ng ibang mga propeta ang pagkatuyo ng Nilo upang lumarawan sa kasakunaang sasapit sa Ehipto bilang resulta ng paghatol ng Diyos. Kapag hindi umapaw ang Nilo, masasalanta hindi lamang ang agrikultura at ang pag-aalaga ng hayop kundi pati ang industriya ng pangingisda at ang produksiyon ng lino.​—Isa 19:1, 5-10; Eze 29:9, 10; Zac 10:11.

Upang makapagtipon ng tubig-baha para magamit sa irigasyon sa panahon ng pagtatanim, nagtayo ang mga Ehipsiyo ng mga dikeng lupa para maimbak ang maputik na tubig sa malalaking tipunan. Kaya nang pasapitin ni Jehova ang unang salot sa Ehipto, noong gawin niyang dugo ang tubig nito, ang Nilo mismo, ang tubig sa mga kanal nito at sa mga lawang matambo, at ang “natipong tubig” ay pawang naging dugo.​—Exo 7:14-25.

Iba Pang mga Katangian Nito. Bukod sa paglalaan ng tubig para sa pananim at mga alagang hayop, ang Nilo ang pinagmumulan ng tubig na maiinom ng mga Ehipsiyo. (Exo 7:18, 21, 24) Maliban sa pasimula ng pagbaha, ang tubig ay masarap inumin. Tumutubo sa gilid ng mga kanal ng Nilo at ng mga lawang matambo ang maraming halamang papiro; ito ang pinagkukunan ng materyales na mapagsusulatan ng mga Ehipsiyo at ginagamit din ito sa paggawa ng mga bangka. (Isa 18:2) Ang matambong mga baybayin at mga lawa ay tirahan ng maraming ibon na kumakain ng mga palaka at iba pang maliliit na hayop. (Exo 8:5, 9-11) Ipinakikita sa mga larawang Ehipsiyo ang mga nanghuhuli ng ibon sakay ng maliliit na bangka. Ang Nilo ay nagsilbi ring paliguan; iniulat sa Kasulatan na ang anak na babae ni Paraon ay naligo roon. (Exo 2:5) Makikita sa isang larawang Ehipsiyo ang halos gayunding eksena ng isang babaing maharlika na naliligo kasama ang kaniyang apat na tagapaglingkod na babae. Ang Nilo ay nagsilbi ring pangunahing daanan para sa buong lupain. Ang mga bangkang patungo sa H ay naglalakbay nang paayon sa agos, samantalang yaong mga patungo sa T (pasalungat sa agos) ay itinutulak ng mas malalakas na hangin na humihihip mula sa Dagat Mediteraneo sa hilaga. Ang mga barkong pangkalakal mula sa Fenicia at Creta ay nakapaglalayag nang pasalungat sa agos hanggang sa Thebes (No-amon sa Bibliya; Na 3:8) at lampas pa.

Ang Nilo ay nagsilbing pandepensa ng Ehipto laban sa pagsalakay. Naging mahirap lusubin ang lupain mula sa direksiyon ng Nubia-Etiopia dahil sa mga talon nito sa gawing T, samantalang ang latiang lupain sa palibot ng rehiyon ng Delta ay nakahadlang naman sa pagpasok ng malalaking hukbo mula sa kontinente ng Asia. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang paghahambog ng Asiryanong si Haring Senakerib na tutuyuin niya ng kaniyang mga paa ang mga kanal ng Nilo ay tumutukoy sa kaniyang kumpiyansa na kaya niyang daigin ang pandepensang mga bambang ng tubig sa palibot ng mga lunsod at moog ng Ehipto.​—2Ha 19:24.

Ang mga siklo ng Nilo ang nagsilbing batayan para sa pangkapanahunang kalendaryo ng mga Ehipsiyo, na may tatlong kapanahunan na tig-aapat na buwan: ʼAkhet, o Pag-apaw; Peret, ang Paglitaw (maliwanag na tumutukoy sa lupa kapag kumati na ang tubig sa mga pampang); at Shomu, ang Tag-init (tag-araw). Ang pinakamagawaing yugto ay kapag nagsisimula nang bumaba ang tubig mula sa pinakamataas na pag-apaw nito; kapag nananatiling mataas ang tubig, nagsasaayos sila ng gawaing pagtatayo upang sa paanuman ay makapaglaan ng mga trabaho.

Ang sagisag na isang “malaking dambuhalang hayop-dagat na nahihigang nakaunat sa gitna ng kaniyang mga kanal ng Nilo,” na tumukoy kay Paraon sa aklat ng Ezekiel, ay ipinapalagay na hinalaw sa mga buwaya na nakatira sa Nilo mula pa noong sinaunang panahon. (Eze 29:3-5) Marami ring hipopotamus dito na karaniwang iniuugnay sa hayop na tinatawag na “Behemot” sa Job 40:15.

Sinamba ng mga Ehipsiyo ang Nilo, tinawag sa pangalang Hapi, bilang isang diyos ng pag-aanak. Ang diyos na ito ay inilarawan bilang lalaki ngunit may malalaking suso ng babae; ang kaniyang ulo ay may putong na mga halamang pantubig at ang kaniyang matabang balakang ay may bigkis ng mangingisda. Ang mga kapistahan, na may kasamang paghahain, ay ginaganap taun-taon bilang parangal sa kaniya sa pasimula ng bawat yugto ng pagbaha. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang paglabas ni Paraon patungo sa Nilo, na binanggit sa Exodo 7:15, ay kaugnay ng isang relihiyosong gawain tuwing umaga, bagaman maaaring ginawa niya iyon upang makapaglakad-lakad lamang sa umaga o upang tingnan ang taas ng ilog.

[Mapa sa pahina 477]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ilog Nilo

Dagat Mediteraneo

DELTA

Dagat na Pula

Ilog Nilo

Memfis

Thebes (No-amon)

UNANG TALON

Aswan (Seyene)

IKA-2 TALON

IKA-3 TALON

IKA-4 NA TALON

IKA-5 TALON

Ilog Atbara

IKA-6 NA TALON

Khartoum

Asul na Nilo

Puting Nilo

Lawa ng Albert

Lawa ng Victoria

[Mapa]

APRIKA

Ilog Nilo

[Larawan sa pahina 476]

Karaniwang tanawin sa pampang ng Nilo sa Ehipto