Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nineve

Nineve

Isang Asiryanong lunsod na itinayo ni Nimrod, isang “makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” Kasama ang Rehobot-Ir, Cala, at Resen, ito ang bumubuo sa “dakilang lunsod.” (Gen 10:9, 11, 12; Mik 5:6) Pagkaraan ng mahabang panahon, ito ang naging kabisera ng Imperyo ng Asirya. Bilang kabisera, ang Nineve ay isang “lunsod ng pagbububo ng dugo” (Na 3:1), sapagkat ang mga Asiryano ay nagtaguyod ng maraming digmaan sa kanilang pananakop at gumamit ng malulupit na paraan ng pagpatay sa nabihag na mga mandirigma. Walang alinlangang yumaman nang husto ang lunsod dahil sa mga kampanyang pangmilitar. (Na 2:9) Lumilitaw na ang pangunahing bathala ng Nineve ay si Ishtar, isang diyosa ng pag-ibig at digmaan.

Arkeolohikal na Pagsusuri. Ang Kuyunjik at ang Nebi Yunus (“Propeta Jonas”), dalawang gulod na nasa S pampang ng Ilog Tigris sa tapat ng Mosul, H Iraq, ang palatandaan ng lokasyon ng dating dakilang lunsod ng Nineve. Isang makabagong nayon na may sementeryo at moske ang matatagpuan sa Nebi Yunus. Ito ang dahilan kung bakit hindi gaanong masuri ang gulod na iyon na nakatabon sa isang palasyo ni Esar-hadon. Gayunman, sa Kuyunjik, maraming isiniwalat ang mga pagdudukal may kinalaman sa dating kaluwalhatian ng Nineve. Kabilang sa mga natagpuan ang libu-libong tapyas na cuneiform mula sa aklatan ni Ashurbanipal at ang mga guho ng palasyo ni Senakerib at niyaong kay Ashurbanipal. Ang mga palasyong ito ay kahanga-hangang mga gusali. Batay sa mga natuklasan niya, isinulat ni Sir Austen Layard:

“Ang loob ng palasyong Asiryano ay tiyak na maringal at kahanga-hanga. Inakay ko ang mambabasa sa mga guho nito, at mahihinuha niya kung anong impresyon ang nilayong idulot ng mga bulwagan nito sa estranghero na noong sinaunang panahon ay papasok sa unang pagkakataon sa tirahan ng mga haring Asiryano. Pinapasok siya sa pintuan na binabantayan ng pagkalaki-laking mga leon o mga toro na yari sa puting alabastro. Sa unang bulwagan ay nasumpungan niya na napalilibutan siya ng nakaukit na mga rekord ng imperyo. Ang mga pagbabaka, mga pagkubkob, mga tagumpay, mga kabayanihan sa pagtugis, ang mga seremonya sa relihiyon, ay isinalarawan sa mga dingding, inukit sa alabastro, at pinintahan ng matitingkad na kulay. Sa ibaba ng bawat larawan ay nakaukit, sa mga titik na kinalupkupan ng makisap na tanso, ang mga inskripsiyon na naglalarawan sa mga tagpong ipinakikita. Sa itaas ng mga eskultura ay ipininta ang iba pang mga pangyayari​—ang hari, pinaglilingkuran ng kaniyang mga bating at mga mandirigma, tinatanggap ang kaniyang mga bilanggo, nakikipag-alyansa sa iba pang mga monarka, o nagsasagawa ng isang sagradong tungkulin. Ang mga larawang ito ay may de-kulay na mga panggilid, na may masinsin at eleganteng disenyo. Ang makasagisag na punungkahoy, mga torong may pakpak, at pagkalaki-laking mga hayop, ay kitang-kita sa gitna ng mga palamuti. Sa kabilang dulo ng bulwagan ay naroon ang pagkalaki-laking wangis ng hari na sumasamba sa harap ng kataas-taasang bathala, o tumatanggap ng banal na kopa mula sa kaniyang bating. Pinaglilingkuran siya ng mga mandirigmang may dala ng kaniyang mga sandata, at ng mga saserdote o mga namamahalang diyos. Ang kaniyang mahahabang damit, at yaong sa mga tagasunod niya, ay napapalamutian ng mga kumpol ng mga pigura, mga hayop, at mga bulaklak, na pawang pinintahan ng matitingkad na kulay.

“Ang estranghero ay naglakad sa malalapad na piraso ng alabastro na ang bawat isa ay may inskripsiyon, na nagtatala sa mga titulo, talaangkanan, at mga tagumpay ng dakilang hari. Ang ilang pintuan, na binubuo ng pagkalalakíng may pakpak na mga leon o mga toro, o ng mga pigura ng mga tagapag-ingat na bathala, ay patungo sa iba pang mga silid, na patungo naman sa iba pang mas malalayong bulwagan. Sa bawat isa ay may iba pang mga eskultura. Sa mga dingding ng ilang bulwagan ay may sunud-sunod na pagkalaki-laking mga pigura​—nasasandatahang mga lalaki at mga bating na kasunod ng hari, mga mandirigmang may dalang maraming samsam, may hilang mga bilanggo, o nagdadala ng mga kaloob at mga handog sa mga diyos. Sa mga dingding ng iba pang mga bulwagan ay inilalarawan ang mga saserdoteng may pakpak, o mga namamahalang diyos, na nakatayo sa harap ng mga sagradong punungkahoy.

“Ang mga kisame sa ibabaw niya ay nahahati sa kuwadradong mga pitak, na pinintahan ng mga bulaklak, o ng mga pigura ng mga hayop. Ang ilan ay kinalupkupan ng garing, anupat bawat pitak ay napalilibutan ng eleganteng mga panggilid at mga moldura. Ang mga biga, gayundin ang mga gilid ng mga kuwarto, ay maaaring kinalupkupan, o binalutan pa nga, ng ginto at pilak; at ang pinakapambihirang mga kahoy, na dito ay kapansin-pansin ang sedro, ay ginamit para sa kayariang-kahoy. Sa mga kuwadradong bukasan sa kisame ng mga kuwarto ay pumapasok ang liwanag.”​—Nineveh and Its Remains, 1856, Bahagi II, p. 207-209.

Noong Panahon ni Jonas. Ang propeta ni Jehova na si Jonas, noong ikasiyam na siglo B.C.E., ay nagpahayag ng dumarating na kapahamakan para sa Nineve dahil sa kabalakyutan ng mga tumatahan dito. Ngunit yamang nagsisi ang bayan, pati na ang hari, hindi winasak ni Jehova ang lunsod. (Jon 1:1, 2; 3:2, 5-10) Noong panahong iyon ang Nineve ay isang dakilang lunsod, “na may layong nilalakad nang tatlong araw.” (Jon 3:3) Ang populasyon nito ay mahigit sa 120,000 katao. (Jon 4:11) Ang paglalarawang ito sa Bibliya ay hindi sinasalungat ng arkeolohikal na katibayan. Sinabi ni André Parrot, Punong Tagapangasiwa ng French National Museums:

“Kung paanong sa ngayon, ang bahagi ng London na nakapaloob sa sinaunang hangganan nito ay ibang-iba sa tinatawag na ‘kalakhang London’​—isang termino na sumasaklaw sa mga karatig-pook at tumutukoy sa isang mas malaking lugar​—maaaring ang pagkaunawa rin ng mga taong nakatira nang malayo sa Asirya sa salitang ‘Nineve’ ay bilang ang kilala sa ngayon na ‘Asiryanong tatsulok’ . . . , na mula sa Khorsabad sa hilaga hanggang sa Nimrud sa timog, at, kasama ang halos walang patlang na hanay ng mga pamayanan, sumasaklaw ng distansiya na mga dalawampu’t anim na milya. . . .

“Tinantiya ni Felix Jones na ang populasyon ng Nineve ay maaaring may bilang na 174,000 katao, at kamakailan lamang, sa kaniyang mga pagdudukal sa Nimrud, natuklasan ni M. E. L. Mallowan ang isang stela ni Ashurnazirpal kung saan nakaulat na inanyayahan niya sa isang piging ang kamangha-manghang bilang na 69,574 na panauhin. Sinasabi ni Mallowan na, kung may palabis para sa mga banyaga, ang populasyon ng Kalakh (Nimrud) ay malamang na 65,000. Ngunit ang Nineve ay dalawang beses ang laki kaysa sa Nimrud, at sa gayon ay maaaring isipin na ang bilang sa Jonas 4.11 ay napatunayan nang di-tuwiran.”​—Nineveh and the Old Testament, 1955, p. 85, 86; tingnan ang JONAS Blg. 1; JONAS, AKLAT NG.

Katuparan ng Hula ang Pagkawasak Nito. Bagaman nagsisi ang mga Ninevita nang mangaral si Jonas (Mat 12:41; Luc 11:30, 32), sila ay muling nagpakasama at nagpatuloy sa kanilang balakyot na mga daan. Pagkaraan ng ilang taon matapos paslangin ang Asiryanong si Haring Senakerib sa Nineve sa bahay ng kaniyang diyos na si Nisroc (2Ha 19:36, 37; Isa 37:37, 38), inihula nina Nahum (1:1; 2:8–3:19) at Zefanias (2:13-15) ang pagkawasak ng balakyot na lunsod na iyon. Natupad ang kanilang mga hula nang ang Nineve ay kubkubin at bihagin ng pinagsamang mga hukbo ni Nabopolassar na hari ng Babilonya at ni Cyaxares na Medo. Maliwanag na ang lunsod ay sinunog, sapagkat maraming relyebeng Asiryano ang kakikitaan ng pinsala o bakas ng apoy at ng usok nito. Iniulat ng Babylonian Chronicle tungkol sa pagkawasak ng Nineve: “Tinangay nila ang napakaraming samsam ng lunsod at ng templo (at) [ginawang] isang bunton ng kaguhuan ang lunsod.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. Grayson, 1975, p. 94; LARAWAN, Tomo 1, p. 958) Hanggang sa araw na ito ang Nineve ay isang tiwangwang na kaguhuan, at kapag tagsibol, ang mga kawan ay nanginginain malapit sa gulod ng Kuyunjik o sa ibabaw nito.

Petsa ng Pagbagsak ng Nineve. Bagaman nabura na mula sa umiiral na tapyas na cuneiform na naglalahad ng pagbagsak ng Nineve, ang petsa ng pangyayaring ito, ang ika-14 na taon ni Nabopolassar, ay mauunawaan mula sa konteksto. Posible ring itugma ang pagkawasak ng Nineve sa balangkas ng kronolohiya ng Bibliya. Ayon sa isang kronikang Babilonyo, ang mga Ehipsiyo ay natalo sa Carkemis noong ika-21 taon ng paghahari ni Nabopolassar. Ipinakikita ng Bibliya na naganap ito noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim o noong 625 B.C.E. (Jer 46:2) Samakatuwid, ang pagkabihag ng Nineve (mga pitong taon ang kaagahan) noong ika-14 na taon ng paghahari ni Nabopolassar ay papatak sa taóng 632 B.C.E.​—Tingnan ang ASIRYA (Ang pagbagsak ng imperyo).