Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nisan

Nisan

Ang pangalan ng unang buwang lunar ng mga Judio sa kanilang sagradong kalendaryo pagkaraan ng pagkatapon, na katumbas ng huling bahagi ng Marso at unang bahagi ng Abril. (Ne 2:1; Es 3:7) Ang buwang ito, na unang tinawag na “Abib,” ay orihinal na itinuturing na ikapitong buwan at maliwanag na ito ang buwang tinutukoy sa Genesis 8:4. Noong panahon ng Pag-alis mula sa Ehipto, itinalaga ni Jehova ang buwang ito bilang ang “una sa mga buwan ng taon.” (Exo 12:2; 13:4; Bil 33:3) Mula noon, nagkaroon na ng pagkakaiba sa pagitan ng sagradong kalendaryo na pinasimulan ni Jehova at ng mas naunang sekular na kalendaryo.​—Tingnan ang ABIB; KALENDARYO.

Madalas na napakalamig ng panahon sa buwang ito ng tagsibol, at sa Jerusalem ay nagpapaningas ang mga tao ng sigâ sa gabi upang maglaan ng init. (Ju 18:18) May panahon pa ngang umuulan ng niyebe sa Jerusalem hanggang Abril 6, gaya ng nangyari noong 1949. Sumasapit ang Nisan sa pagtatapos ng tag-ulan, at ang mga huling ulan o mga ulan sa tagsibol ay inaasahang darating upang mahinog ang mga butil bago ang pag-aani. (Deu 11:14; Os 6:3; Jer 5:24) Sa panahong ito ng taon, karaniwan nang umaapaw ang Ilog Jordan. (Jos 3:15; 1Cr 12:15) Nagsisimula ang pag-aani ng sebada sa mga baybaying kapatagan, at sa ibaba sa subtropikal na Libis ng Jordan naman ay nahihinog na ang mga trigo. (Ru 1:22; 2:23) Noong panahong iyon, ang inaning mga tangkay ng lino na nasa bubong ni Rahab sa Jerico ang pinagtaguan ng mga tiktik na Israelita.​—Jos 2:6; 4:19.

Pagbabago sa Kalendaryong Lunar. Hiniling ng utos ng Diyos na maghandog ang mga Israelita ng isang tungkos ng mga unang bunga ng kanilang ani sa ika-16 na araw ng Nisan (Abib) at pagkatapos nito ay maghandog sila ng ikalawang handog na mga butil sa ika-50 araw. Ang una sa mga paghahandog na ito ay karaniwang kasabay ng pag-aani ng sebada at ang ikalawa naman ay kasabay ng pag-aani ng trigo. Dahil sa utos na ito, kinailangang gumawa ng pagbabago sa kalendaryo ng mga buwang lunar na ginagamit ng mga Israelita. Nagkaroon ng pangangailangang punan ang kakulangan na 111⁄4 na araw sa pagitan ng buong taóng solar at ng mas maikling taóng lunar. Kung hindi ito gagawin, sa loob ng tatlong taon, magiging maaga nang mga 33 araw sa kapanahunan nito ang pagsapit ng buwan ng Nisan at lalong mas maaga kaysa sa pag-aani ng sebada. Hindi tinitiyak ng ulat sa Bibliya kung anong pamamaraan ang orihinal na ginamit ng mga Israelita upang pagtugmain ang mga ito, ngunit ipinakikita ng katibayan na idinaragdag ang isang ika-13 buwan tuwing ikalawa o ikatlong taon upang maibalik ang mga kapanahunan sa wastong dako ng mga ito sa taon ng kalendaryo. Malamang na tinitiyak ito sa pamamagitan ng simpleng obserbasyon, na iniuugnay ang bagong buwan (new moon) sa vernal equinox,spring equinox ng araw, na sumasapit sa bandang Marso 21 ng bawat taon. Kung ang bagong buwan (new moon) na karaniwan nang palatandaan ng pasimula ng buwan ng Nisan (Abib) ay napakalayo sa panahon ng spring equinox, ang buwan ay ibinibilang na isang ika-13 buwan o buwang intercalary [isinisingit], at nagsisimula ang Nisan sa susunod na bagong buwan (new moon). Noon lamang ikaapat na siglo C.E. pinasimulang gamitin ng mga Judio ang isang tiyak at pamantayang kalendaryo.

Ang una sa mga kapistahan ng Nisan ay ang Paskuwa na orihinal na ipinagdiwang sa Ehipto; pumapatak ito sa ika-14 ng buwan at kabilang dito ang paghahain sa kordero ng paskuwa. (Exo 12:2-14; Lev 23:5; Deu 16:1) Ang kasunod na araw ang pasimula ng sanlinggong Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa na sumasaklaw mula ika-15 hanggang sa ika-21 ng buwan. Sumasapit naman sa ika-16 ng Nisan ang paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada.​—Exo 12:15-20; 23:15; 34:18; Lev 23:6-11.

Pinasinayaan ang Hapunan ng Panginoon. Mahigit na 15 siglo pagkatapos ng Pag-alis, noong Nisan 14 ng taóng 33 C.E., nagtipon si Jesus at ang kaniyang 12 apostol sa Jerusalem upang ipagdiwang ang huling lehitimong Paskuwa, at pagkatapos nito, nang mapaalis na ang traidor na si Hudas, pinasinayaan niya ang memoryal ng kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng Hapunan ng Panginoon. (Mat 26:17-30; 1Cor 11:23-25) Bago natapos ang Nisan 14, namatay siya bilang ang Kordero ng Diyos. Noong Nisan 16, ang araw kung kailan ikinakaway ng saserdote sa templo ang mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, binuhay-muli si Jesus bilang ang unang bunga ng pagkabuhay-muli.​—Luc 23:54–24:7; 1Co 15:20.

Bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Kristo na, “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin,” ang ika-14 na araw ng Nisan ay patuloy na ipinagdiriwang ng kaniyang mga tagasunod hanggang sa kasalukuyan bilang ang panahon ng pag-alaala sa kamatayan ni Kristo.​—Luc 22:19, 20; tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON.