Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nob

Nob

Isang lunsod na maliwanag na nasa teritoryo ng Benjamin at malapit sa Jerusalem. Bagaman pinag-aalinlanganan ang eksaktong lokasyon ng Nob, ipinahihiwatig ng Nehemias 11:31, 32 at ng Isaias 10:28-32 na malapit ito sa Anatot at posibleng malapit sa isang burol kung saan matatanaw ang Jerusalem. Ipinapalagay ng ilan na ito ay isang lugar sa Ras el Mushraf (Bundok Scopus), mga 1.5 km (1 mi) sa HS ng Temple Mount sa Jerusalem. Sa gayon ito’y nasa H lamang ng Bundok ng mga Olibo.

Nang tumakas si David mula kay Saul, pumaroon siya sa mataas na saserdoteng si Ahimelec, na nasa Nob, ang “lunsod ng mga saserdote,” at tinanggap niya mula kay Ahimelec ang tinapay na pantanghal bilang pagkain para sa kaniyang mga tauhan, at ang tabak ni Goliat, na iniingatan doon. Marahil ay inilipat sa Nob ang tabernakulo nang sumapit sa Shilo ang di-kaayaayang hatol ng Diyos. (Ihambing ang 1Sa 14:3; Aw 78:60; Jer 7:12-14.) Nang maglaon, inakusahan ni Saul si Ahimelec ng pakikipagsabuwatan, yamang tinulungan nito si David. Sa utos ni Saul, pinatay ni Doeg na Edomita ang mataas na saserdote at ang 84 na iba pang saserdote. Pagkatapos ay pinatay ni Doeg ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at mga hayop ng Nob. Si Abiatar lamang, na anak ni Ahimelec, ang nakatakas.​—1Sa 21:1-9; 22:6-23.

Ang Nob ay isa sa mga lugar na binanggit may kaugnayan sa paghayo ng mga Asiryano patungo sa Jerusalem. (Isa 10:24, 32) Muli itong tinirahan ng mga Benjamita pagkabalik mula sa pagkatapon sa Babilonya.​—Ne 11:31, 32.