Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Noe

Noe

[sa Heb., Noʹach, malamang, Kapahingahan; Kaaliwan].

Anak ni Lamec at ikasampu sa linya ng angkan mula kay Adan sa pamamagitan ni Set; ipinanganak noong 2970 B.C.E., 126 na taon pagkamatay ni Adan. Nang panganlan si Noe ng kaniyang amang si Lamec, sinabi nito: “Ang isang ito ay magdadala sa atin ng kaaliwan sa ating gawa at sa kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.”​—Gen 5:28-31.

Walang Pagkukulang sa Gitna ng Kaniyang mga Kapanahon. Ang sanlibutan noong panahon ni Noe ay sumamâ nang sumamâ. Ang mga anghel na nag-iwan ng kanilang orihinal na kalagayan at wastong tahanang dako ay nag-asawa ng mga babae at nagkaroon ng mga supling, “mga lalaking bantog,” na nagsulsol ng karahasan na lumaganap sa lupa (Gen 6:1-4; Jud 6), hanggang sa ‘ang bawat hilig ng mga kaisipan ng puso [ng tao] ay masama na lamang sa lahat ng panahon’ at ang lupa ay naging “sira, sapagkat sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.” (Gen 6:5, 11, 12) Ngunit iniwasan ni Noe ang kasamaang iyon at inilarawan siya ng Salita ng Diyos bilang “isang lalaking matuwid. Siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen 6:8, 9) Angkop lamang na tukuyin si Noe bilang “walang pagkukulang” sapagkat, di-tulad ng di-makadiyos na sanlibutang iyon, lubusan siyang nakaabot sa hinihiling ng Diyos sa kaniya.​—Ihambing ang Gen 6:22; tingnan ang KASAKDALAN.

Nilayon ni Jehova na Puksain ang Sanlibutang Iyon. Nagtakda si Jehova ng panahon para wakasan ang di-makadiyos na sanlibutang iyon, na sinasabi: “Ang aking espiritu ay hindi kikilos sa tao nang habang panahon sapagkat siya ay laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” (Gen 6:3) Ito ay isang kapahayagan ng paghatol mula sa Diyos. Mga 20 taon pagkatapos nito, ang unang anak ni Noe (malamang na si Japet) ay isinilang (2470 B.C.E.), at ipinakikita ng ulat na pagkaraan ng dalawang taon ay isinilang naman si Sem. Hindi sinasabi kung kailan ipinanganak si Ham, ngunit ang tatlong anak na ito ay malalaki na at may-asawa na nang utusan ng Diyos si Noe na magtayo ng arka. Kaya malamang na 40 o 50 taon na lamang ang natitira noon bago ang Delubyo. (Gen 6:13-18) Yamang nakipagtipan sa kaniya si Jehova (Gen 6:18) at sa pakikipagtulungan ng kaniyang pamilya, nagsimula nang gumawa si Noe bilang isang tagapagtayo at “isang mangangaral ng katuwiran,” na binababalaan ang balakyot na salinlahing iyon hinggil sa nagbabantang pagkapuksa.​—2Pe 2:5.

Pagkaligtas sa Baha. Hindi naniwala ang mga tao na kikilos ang Diyos upang puksain ang isang balakyot na sanlibutan. Kaya tiyak na ang matibay na pananampalataya ni Noe ang nag-udyok sa kaniya na sumunod nang walang pasubali, anupat ginawa niya ang “ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Gen 6:22) Dahil sa kaniyang di-natitinag na pananampalataya kay Jehova, kabilang siya sa ‘malaking ulap ng mga saksi’ na tinukoy ng Kristiyanong manunulat ng aklat ng Mga Hebreo. Doon ay mababasa: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.”​—Heb 11:7; 12:1.

Pitong araw bago magsimulang bumuhos ang tubig ng baha, tinagubilinan ni Jehova si Noe na tipunin ang mga hayop sa loob ng arka. Nang ikapitong araw ng sanlinggong iyon, “pumasok si Noe sa arka, at kasama niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa at ang mga asawa ng kaniyang mga anak, bago ang tubig ng delubyo. . . . Pagkatapos ay isinara ni Jehova ang pinto sa likuran niya.” Nang mismong araw na iyon, “dumating ang baha at pinuksa silang lahat.”​—Gen 7:1-16; Luc 17:27.

Sa loob ng arka ay nailigtas ang buhay ng tao at hayop. Napanatili rin ang tunay na pagsamba, at sa pamamagitan ni Noe at ng kaniyang pamilya ay naingatan ng Diyos ang kasaysayan ng paglalang, pati na ang isang sistema ng pagbilang ng panahon pabalik sa paglalang sa tao at ang orihinal na wika (sa kalaunan ay tinawag na Hebreo). Nag-ingat si Noe ng isang tumpak na rekord ng mahahalagang pangyayari habang nasa loob siya ng arka.​—Gen 7:11, 12, 24; 8:2-6, 10, 12-14.

Pagpapala Pagkatapos ng Baha at ang Tipang Bahaghari. Pagkaraan ng mga isang taon sa loob ng arka, si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumabas tungo sa isang bagong-linis na lupa. Ang arka ay lumapag sa Kabundukan ng Ararat. Bilang pagpapahalaga sa maibiging-kabaitan, awa, at proteksiyon ni Jehova, nagtayo si Noe ng isang altar at naghandog ng “ilan sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang” bilang hain kay Jehova. Ikinalugod ito ni Jehova at isiniwalat niya kay Noe na hindi na susumpain ang lupa, ni sasaktan man ng Diyos ang lahat ng bagay gaya ng ginawa niya. Laging magkakaroon ng ‘paghahasik ng binhi at pag-aani, at ng lamig at init, at ng tag-araw at taglamig, at ng araw at gabi.’​—Gen 8:18-22.

Pinagpala ni Jehova ang mga nakaligtas sa Baha, at inutusan sila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” Pagkatapos ay gumawa siya ng mga bagong batas para sa kanilang kapakanan: (1) May-kabaitan niya silang pinahintulutan na kumain ng karne ng hayop; (2) ngunit yamang ang kaluluwa ay nasa dugo, ang dugo ay hindi dapat kainin; (3) itinatag ang paglalapat ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng itinalagang awtoridad. Ang mga kautusang ito ay kapit sa buong sangkatauhan, bilang mga supling ng tatlong anak ni Noe.​—Gen 1:28; 9:1-7; 10:32.

Pagkatapos gawin ang mga batas na ito, sinabi ni Jehova: “At kung tungkol sa akin, narito, itinatatag ko ang aking tipan sa inyo at sa inyong supling na kasunod ninyo, at sa bawat kaluluwang buháy na kasama ninyo, sa mga ibon, sa mga hayop at sa lahat ng nilalang na buháy sa lupa na kasama ninyo . . . Oo, itinatatag ko ang aking tipan sa inyo: Hindi na lilipulin pa ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng isang delubyo, at hindi na magkakaroon pa ng delubyo na sisira sa lupa.” Hanggang sa ngayon, ang bahaghari ay nagsisilbing “tanda,” o tagapagpaalaala, ng tipang ito.​—Gen 9:8-17; Isa 54:9.

Pagkalango ni Noe. Si Noe ay nabuhay nang 350 taon pagkaraan ng Baha. Tahasan at buong katapatang sinasabi ng ulat: “At si Noe ay nagpasimula bilang isang magsasaka at nagtanim ng isang ubasan. At siya ay nagsimulang uminom ng alak at nalango, kaya naghubad siya sa loob ng kaniyang tolda.” (Gen 9:20, 21) Hindi ito nagpapahiwatig na si Noe ay isang lasenggo. Iniuulat ng Bibliya ang pangyayaring ito upang ibigay ang tagpo ng insidenteng kasunod nito, isang pangyayari na nakaapekto nang malaki sa kasaysayan ng daigdig. Bago ang Baha, hindi nagpapakasasa si Noe sa ‘pag-inom’ na gaya ng balakyot na lipunang iyon, na tiyak na ginagawa nila nang walang patumangga. Pinapurol nito ang kanilang pakiramdam at walang-alinlangang isa ito sa mga dahilan kung bakit ipinagwalang-bahala nila ang babala ng Diyos, anupat hindi nagbigay-pansin “hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”​—Mat 24:38, 39; Luc 17:27.

Habang natutulog si Noe sa kaniyang tolda, si Ham at maaaring pati ang anak nito na si Canaan ay gumawa ng isang bagay na maituturing na kawalang-galang kay Noe. Ang ulat ay kababasahan: “Nang dakong huli ay nagising si Noe mula sa pagkalango niya sa alak at nalaman niya ang ginawa sa kaniya ng kaniyang bunsong anak.” Karaniwan nang ipinapalagay na si Ham ay tinutukoy rito bilang “bunsong anak” ni Noe. Gayunman, sa Bibliya, ang pananalitang ito ay tumutukoy kung minsan sa isang apo, na sa kasong ito ay si Canaan. Anuman ang naging situwasyon, sinabi iyon ng ama ni Canaan na si Ham sa kaniyang dalawang kapatid sa halip na takpan niya ang kahubaran ni Noe gaya ng ginawa nila. Nang malaman ito ni Noe, isinumpa niya si Canaan at pinagpala niya ang Diyos ni Sem na si Jehova.​—Gen 9:20-27.

Paghihimagsik ni Nimrod. Si Noe ang unang patriyarka ng lipunang umiral pagkatapos ng Baha. (Gen 10:1-32) Gayunman, habang siya’y nabubuhay pa, muling bumangon ang huwad na relihiyon sa gitna niyaong mga nasa ilalim ng pangunguna ni Nimrod, gaya ng makikita sa kanilang mapaghimagsik na pagtatangkang magtayo ng ‘isang tore na ang taluktok ay nasa langit’ dahil baka mangalat sila “sa ibabaw ng buong lupa.” Salungat ito sa utos ng Diyos na ‘punuin ang lupa,’ at isa ring paghihimagsik laban sa posisyon ni Noe bilang propeta ng Diyos. Namatay si Noe mga dalawang taon bago ipanganak si Abraham. Samakatuwid, nakita niya ang kahatulan ni Jehova sa mga tagapagtayo ng Tore ng Babel at ang pangangalat ng mga mapaghimagsik na iyon sa ibabaw ng lupa. Hindi nasangkot sina Noe at Sem sa pagtatayo ng tore kung kaya hindi nila naranasang guluhin ang kanilang wika, kundi patuloy nilang sinalita ang orihinal na wika ng tao, na ibinigay ng Diyos kay Adan.​—Gen 9:1, 28, 29; 11:1-9.

Isang Makahulang Parisan. Ang mga propetang sina Isaias, Ezekiel, at Jesu-Kristo, gayundin ang mga apostol na sina Pedro at Pablo, ay pawang bumanggit sa lingkod ng Diyos na si Noe. Ipinakita ni Jesus at ni Pedro na ang mga araw ni Noe ay makahulang lumalarawan sa “pagkanaririto ng Anak ng tao” at sa isang panghinaharap na “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” Nang iligtas ni Jehova si Noe at ang pamilya nito at nang puksain niya ang balakyot na sanlibutang iyon, siya ay ‘naglagay ng isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.’​—2Pe 3:5-7; 2:5, 6; Isa 54:9; Eze 14:14, 20; Mat 24:37-39; Heb 11:7; 1Pe 3:20, 21.