Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Noo

Noo

Ang bahagi ng mukha sa gawing itaas ng mga mata. Ang isang pananalitang Hebreo na isinaling “noo” (Deu 14:1) at ang salitang Griego para sa “noo” (meʹto·pon) ay literal na nangangahulugang “sa pagitan ng mga mata.” Noong sinaunang panahon, ang noo, yamang napakaprominente at hantad na bahagi ng isang indibiduwal, ay isang dako kung saan minamarkahan ang mga alipin upang makita ng lahat kung sino ang panginoong may-ari sa mga ito. Minamarkahan din sa gayong paraan ang mga deboto ng ilang paganong diyos. Maging sa ngayon, sinusunod ng ilan ang kaugalian ng paglalagay ng mga relihiyosong marka sa noo, upang malaman ng iba ang debosyon nila sa kanilang mga relihiyosong paniniwala.

Marka sa Noo. Sa Bibliya, ang pagkakaroon ng marka sa “noo” ay ginagamit din sa makasagisag na paraan upang ipakita na ang isa ay alipin ng tunay na Diyos o ng iba. Sa Apocalipsis 7:2-4, tinutukoy roon ang pagtatatak sa noo na ginawa ng mga anghel sa 144,000 katao. (Tingnan ang PANTATAK, TATAK.) Sa ibang bahagi ng pangitain sa Apocalipsis, ang 144,000 ay inilalarawang may pangalan ng Kordero, si Jesu-Kristo, at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo. Bilang kasintahang babae ng Kordero, angkop lamang na tanggapin nila ang kaniyang pangalan. (Apo 14:1; 22:3, 4) Yamang ang wikang Hebreo ay makalawang ulit na binanggit sa aklat ng Apocalipsis (9:11; 16:16) at yamang ang apostol na si Juan ay isang Hebreo, maaaring ang sagradong Tetragrammaton ang nakasulat sa mga noo ng 144,000, anupat ipinakikilala sila nito bilang mga lingkod at mga saksi ni Jehova.

Gaya ng inilarawan sa Ezekiel 9:3-6, isang grupo ng mga tao ang minamarkahan sa kanilang noo bilang proteksiyon mula sa pagpuksa ng mga puwersang pamuksa ng Diyos, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi sila minamarkahan ng mga anghel, ni minamarkahan man sila sa pamamagitan ng isang “pantatak,” kundi ng isang lalaki na may “tintero ng kalihim.” Yamang inilalarawan sila bilang “nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa,” kapag ‘minarkahan’ sila, ipinakikita nila na sila ay mga alipin at mga deboto ni Jehova; ang kanilang mga pagkilos, mga gawain, at mga personalidad ay maliwanag na nagpapatunay sa bagay na ito sa harap ng lahat, anupat para bang nakasulat ito ‘sa kanilang mga noo.’

Sa pagtatatak ng mga alipin para sa pandaigdig na makapulitikang “mabangis na hayop” (tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA [Ang mabangis na hayop na may pitong ulo na mula sa dagat]), isang makasagisag na marka ang inilalagay sa mga noo o sa mga kanang kamay ng mga tao, anupat sapilitan pa nga, gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 13:16, 17. Ipinakikilala niyaong mga tumatanggap ng marka na sila ay laban sa Diyos at nakatakdang tumanggap ng kaniyang galit na ibinubuhos nang walang halo.​—Apo 14:9-11; tingnan ang MARKA.

Ang Mataas na Saserdote ng Israel. Sa Israel, sa harap ng turbante ng mataas na saserdote, sa ibabaw ng noo ng saserdote, ay may isang laminang ginto, “ang banal na tanda ng pag-aalay,” na sa ibabaw nito ay nakasulat sa pamamagitan ng “mga lilok ng isang pantatak” ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exo 28:36-38; 39:30) Bilang punong kinatawan ng Israel sa pagsamba kay Jehova, angkop lamang na panatilihing banal ng mataas na saserdote ang kaniyang katungkulan, at ang inskripsiyong ito ay magsisilbi ring paalaala sa buong Israel na kailangan nilang manatiling banal sa paglilingkod kay Jehova. Nagsilbi rin itong angkop na larawan ng dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, at ng bagay na inialay siya ni Jehova sa makasaserdoteng paglilingkod na ito na nagtataguyod ng kabanalan ng Diyos.​—Heb 7:26.

Babilonyang Dakila. Kabaligtaran naman nito, ang makasagisag na dakilang patutot ay may pangalang “Babilonyang Dakila” sa kaniyang noo. Matagal nang kinakatawanan ng sinaunang Babilonya yaong bagay na balakyot at salansang sa Diyos.​—Apo 17:1-6; tingnan ang BABILONYANG DAKILA.

Iba Pang Pagkagamit sa Terminong Ito. Ang isa pang makasagisag na paggamit sa salitang “noo” ay masusumpungan sa Isaias 48:4, kung saan sinabi ni Jehova na ang noo ng Israel ay tanso, maliwanag na dahil labis-labis ang pagkasutil at paghihimagsik nito. Sa Jeremias 3:3, ang pangahas at walang-kahihiyang pag-aapostata ng di-tapat na Jerusalem ay inilalarawan sa isang metapora bilang “ang noo ng isang asawang babaing nagpapatutot.” Gayundin, sa Ezekiel 3:7-9, sinabi ng Diyos kay Ezekiel, na nanghula sa mga Israelitang matitigas ang ulo (sa literal, “matibay ang noo”) at matitigas ang puso, na ginawa niyang “gaya ng diamante” ang noo ng propeta, sa diwang binigyan niya ito ng lakas ng loob, determinasyon at katapangan upang maihatid niya ang mensahe ng Diyos sa kanila.

Noong may-kapangahasang agawin ni Haring Uzias sa ilegal na paraan ang tungkulin ng saserdote anupat tinangka niyang maghandog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso sa templo ni Jehova, ang kaniyang kasalanan at ang hatol ni Jehova ay maliwanag at kaagad na nahayag sa pamamagitan ng biglang paglitaw ng ketong sa kaniyang noo.​—2Cr 26:16, 19, 20.