Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Obadias, Aklat ng

Obadias, Aklat ng

Ang pinakamaikling makahulang aklat ng Hebreong Kasulatan. Isinulat ito ni Obadias, na may kinalaman sa kaniya ay walang ibang impormasyong nalalaman maliban sa kaniyang pangalan. Ang aklat na ito ay naglalaman ng isang kapahayagan ng kahatulan ni Jehova laban sa Edom, naglalahad ng dahilan kung bakit ilalapat ang kahatulang iyon, at bumabanggit sa pagsasauli ng “sambahayan ni Jacob.” Pinatototohanan ng pagkalipol ng mga Edomita bilang isang bayan at ng pagsasauli sa mga Israelita sa kanilang lupain na ang hula ni Obadias ay natupad nang may katumpakan.​—Ob 17, 18; tingnan ang EDOM, MGA EDOMITA.

Ang hula ay ibinigay dahil hindi tulad sa “kapatid” ang ginawang pakikitungo ng mga Edomita sa “mga anak ni Juda” nang dumanas ng pagkatalo ang mga ito. Sa pamamagitan ng kanilang ninunong si Esau, ang mga Edomita ay kamag-anak ng mga Israelita. Nagsaya ang mga Edomita dahil sa kapahamakan ng Juda, nakisali sila sa pagkuha ng samsam mula sa mga Judio, hinadlangan nila ang mga ito sa pagtakas mula sa lupain, at ibinigay pa nga nila ang mga ito sa kaaway. (Ob 12-14) Gaya ng makikita kung ihahambing ang hula ni Obadias sa mga salita ni Jeremias (25:15-17, 21, 27-29; 49:7-22) at ni Ezekiel (25:12-14; 35:1-15), malamang na naganap iyon noong wasakin ng mga hukbong Babilonyo ang Jerusalem at samakatuwid ay maipapalagay na isinulat ang aklat noong mga taóng 607 B.C.E.

Yamang ang marami sa mga bagay na inihula sa Obadias ay inihula rin sa aklat ng Jeremias, makalawang ulit nitong tinitiyak na matutupad ang salita ni Jehova may kinalaman sa Edom.​—Ihambing ang Gen 41:32.

[Kahon sa pahina 489]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG OBADIAS

Ang mga kahatulan ni Jehova laban sa Edom at ang pangako ng pagsasauli sa bayan ni Jehova

Isinulat noong mga 607 B.C.E., ang taon nang itiwangwang ng mga Babilonyo ang Jerusalem

Ang pakikibahagi ng Edom sa karahasang ginawa sa mga inapo ni Jacob

Nang lupigin ang Jerusalem at dalhin sa pagkabihag ang mga tumatahan doon, ang Edom ay tumayo lamang sa tabi (tal 10, 11)

Hindi sana siya nagsaya sa kapahamakan ng Juda, anupat nakisali sa pandarambong sa bayan ng Diyos at nagbigay ng mga natirang buháy sa kamay ng kaaway (tal 12-14)

Sasapitan ng kapahamakan ang Edom

Nanawagan si Jehova sa mga bansa na bumangon laban sa Edom sa pagbabaka (tal 1)

Sa kabila ng kaniyang waring ligtas na kinalalagyan, ang Edom ay ibababa (tal 2-4)

Ang mga magnanakaw o mga mang-aani ay kumukuha lamang ng gusto nila at may itinitira pa; kapag bumagsak ang Edom, lubusan ang gagawing pandarambong sa kaniya; lilinlangin siya niyaong mga may pakikipagtipan sa kaniya, at pupuksain ang kaniyang mga taong marurunong at makapangyarihan (tal 5-9)

Gagawin din sa sambahayan ni Esau ang uri ng pakikitungong ginawa nito sa Juda; maglalaho ang sambahayan ni Esau (tal 15, 18)

Isasauli ang sambahayan ni Jacob

Ang Sion ay magiging banal; ang sambahayan ni Jacob ang magiging apoy na tutupok sa sambahayan ni Esau gaya ng pinaggapasan (tal 17, 18)

Aariin ng isinauling bayan ni Jehova “ang mga bagay na dapat nilang ariin,” pati na “ang bulubunduking pook ng Esau” (tal 19, 20)

Ang paghahari ay magiging kay Jehova (tal 21)