Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Olibo, Bundok ng mga

Olibo, Bundok ng mga

Isang hanay ng mga burol na batong-apog sa silanganing panig ng Jerusalem. Ito’y may layo na “isang araw ng sabbath na paglalakbay” at nakahiwalay sa lunsod dahil sa Libis ng Kidron. (Eze 11:23; Zac 14:4; Gaw 1:12) Ang hanay na ito ng mga burol ay kinabibilangan ng tatlong pangunahing taluktok. Ang Bundok Scopus, na pinakamataas at nasa pinakadulong hilaga, ay may taas na mga 820 m (2,700 piye) at sa gayo’y mas mataas pa sa pangkalahatang taas ng Jerusalem. Ang tinaguriang Bundok ng Paglabag, o Bundok ng Pagkawasak, ang pinakadulong timog sa mga taluktok na ito at may taas na mga 740 m (2,430 piye). Ang gitnang taluktok, na katapat ng Temple Mount, ay mga 812 m (2,664 na piye) sa pinakamataas na bahagi nito at ito ang karaniwang tinutukoy sa Bibliya bilang ang Bundok ng mga Olibo. Noong sinaunang panahon, ang tagaytay na ito ay sagana sa palma, mirto, punungkahoy ng langis, at lalung-lalo na, sa mga punong olibo. (Ne 8:15) Dahil sa mga punong olibo nito kung kaya tinawag na “Bundok ng mga Olibo” ang kabundukang ito. Gayunman, nang kubkubin ng Roma ang Jerusalem noong 70 C.E., ang mga puno sa Bundok ng mga Olibo ay pinagpuputol.​—The Jewish War, V, 523 (xii, 4).

May katangi-tanging mga pangyayari sa Bibliya na iniuugnay sa Bundok ng mga Olibo. Si Haring David ay nakatapak at tumatangis na umahon sa Bundok ng mga Olibo noong tumatakas siya mula sa mapaghimagsik niyang anak na si Absalom. (2Sa 15:14, 30, 32) Si Haring Solomon ay nagtayo ng matataas na dako para sa idolatrosong pagsamba sa bundok na ito sa “gawing kanan [timog] ng Bundok ng Pagkawasak.” Gayunman, nang maglaon ang mga iyon ay ginawang di-karapat-dapat ni Haring Josias para sa pagsamba. (1Ha 11:7; 2Ha 23:13, tlb sa Rbi8) Noong unang siglo C.E., madalas makipagtagpo si Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad sa hardin ng Getsemani, na nasa mismong Bundok ng mga Olibo o nasa kapaligiran nito. (Mat 26:30, 36; Ju 18:1, 2) Kapag nasa Jerusalem, nakaugalian na ni Jesus at ng kaniyang mga alagad na magpalipas ng gabi sa Betania sa S dalisdis ng Bundok ng mga Olibo, walang alinlangang doon sa tahanan nina Marta, Maria, at Lazaro. (Mat 21:17; Mar 11:11; Luc 21:37; Ju 11:1) Lumilitaw na mula sa Betfage, malapit sa Betania, ay sinimulan ni Jesus (na nakaupo sa bisiro ng isang asno) ang kaniyang matagumpay na paghayo sa Bundok ng mga Olibo patungong Jerusalem. (Mat 21:1, 2; Mar 11:1; Luc 19:29) At sa Bundok ng mga Olibo niya ipinaliwanag sa kaniyang mga alagad kung ano ang magiging ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto.’ (Mat 24:3; Mar 13:3) Nang dakong huli, matapos siyang buhaying-muli, mula sa Bundok ng mga Olibo ay umakyat si Jesus sa langit.​—Gaw 1:9-12.

[Mapa sa pahina 495]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BUNDOK NG MGA OLIBO

Ang mga numero ay tumutukoy sa taas ayon sa metro

Bundok Scopus 820

Bundok ng mga Olibo 812

A.L. ng Kidron

Lugar ng Templo 740

Bundok ng Paglabag 740