Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

On

On

Pangalan ng isang tao at ng isang lugar.

1. [Kakayahang Magkaanak; Dinamikong Lakas]. Isang anak ni Peleth; isang pangunahing lalaki na mula sa tribo ni Ruben. (Bil 16:1) Kabilang siya sa mga nagprotesta laban kina Moises at Aaron, ngunit ang pangalan niya ay hindi lumilitaw na kabilang sa mga rebelde sa kanilang mga talumpati kay Moises noong dakong huli o nang parusahan sila ni Jehova ng pagkalipol. (Bil 16:2, 3, 12-14, 23-35) Ito ay maaaring dahil napakaliit ng bahaging ginampanan niya sa paghihimagsik, o maaaring ipinahihiwatig pa nga nito na humiwalay siya roon pagkatapos ng unang pagsaway ni Moises sa mga nagsabuwatan.

2. Isang sinauna at kilalang lunsod sa Ehipto, na di-kalayuan sa HS ng Cairo, sa S pampang ng Nilo at malapit sa dako kung saan nagsasanga ang ilog at nagsisimula ang rehiyon ng Delta. Sa mga rekord ng Ehipto, ang pangalan ng lunsod ay nakasulat bilang Junu, samantalang sa mga Asiro-Babilonyong rekord ay binabanggit ito bilang AnaUnu. Ipinapalagay na ang Ehipsiyong pangalan ay nangangahulugang “Lunsod ng Haligi,” marahil ay tumutukoy sa mga obelisko (matataas at papakitid na mga poste na ang patulis na dulo ay hugis-piramide) na dahil sa mga ito ay napabantog ang lunsod; o ang pangalan ay maaaring tumutukoy sa sagradong bato (tinatawag na benben) na kaugnay sa pagsamba sa diyos-araw na si Ra (Re). Tinawag ng mga Griego ang lunsod na ito na Heliopolis, nangangahulugang “Lunsod ng Araw,” dahil ito ang pangunahing sentro noon ng Ehipsiyong pagsamba sa araw.

Ang On ay unang lumilitaw sa rekord ng Bibliya bilang ang lunsod ng saserdoteng si Potipera, na ang anak na si Asenat ay ibinigay kay Jose bilang asawa nito. (Gen 41:45, 50) Kalakip sa mismong pangalang Potipera ang pangalan ni Ra na diyos-araw.

Sa paglipas ng panahon, ang pagkasaserdote ng On ay naging napakayaman, anupat naging karibal ng pagkasaserdote ng Memfis sa bagay na ito at nahigitan lamang ng pagkasaserdote ng Thebes (No-amon sa Bibliya). Kaugnay ng templo nito para sa araw, isang paaralan ang pinangasiwaan para sa pagsasanay ng mga saserdote at para sa pagtuturo ng medisina. Ang mga Griegong pilosopo at mga iskolar ay pumaparoon upang mag-aral ng makasaserdoteng teolohiya, at ang On ay napabantog bilang ang sentro ng karunungang Ehipsiyo.

Inihula ng propetang si Jeremias na dadaluhungin ni Haring Nabucodonosor ang Ehipto at “pagdudurug-durugin niya ang mga haligi ng Bet-semes, na nasa lupain ng Ehipto.” (Jer 43:10-13) Ang Bet-semes ay waring katumbas ng pangalang Griego na Heliopolis at nangangahulugang “Bahay ng Araw.” Kaya malamang na ang tinutukoy rito ay ang lunsod ng On, at “ang mga haligi” na dudurugin ay maaaring tumutukoy sa maraming obelisko sa palibot ng templo ng araw.

Ang hula ni Ezekiel ay may gayunding babala. (Eze 30:10, 17) Dito ang paglalagay ng tuldok-patinig sa pangalang Hebreo ay naiiba roon sa nasa Genesis anupat ang pangalan ay literal na Aven (sa Heb., ʼaʹwen). Iminumungkahi ng ilang iskolar na ginawa ito bilang pagbibigay ng ikalawang kahulugan, yamang ang Aven ay nangangahulugang “Pananakit; Bagay na Nakasasakit,” at ang On ay isang sentro ng idolatriya.

Maaaring ito rin ang kaso sa Isaias 19:18, kung saan ang tekstong Masoretiko ay tumutukoy sa isa sa “limang lunsod sa lupain ng Ehipto na nagsasalita ng wika ng Canaan at nanunumpa kay Jehova” bilang “Ang Lunsod ng Pagkagiba [sa Heb., ʽIr ha-Heʹres].” Sa Dead Sea Scroll of Isaiah ay ʽIr ha-Cheʹres, nangangahulugang “Lunsod ng Araw,” sa gayon ay tumutukoy sa On (Heliopolis). Dito muli ay maaaring may sinasadyang pagbibigay ng ikalawang kahulugan, anupat ang Heʹres (pagkagiba) ay ipinalit sa Cheʹres (isa pang salitang Hebreo para sa “araw” na hindi gaanong ginagamit kaysa sa sheʹmesh) dahil sa intensiyon ni Jehova na wasakin ang idolatrosong lunsod ng On. Ang pakahulugan sa bahaging ito ng bersikulo na masusumpungan sa mga Aramaikong Targum ay kababasahan: “(Lunsod ng) Bahay ng Araw, na wawasakin.”

Maliban pa sa inihulang mapangwasak na pagsalakay ni Nabucodonosor, ang On (Heliopolis) ay maliwanag na dumanas ng higit pang dagok nang lupigin ni Cambyses II ang Ehipto (ayon kay Strabo, isang Griegong heograpo na nabuhay malapit sa pasimula ng Karaniwang Panahon). (Geography, 17, I, 27) Noong panahon ni Strabo, naiwala na ng Heliopolis ang importansiya nito at hindi na tinatahanan ang ilang bahagi nito. Sa ngayon, isang nayong tinatawag na Al-Matariya ang nasa sinaunang lokasyon, at ang tanging nalalabi sa dating karilagan ng lugar na iyon ay isang obelisko na yari sa pulang granito na mula pa noong paghahari ni Sesostris I. Ang ibang mga obelisko mula sa Heliopolis ay makikita ngayon sa New York, London, at Roma.