Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Onan

Onan

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “kakayahang magkaanak; dinamikong lakas”].

Isang anak ni Juda, ang kaniyang ikalawang anak sa Canaanitang anak na babae ni Shua. (Gen 38:2-4; 1Cr 2:3) Matapos patayin ni Jehova ang walang-anak at nakatatandang kapatid ni Onan na si Er dahil sa paggawa ng masama, sinabihan ni Juda si Onan na tuparin sa balo ni Er na si Tamar ang pag-aasawa bilang bayaw. Kung magkakaanak sila ng isang lalaki, hindi ito pagmumulan ng pamilya ni Onan, at ang mana ng panganay ay magiging pag-aari nito bilang tagapagmana ni Er; samantalang kung hindi magkakaroon ng tagapagmana, kay Onan mapupunta ang mana. Nang sipingan ni Onan si Tamar, “pinatapon niya ang kaniyang semilya sa lupa” sa halip na ibigay ito kay Tamar. Hindi masturbasyon ang ginawa ni Onan, sapagkat sinasabi ng ulat na “nang sipingan niya ang asawa ng kaniyang kapatid” ay pinatapon niya ang kaniyang semilya. Maliwanag na ito’y isang kaso ng “coitus interruptus,” anupat sinadya ni Onan na huwag ipasok sa sangkap ni Tamar ang semilya na lumabas sa kaniya. Dahil sa pagsuway niya sa kaniyang ama, sa kaniyang kaimbutan, at sa kaniyang pagkakasala laban sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa, hindi dahil sa pag-aabuso sa sarili, si Onan, na wala ring anak, ay pinatay ni Jehova.​—Gen 38:6-10; 46:12; Bil 26:19.