Opir
1. Isang inapo ni Sem sa pamamagitan nina Arpacsad, Shela, Eber, at Joktan; ang ika-11 sa 13 anak na lalaki ni Joktan. (Gen 10:22-29; 1Cr 1:17-23) Malamang na ipinanganak si Opir mga 200 taon bago ang panahon ni Abraham, na isang inapo ni Peleg na kaniyang tiyo sa panig ng ama. (Gen 10:25; 11:18-26) Gaya ng kaniyang mga kapatid, lumilitaw na si Opir din ay ulo ng isa sa mga tribong Semita na ibinilang na kasama ng mga inapo ni Noe “ayon sa kanilang mga pamilya, ayon sa kanilang mga wika, sa kanilang mga lupain, ayon sa kanilang mga bansa.” (Gen 10:31, 32) Tingnan ang Blg. 2 para sa posibleng mga lokasyon ng lupain ng Opir kung saan namayan ang tribong ito.
2. Isang lugar na kilaláng pinagmumulan ng maraming ginto na may napakataas na uri. Kaya noong panahon ni Job (mga 1600 B.C.E.), ang ‘mahalagang inambato sa alabok’ at “dalisay na ginto” ay binanggit kasama ng “ginto ng Opir.” (Job 22:24; 28:15, 16) Inilalarawan ng Awit 45:9 ang malareynang abay na nagagayakan ng mahalagang ginto ng Opir, at sa Isaias 13:11, 12, sa kapahayagan laban sa Babilonya, ang pagiging pambihira ng gintong Opir ay ginagamit upang sumagisag sa pagkaunti ng mapaniil na mga tao sa Babilonya pagkatapos ng pagbagsak nito.
Nag-abuloy si David ng 3,000 talento na ginto mula sa Opir para sa pagtatayo ng templo, ginto na nagkakahalaga ng $1,156,050,000. (1Cr 29:1, 2, 4) Nang maglaon, ang pangkat ng mga barkong pangkalakal ng anak ni David na si Solomon ay regular na nagdadala mula sa Opir ng 420 talento na ginto. (1Ha 9:26-28) Ang katulad na ulat sa 2 Cronica 8:18 ay kababasahan ng 450 talento. Sinasabi ng ilang iskolar na ang pagkakaibang ito ay dahil sa paggamit ng mga titik ng alpabeto para sa mga numero, anupat maaaring naipagkamali ng isang sinaunang tagakopya ang Hebreong pamilang na titik na nun (נ), kumakatawan sa 50, sa titik na kap (כ), tumutukoy sa 20, o ang kabaligtaran nito. Gayunman, ipinakikita ng katibayan na lahat ng numero sa Hebreong Kasulatan ay isinusulat nang buo, sa halip na katawanin ng mga titik. Samakatuwid, ang mas malamang na paliwanag ay na parehong tama ang dalawang numero at na ang kabuuang halagang dinala ay 450 talento, na dito ay 420 ang pinakaganansiya.
Noong 1946, bilang patotoo sa mga ulat na ito sa Bibliya tungkol sa pag-angkat ng ginto mula sa Opir, isang piraso ng palayok ang nahukay sa HS ng Tel Aviv-Yafo. Doon ay may inskripsiyon na kababasahan ng “gintong Opir patungo sa bet horon, tatlumpung siklo.”—Journal of Near Eastern Studies, 1951, Tomo X, p. 265, 266.
Bukod sa ito’y pinagkukunan ng napakaraming ginto, ang lupain ng Opir ay pinagmumulan din ng mga puno ng “algum” at mahahalagang bato na inaangkat ni Solomon. (1Ha 10:11; 2Cr 9:10) Gayunman, pagkaraan ng isang daang taon, nang tangkain ni Haring Jehosapat na magpadala ng isang ekspedisyon sa lupaing iyon, humantong ito sa kasakunaan, anupat ang kaniyang “mga barkong Tarsis” ay nagiba sa Ezion-geber sa bukana ng Gulpo ng ʽAqaba.—1Ha 22:48; tingnan ang TARSIS Blg. 4.
Lokasyon. Hindi matiyak sa ngayon ang eksaktong lokasyon ng Opir. Sa mga lugar na iminumungkahi, tatlo ang partikular na pinapaboran: ang India, ang Arabia, at ang HS Aprika—na pawang
mararating ng pangkat ng mga barko na naglalayag mula sa Ezion-geber sa bukana ng silanganing sanga ng Dagat na Pula. May kinalaman sa India, lahat ng produktong iniuwi ng mga barko nina Solomon at Hiram ay makukuha roon. Nagbigay rin ng katibayan si Josephus, si Jerome, at ang Septuagint na ang Opir ay nasa India. Sa kabilang dako, yaong mga naniniwala na ang Opir ay nasa rehiyon ng HS Aprika sa kapaligiran ng Somalia, sa ibabang dulo ng Dagat na Pula, ay nagsasabi na mas malapit ito kaysa sa India upang pagkunan ng lahat ng bagay na inangkat.Gayunman, waring mas malamang na ang Opir ay isang rehiyon sa TK Arabia sa kapaligiran ng Yemen. Ang katibayang inihaharap para sa pangmalas na ito ay salig sa palagay na ang mga inapo ng anak ni Joktan na si Opir ay namayan sa Peninsula ng Arabia kasama ng mga tribong kapatid nito gaya ng mga inapo ni Sheba at ni Havila. (Gen 10:28, 29) Ang ulat ng pagdalaw ng reyna ng Sheba (na malamang na nagmula sa timugang Arabia) ay nasa pagitan ng dalawang pagbanggit sa pakikipagkalakalan ni Solomon sa Opir.—1Ha 9:26–10:11.