Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Opisyal ng Korte

Opisyal ng Korte

Ang salitang Hebreo na sa·risʹ, isinaling “opisyal ng korte” (1Ha 22:9), ay maaari ring isalin bilang “bating” (Es 2:3; Isa 56:3) at “opisyal” (Gen 40:2, 7). Sa Genesis 37:36 (KJ) ay isinasalin ito bilang “opisyal,” at sinasabi sa isang panggilid na nota: “Ngunit hindi lamang sa mga bating tumutukoy ang salitang ito, kundi pati sa mga tagapangasiwa sa sambahayan, mga tauhan sa korte, at mga opisyal.” Ang salitang Griego naman na eu·nouʹkhos, isinalin bilang “bating,” ay maaaring tumukoy sa isang opisyal ng korte (Gaw 8:27) o sa isang tao na tinanggalan ng kakayahang magkaanak.​—Mat 19:12.

Karaniwang ipinapalagay na ang mga opisyal ng korte ay mga lalaking nangangasiwa sa pribadong mga silid ng isang palasyo o mansiyon, gaya ni Blasto, tagapangasiwa sa silid-tulugan ni Haring Herodes. (Gaw 12:20) (Gayunman, ginagamit dito ang pananalitang Griego na e·piʹ tou koi·toʹnos, isa na “nangangasiwa sa silid-tulugan.”) Ngunit lubhang nagkakaiba-iba ang mga tungkulin ng mga opisyal ng korte ng hari. Sina Bigtan at Teres ay mga opisyal ng korte ng Medo-Persia na pinagkakatiwalaang mga lingkod, anupat waring tungkulin nilang bantayan ang pinto ng pribadong silid ni Haring Ahasuero. (Es 2:21) Ang iba naman ay naglilingkod sa katauhan ng hari. (Es 1:10, 11) May ilang opisyal ng korte na tinutukoy ng Bibliya bilang mga lalaking humahawak ng mga katungkulang militar. (2Ha 25:19) Nang dalhin ni Nabucodonosor sa Babilonya si Haring Jehoiakin at ang ilan sa mga Judio noong 617 B.C.E., isang “pangunahing opisyal ng korte” sa Babilonya ang inatasan niyang maging tagapag-alaga nina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias.​—Dan 1:3, 7, 11.

Waring hindi lahat ng opisyal ng korte ay bating sa literal na diwa, samakatuwid nga, mga lalaking kinapon. Kadalasan, literal na mga bating ang nangangasiwa sa mga silid ng mga babae, o sa harem ng hari. Ngunit dahil sa uri ng tungkulin ng mga opisyal, gaya ng punong katiwala ng kopa (isang mataas na posisyon) at ng magtitinapay, hindi sila kailangang kapunin para sa katungkulang iyon, bagaman maaaring sila ay mga bating na itinaas sa mga posisyong iyon. (Gen 40:2) Sa korte ni Paraon, ang isang opisyal ng korte at pinuno ng tagapagbantay, si Potipar, ay lalaking may-asawa. (Gen 39:1) Ang “bating” na Etiope na binautismuhan ni Felipe na ebanghelisador ay isang lalaking may kapangyarihan na namamahala sa lahat ng kayamanan ni Reyna Candace. Isa siyang proselita sa relihiyong Judio, isang mananamba ni Jehova, anupat nasa ilalim ng Kautusan. Tiyak na hindi siya literal na bating, sapagkat ang lalaking kinapon ay hindi maaaring pumasok sa kongregasyon ng Israel at tanging mga Judio at mga proselita lamang ang binabautismuhan noon bago ang pagkakumberte ni Cornelio. (Gaw 8:26-38; 10:24, 34, 35, 44-47; Deu 23:1) Tinipon noon ni David ang kaniyang mga opisyal ng korte (na makatuwirang sabihing hindi literal na mga bating dahil sa saloobin ng mga Judio at sa Kautusan), kasama ang mga prinsipe at makapangyarihang mga lalaki, upang ipabatid sa kanila na ang kaniyang anak na si Solomon ang itinalagang magtayo ng templo ni Jehova.​—1Cr 28:1-6; tingnan ang KATIWALA; KATIWALA NG KOPA.