Opra
1. [Bata[ng Lalaking Usa]]. Inapo ni Juda sa pamamagitan ni Meonotai.—1Cr 4:1, 14.
[2, 3: posible, Dako ng Alabok]
2. Isang lunsod ng Benjamin. (Jos 18:21, 23) Ang posibleng lokasyon nito ay maaaring matukoy mula sa salaysay ng mga pakikipagsagupaan ng Israel sa mga Filisteo noong panahon ng paghahari ni Saul. Mula sa kanilang kampo sa Micmash, ang mga pangkat ng mga mananamsam na Filisteo ay sumalakay sa tatlong magkakaibang direksiyon. Isang pangkat ang lumiko sa daan na patungo sa Opra. Ang isa naman ay pumunta sa gawing kanluran sa daan na patungong Bet-horon, samantalang ang isa pa ay naglakbay nang pasilangan “sa daan na patungo sa hangganan na nakaharap sa libis ng Zeboim.” Yamang may mga hukbong Israelita na nagkakampo sa Geba sa dakong T ng Micmash, lumilitaw na ang pangkat ng mga Filisteo na naglakbay sa daan na patungo sa Opra ay humayo nang pahilaga. Kaayon nito, maipapalagay na ang Opra ay nasa dakong H ng Micmash.—1Sa 13:16-18.
Kadalasang iniuugnay ng mga iskolar ang Opra sa lunsod na tinatawag na Efraim (2Sa 13:23; Ju 11:54) at Efrain (2Cr 13:19), na ipinapalagay na ang et-Taiyiba (mga 6 na km [3.5 mi] sa SHS ng Bethel).
3. Bayan ni Gideon. Dito siya inatasan ng anghel ni Jehova na iligtas ang Israel mula sa palad ng Midian. (Huk 6:11-32) Pagkatapos niyang magtagumpay laban sa mga hukbo ng kaaway, gumawa si Gideon ng isang epod mula sa iniabuloy na mga samsam at itinanghal niya iyon sa Opra. Nang dakong huli, ang epod na ito’y pinag-ukulan ng idolatrosong pagsamba. (Huk 8:24-27) Pagkamatay ni Gideon at matapos siyang ilibing sa Opra, “pinatay” ng ambisyoso niyang anak na si Abimelec “ang kaniyang mga kapatid . . . pitumpung lalaki, sa ibabaw ng isang bato, ngunit si Jotam na bunsong anak . . . ay natira.” (Huk 8:32; 9:5) Puwera si Abimelec, 70 ang naging anak ni Gideon. (Huk 8:30, 31) Samakatuwid, yamang si Jotam ay hindi napaslang, lumilitaw na 69 na anak lamang ang napatay ni Abimelec sa Opra. Ang mga salita ni Jotam nang maglaon tungkol sa insidenteng ito ay waring tumutukoy lamang sa intensiyon ni Abimelec na patayin ang lahat ng 70 anak. (Huk 9:18) Gayunman, gaya ng sinabi ng isang komentaryong Judio: “Tama pa ring gamitin ang buong bilang at sabihing ‘pitumpu’ ang pinatay.”—Soncino Books of the Bible, inedit ni A. Cohen, London, 1950 (Joshua and Judges, p. 234).
Lumilitaw na ang Opra na ito’y nasa K ng Jordan. Ipinapalagay na ito ay ang el-ʽAffuleh (ʽAfula), na mga 45 km (28 mi) sa H ng Sikem.