Oras
Ang salitang Griego na hoʹra (oras) ay ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan upang tumukoy sa isang maikling yugto ng panahon; isang takda at tiyak na panahon; o isang bahagi ng isang araw. Sa orihinal na Hebreo, walang masusumpungang termino para sa “oras” [hour]. Maaaring hinati-hati ng sinaunang mga Israelita ang isang maghapon sa apat na bahagi. (Ne 9:3) Sa halip na magtalaga ng partikular na mga oras, ginagamit ng Hebreong Kasulatan ang mga pananalitang “umaga,” “tanghali,” “katanghaliang tapat,” at “pagabi na” bilang mga pananda ng panahon kapag nag-uulat ng mga pangyayari. (Gen 24:11; 43:16; Deu 28:29; 1Ha 18:26) Gayundin, marahil ang mas eksaktong mga katawagan na ginagamit nila noon ay ang “pagsikat ng araw” (Huk 9:33), ang “mahanging bahagi ng araw” (Gen 3:8), ang “kainitan ng araw” (Gen 18:1; 1Sa 11:11), at ang “oras ng paglubog ng araw” (Jos 10:27; Lev 22:7). Ang haing Pampaskuwa ay dapat patayin “sa pagitan ng dalawang gabi,” na waring tumutukoy sa isang panahon pagkalubog ng araw at bago lubusang dumilim. (Exo 12:6) Sinusuportahan ng ilang iskolar, gayundin ng mga Judiong Karaite at ng mga Samaritano, ang pangmalas na ito, bagaman itinuturing ng mga Pariseo at ng mga Rabbinista na tumutukoy iyon sa panahon sa pagitan ng pasimula ng paglubog ng araw at ng talagang paglubog nito.
Iniutos ng Diyos na ang mga handog na sinusunog ay dapat ihandog sa ibabaw ng altar “sa umaga” at “sa pagitan ng dalawang gabi.” Isang handog na mga butil ang inihahandog kasama ng bawat isa sa mga ito. (Exo 29:38-42) Kaya naman nang maglaon, ang mga pananalitang gaya ng “pag-aahon ng handog na mga butil,” na maaaring sa umaga o sa gabi, depende sa konteksto, (gaya sa 1Ha 18:29, 36), at “panahon ng panggabing handog na kaloob” (Dan 9:21) ay ginamit upang tumukoy sa isang malinaw at espesipikong panahon.
Ang gabi naman ay hinati-hati sa tatlong yugto na tinatawag na mga pagbabantay. May binabanggit na “pagbabantay sa gabi” (Aw 63:6), “panggitnang pagbabantay sa gabi” (Huk 7:19), at “pagbabantay sa umaga” (Exo 14:24; 1Sa 11:11).
Ang Araw na may 24 na Oras. Kinikilalang sa Ehipto nagsimula ang paghahati ng araw sa 24 na oras, 12 para sa yugtong may liwanag ng araw, at 12 para sa gabi. Dahil sa pagbabagu-bago ng mga kapanahunan [seasons], hindi laging magiging pareho ang haba ng mga oras na ito sa araw-araw, anupat kapag panahon ng tag-araw ay nagiging mas mahaba ang mga oras ng liwanag at mas maikli naman ang mga oras ng gabi (maliban sa may bandang ekwador). Ang makabagong-panahong paghahati natin ng araw sa 24 na oras na may tig-60 minuto bawat oras ay resulta ng pinagsamang pagkalkula ng mga Ehipsiyo at ng matematika ng mga Babilonyo, na isang sistemang sexagesimal (salig sa bilang na 60). Ang kaugalian ng pagbilang ng isang araw mula hatinggabi hanggang sa sumunod na hatinggabi, anupat naiiwasan ang pabagu-bagong haba ng mga oras dahil sa pagpapalit-palit ng mga kapanahunan, ay pinasimulan naman noong bandang huli, marahil ng mga Romano.
Noong Unang Siglo. Noong unang siglo C.E., ginamit ng mga Judio ang pagbilang ng 12 oras sa maghapon, anupat nag-uumpisa ito sa pagsikat ng araw. Sinabi ni Jesus, “May labindalawang oras na liwanag ng araw, hindi ba?” (Ju 11:9) Sabihin pa, dahil dito, ang haba ng mga oras ay nagkakaiba-iba bawat araw, depende sa mga kapanahunan; nagiging magkasinghaba lamang ang mga oras nila at ang mga oras natin kapag panahon ng mga equinox. Maliwanag, ang bahagyang mga pagkakaibang ito, na hindi rin naman gaanong kalakihan sa Palestina, ay hindi nagdulot ng anumang malubhang problema. Ang umpisa ng araw nila ay katumbas ng mga 6:00 n.u. sa ating oras. Sa ilustrasyon tungkol sa mga manggagawa sa ubasan, binanggit ni Jesus ang ika-3 oras, ika-6, ika-9, ika-11, at, isang oras pagkalipas nito, “gumabi na” (na magiging ika-12 oras). Ayon sa pagkakasunud-sunod, ang mga oras na ito ay katumbas ng oras natin na 8:00 hanggang 9:00 n.u., 11:00 n.u. hanggang tanghali, 2:00 hanggang 3:00 n.h., 4:00 hanggang 5:00 n.h., at 5:00 hanggang 6:00 n.h. (Mat 20:3, 5, 6, 8, 12; Gaw 3:1; 10:9) Ang hatinggabi at “pagtilaok ng manok” ay mga katawagan para sa panahon na ginagamit din sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Mar 13:35; Luc 11:5; Gaw 20:7; 27:27; tingnan ang PAGTILAOK NG MANOK.) Sa ilalim ng pamumuno ng Roma, waring sinunod ng mga Judio ang paghahati-hating Romano na apat na pagbabantay sa gabi sa halip na tatlo gaya noong una.—Luc 12:38; Mat 14:25; Mar 6:48.
Isang Tila Pagkakasalungatan. Itinatawag-pansin ng ilan ang waring isang pagkakasalungatan sa pagitan ng pananalita sa Marcos 15:25, na nagsasabing si Jesus ay ibinayubay noong “ikatlong oras,” at ng pananalita sa Juan 19:14, na nagpapakitang pagsapit ng “mga ikaanim na oras” ay papatapos pa lamang ang pangwakas na paglilitis kay Jesus sa harap ni Pilato. Noon, mababasa na ni Juan ang ulat ni Marcos, at walang alinlangan na maaari niyang ulitin ang oras na sinabi ni Marcos. Kung gayon, tiyak na may dahilan si Juan kung bakit naiiba ang oras na iniulat niya kaysa roon sa iniulat ni Marcos.
Bakit tila may pagkakasalungatan? Sari-saring mungkahi ang inihaharap. Gayunpaman, alinman
sa mga ito ay hindi nakapagbibigay ng kasiya-siyang sagot sa lahat ng mga pag-aalinlangan. Wala tayong sapat na impormasyon upang maipaliwanag nang may katiyakan kung bakit may pagkakaiba ang dalawang ulat. Marahil ang pagtukoy ni Marcos o ni Juan sa oras ay isang karagdagang impormasyon, anupat hindi ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod. Anuman ang naging kalagayan, isang bagay ang tiyak: Ang mga manunulat na ito ay kapuwa kinasihan ng banal na espiritu.Malinaw na ipinakikita ng mga sinoptikong Ebanghelyo na pagsapit ng ikaanim na oras, o alas 12 ng tanghali, matagal-tagal na ring nakabayubay si Jesus sa tulos anupat nakapagpalabunutan na ang mga kawal para sa kaniyang mga kasuutan, at napagsalitaan na siya nang may pang-aabuso ng mga punong saserdote, mga eskriba, mga kawal, at ng iba pang mga nagdaraan. Ipinakikita rin ng mga ito na noong mga 3:00 n.h., si Jesus ay nalagutan na ng hininga. (Mat 27:38-45; Mar 15:24-33; Luc 23:32-44) Gayunman, ang mahalagang bagay na dapat pakatandaan ay na namatay si Jesus para sa ating mga kasalanan noong Nisan 14, 33 C.E.—Mat 27:46-50; Mar 15:34-37; Luc 23:44-46.
Iba Pang Pagkagamit. Ang salitang hoʹra ay kadalasang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan upang mangahulugang “karaka-raka” o sa loob ng isang napakaikling yugto. Halimbawa, ang babae na humipo sa palawit ng panlabas na kasuutan ni Jesus ay gumaling “mula nang oras na iyon.” (Mat 9:22) Ang “oras” ay maaari ring tumukoy sa isang pantangi o mahalagang punto ng panahon na hindi tiyakang binabanggit o sa pasimula ng panahong iyon. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam” (Mat 24:36), “Ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag-ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos” (Ju 16:2), at, “Ang oras ay dumarating kung kailan hindi na ako magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga paghahambing” (Ju 16:25).
At bilang karagdagan, ang “oras” ay maaaring tumukoy sa isang di-espesipikong panahon sa isang maghapon, gaya noong sabihin ng mga alagad kay Jesus tungkol sa karamihan ng mga tao na sumunod sa kaniya sa isang liblib na dako: “Ang dako ay liblib at ang oras ay napakalalim na; payaunin mo ang mga pulutong.”—Mat 14:15; Mar 6:35.
Makalarawan o Makasagisag na Paggamit. Kapag ginagamit sa makasagisag o makalarawang paraan, ang “oras” ay nangangahulugan ng isang maikling yugto ng panahon. Sinabi ni Jesus sa pulutong na dumating laban sa kaniya: “Ito ang inyong oras at ang awtoridad ng kadiliman.” (Luc 22:53) Ang sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ay sinasabing lumalarawan sa sampung hari na tatanggap ng awtoridad bilang mga hari nang “isang oras” na kasama ng mabangis na hayop. (Apo 17:12) Tungkol naman sa Babilonyang Dakila, ganito ang sinasabi: “Sa isang oras ay dumating ang paghatol sa iyo!” (Apo 18:10) Kaayon ng mga salita ni Jesus sa Mateo 13:25, 38 tungkol sa trigo at sa panirang-damo, ng mga babala ni Pablo sa Gawa 20:29 at 2 Tesalonica 2:3, 7 may kinalaman sa dumarating na apostasya, at ng pananalita ni Pedro sa 2 Pedro 2:1-3, masasabi nga ni Juan, ang apostol na kahuli-hulihang namatay: “Mga anak, ito ang huling oras, at, gaya ng inyong narinig na ang antikristo ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo; na dahil sa bagay na ito ay natatamo natin ang kaalaman na ito ang huling oras.” Napakaikling panahon nga ito, “ang huling oras,” ang huling bahagi ng kapanahunang apostoliko, anupat pagkatapos nito ay sisibol ang apostasya at lubusang mamumukadkad.—1Ju 2:18.
Gaya ng nakaulat sa Apocalipsis 8:1-4, noong panahon ng katahimikan sa langit na tumagal nang “mga kalahating oras,” nakita ng apostol na si Juan ang isang anghel na may insenso na inihandog nito kasama ng mga panalangin ng lahat ng mga banal. Ipinaaalaala nito ang isang kaugalian sa templo sa Jerusalem kapag “oras ng paghahandog ng insenso.” (Luc 1:10) Inihaharap ni Alfred Edersheim, sa The Temple (1874, p. 138), ang tradisyonal na Judiong salaysay tungkol sa “oras” na ito: “Dahan-dahang umaakyat sa hagdan na patungo sa Dakong Banal ang saserdoteng may dala ng insenso at ang kaniyang mga katulong . . . Pagkatapos, buong-pagpipitagang ikinakalat ng isa sa mga katulong ang mga uling sa ibabaw ng ginintuang altar; inaayos naman ng isa pa ang insenso; at pagkatapos nito, ang punong nanunungkulang saserdote ay naiiwang mag-isa sa loob ng Dakong Banal, upang hintayin ang hudyat ng pangulo bago sunugin ang insenso. . . . Kapag ibinigay na ng pangulo ang utos, na tanda na ‘sumapit na ang panahon ng insenso,’ ‘ang buong pulutong ng mga tao sa labas’ ay lumilisan mula sa pinakaloob na looban, at nagpapatirapa sa harap ng Panginoon, anupat iniuunat nila ang kanilang mga kamay habang tahimik na nananalangin. Ito ang pinakataimtim na yugto, kapag nabalot ng matinding katahimikan ang pulutong ng mga mananamba sa buong lawak ng mga gusali ng Templo, samantalang sa loob ng santuwaryo mismo ay inilalagay ng saserdote sa ibabaw ng ginintuang altar ang insenso, at ang ulap ng ‘kabanguhan’ ay pumapailanlang sa harap ng Panginoon.”