Orpa
Ang Moabitang asawa ni Kilion, at tulad ni Ruth, isang manugang ni Noemi. (Ihambing ang Ru 1:3-5 sa 4:10.) Pagkamatay ng kani-kanilang asawa, ang tatlong balong ito na walang anak, sina Noemi, Orpa, at Ruth, ay nagsimulang maglakbay mula sa Moab patungong Betlehem. Sa isang pagkakataon ay hinimok ni Noemi ang kaniyang dalawang manugang na bumalik sa mga tahanan ng kani-kanilang ina at mag-asawa sa Moab, ngunit kapuwa nila patuloy na sinasabi kay Noemi, “Hindi, kundi kasama mo kaming babalik sa iyong bayan.” Mabait ang pakikitungo ni Orpa sa kaniyang biyenan, na maliwanag na lubhang napamahal na sa kaniya. (Ru 1:8-10) Maaaring nais niyang pumisan kay Noemi dahil nasiyahan siya sa buhay sa piling ng isang pamilyang Israelita. Ngunit idiniin ngayon ni Noemi na kung mananatiling kasama niya ang dalawang balong Moabitang ito, malaki ang posibilidad na habambuhay silang magiging balo sa Juda, yamang napakaliit na ng pag-asa ni Noemi na muling makapag-asawa at makapagluwal ng mga anak na lalaki, at mangyari man ito, tiyak niyang hindi nanaisin nina Orpa at Ruth na maghintay hanggang sa lumaki ang mga anak na lalaking iyon at gampanan ang pag-aasawa bilang bayaw ng mga balong Moabitang ito. Hindi sapat ang pagmamahal at pagpapahalaga ni Orpa upang maharap ang gayong posibilidad. Pagkatapos ng maraming pagtangis, nagpaalam siya kina Noemi at Ruth at bumalik “sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos.”—Ru 1:3-15.