Oseas
[pinaikling anyo ng Hosaias].
Hebreong propeta at manunulat ng aklat ng Bibliya na Oseas; ipinakilala lamang bilang anak ni Beeri. Si Oseas ay naglingkod bilang propeta ni Jehova sa panahon ng mga paghahari ng mga haring sina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias ng Juda at gayundin ni Jeroboam II (anak ni Joas) ng Israel, noong huling bahagi ng ikasiyam na siglo at hanggang noong ikawalong siglo B.C.E. (Os 1:1) Kabilang sa mga propeta ng yugtong iyon sina Amos, Isaias, at Mikas.—Am 1:1; Isa 1:1; Mik 1:1.
Si Oseas ay maituturing na isang propeta (at malamang na isang sakop) ng sampung-tribong hilagang kaharian ng Israel. Ang kahariang iyon ang pangunahing pinagtuunan ng mga kapahayagan sa aklat ng Oseas. Bagaman ang Juda ay binanggit lamang doon nang 15 beses, at ang kabiserang lunsod nito, ang Jerusalem, ay hindi nabanggit ni minsan, tinukoy ng aklat ang Israel nang 44 na beses, 37 sa Efraim (ang pangunahing tribo ng Israel), at 6 sa Samaria, ang kabisera ng hilagang kaharian. Ang karamihan sa iba pang mga lugar na binanggit sa aklat ay bahagi ng hilagang kaharian o nasa mga hanggahan nito.—Os 1:4, 5; 5:1, 8; 6:8, 9; 10:5, 8, 15; 12:11; 14:6, 7.
Gayunpaman, lumilitaw na pinag-ukulan ni Oseas ng malaking importansiya ang mga hari ng Juda, anupat binanggit ang apat na naghari roon noong panahon ng kaniyang ministeryo, samantalang itinala lamang ang isa na namamahala sa Israel nang simulan niya ang kaniyang gawain. (Os 1:1) Ngunit sa halip na maging pahiwatig ito na ang propeta ay nagmula o ipinanganak sa Juda, maaaring ipinakikita nito na, tulad ng iba pang mga propeta ng Diyos, itinuring ni Oseas na tanging ang mga Judeanong hari sa pamilya ni David ang lehitimong mga tagapamahala sa bayan ng Diyos at na ang hilagang kaharian ng Israel ay isang malawakang relihiyoso at sibil na apostasya laban kay Jehova. Sabihin pa, ang pagtatalang ito ng mga tagapamahala sa dalawang kaharian ay nakatulong upang mas tumpak na matukoy ang petsa ng makahulang gawain ni Oseas.