Oso
[sa Heb., dov o dohv; sa Gr., arʹkos].
Ang Syrian brown bear (Ursus arctos syriacus) ay dating makikita sa Palestina, ngunit masusumpungan pa rin ito sa H Sirya, sa HK Iran, at sa T Turkey. Ang kulay nito ay kadalasang mapusyaw na kayumanggi at may aberids na timbang na mga 140 kg (310 lb). Bagaman waring lampa ang oso, nakatatakbo ito nang napakabilis maging sa lubak-lubak na lupain; ang ilang uri ng oso ay umaabot sa bilis na halos 48 km (30 mi) bawat oras. Mahuhusay ring lumangoy ang mga oso, at karamihan sa kanila ay nakaaakyat ng puno.
Walang saligan ang palagay na nangyayakap o naninikil ang mga oso upang pumatay ng biktima. Kapag nakikipaglaban, inihahambalos ng oso ang kaniyang malalaking pangalmot, at sa lakas at bigat ng kaniyang mga bisig ay naikakalmot niya nang malalim ang kaniyang nakausling mga kuko sa katawan ng kaaway. Sa isang hampas lamang ay mapapatay niya ang isang hayop gaya ng usa. Kaya angkop na angkop na tukuyin ng Kasulatan ang oso na kasimpanganib ng leon. (Am 5:19; Pan 3:10) Sa katunayan, itinuturing ng mga naturalista ang oso na mas mapanganib pa kaysa sa malalaking pusa. Gayunman, kadalasan nang ang oso, tulad ng ibang hayop, ay hindi nananakit ng tao kundi umiiwas pa nga, bagaman umaatake ito kapag ginalit o nagulat.
Ang bangis ng babaing oso kapag nawala ang mga anak nito ay ilang ulit na binabanggit sa Kasulatan. (2Sa 17:8; Kaw 17:12; Os 13:8) Sa isang pagkakataon, mga oso ang ginamit ng Diyos upang puksain ang delingkuwenteng mga kabataan na lumibak sa propetang si Eliseo.—2Ha 2:24.
Sari-sari ang kinakain ng mga oso. Kumakain sila ng dahon at ugat ng mga halaman, prutas, berry, nuwes, itlog, insekto, isda, rodent, at mga tulad nito, at napakahilig din nila sa pulot-pukyutan. Bagaman may ilang eksepsiyon, waring mga halaman ang mas gustong kainin ng mga oso. Gayunpaman, sa sinaunang Israel, kapag kakaunti na ang mga prutas at iba pang di-karneng pagkain ng oso, kailangang maging mapagbantay ang mga nagpapastol ng mga tupa at kambing dahil sa pananalakay ng mga oso. Noong kabataan pa si David, sinagupa niya ang isang sumasalakay na oso upang maprotektahan ang kawan ng kaniyang ama.—1Sa 17:34-37.
Kapag ang mga oso ay gutóm at nakaamoy ng masisila, mariringgan sila ng di-mapakaling pag-ungol. Kaya naman inilalarawan ng propetang si Isaias ang mga Israelita na ‘umuungol tulad ng mga oso’ sa paghihintay sa katarungan at kaligtasan, ngunit paulit-ulit lamang na nabibigo. (Isa 59:11) Ang isang sumisibasib na oso ay angkop ding inihahalintulad sa isang balakyot na tagapamahala na sumasalakay at naniniil sa kaniyang maralitang mga sakop.—Kaw 28:15.
Sa pangitain ni Daniel tungkol sa kahila-hilakbot na mga hayop na sumasagisag sa mga kapangyarihang pandaigdig sa lupa, ang oso ay lumalarawan sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia at sa kasakiman nito sa pananakop at pandarambong ng teritoryo. (Dan 7:5, 17) Nakita ni Juan sa pangitain ang isang hayop na kasingganid nito, ang mabangis na hayop mula sa dagat, na may pitong ulo at sampung sungay at may mga paang “gaya ng sa oso.” (Apo 13:2) Ang kapayapaan sa gitna ng muling-tinipong bayan ni Jehova, sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas, ay ipinahihiwatig ng hula na nagsasabing ang oso ay manginginaing kasama ng baka.—Isa 11:7.