Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pabula

Pabula

Kuwentong di-totoo, kathang-isip, mito, gawa-gawa, kabulaanan; mula sa Griegong myʹthos. Masusumpungan ang myʹthos sa 1 Timoteo 1:4 at 4:7; 2 Timoteo 4:4; Tito 1:14; 2 Pedro 1:16.

Ang myʹthos ay kabaligtaran ng a·leʹthei·a, “katotohanan,” na nagpapahiwatig ng hayag at tunay na diwa ng isang bagay. Sa Galacia 2:5, ipinakikita ng “katotohanan ng mabuting balita” na naiiba ang tunay na turo ng ebanghelyo sa baluktot na mga bersiyon nito. Binabalaan ng mga apostol ang mga Kristiyano hinggil sa panganib na maitalikod sila mula sa katotohanan tungo sa mga kuwentong di-totoo, yamang ang mga ito ay walang totoong saligan kundi mga imahinasyon lamang ng mga tao. Ang Judaismo ay punô ng gayong mga kuwentong di-totoo, anupat ang tinatawag na bibigang kautusan, na nang maglaon ay inilakip sa Talmud, ay binubuo ng mga tradisyon ng matatanda. Ang Judaismo, na pangunahing kalaban ng Kristiyanismo noong unang siglo, ay lubhang naimpluwensiyahan ng mga pilosopiya at mga turong pagano.

Bilang isang halimbawa ng mga kuwentong di-totoo, isaalang-alang ito mula sa Palestinong Talmud (Talmud ng Jerusalem): “Sinabi ni R. Samuel b. Nahman sa ngalan ni R. Jonathan: Ang mga tapyas [na doo’y tinanggap ni Moises ang Sampung Utos] ay may haba na anim na sinlapad-ng-kamay at may lapad na tatlo: at dalawang sinlapad-ng-kamay ang hawak ni Moises, at dalawa naman ang sa Diyos, anupat may dalawang sinlapad-ng-kamay sa pagitan ng mga daliri nila; at noong sinasamba ng mga Israelita ang guya, tinangkang agawin ng Diyos ang mga tapyas mula sa mga kamay ni Moises; ngunit napakalakas ng mga kamay ni Moises anupat naagaw niya ang mga iyon mula sa Kaniya.” Sinasabi pa ng kuwento na noong pagkakataong iyon ay “tumilapon ang mga titik” mula sa mga tapyas; bilang resulta, yamang “ang mga sulat ang sumusuhay sa mga ito,” ang mga tapyas ay “naging napakabigat para sa mga kamay ni Moises, at nahulog, at nabasag.”​—Taʽanit, V, p. 116, 117, isinalin ni A. W. Greenup.

Ang mga akdang Apokripal ay sagana sa mga kuwentong di-totoo at likhang-isip, halimbawa ay ang pagpatay ni Daniel sa isang malaking dragon sa pamamagitan ng pinaghalu-halong alkitran, taba, at buhok (Dagdag sa Daniel 14:22-26, Dy), at ang pagkakaroon ni Tobias ng kapangyarihang manggamot at magpalabas ng demonyo, na nakuha niya sa puso, apdo, at atay ng isang dambuhalang isda.​—Tobias 6:2-9, 19, Dy.

Dapat Tanggihan ng mga Kristiyano ang mga Pabula. Sa 1 Timoteo 1:4, tinagubilinan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo. Dahil sa mga ito ay maaaring masangkot ang mga Kristiyano sa pagsasaliksik na hindi naman talaga kapaki-pakinabang at maaaring ilayo ng mga ito ang kanilang isip mula sa katotohanan. Kabilang sa mga kuwentong di-totoo yaong mga ikinukuwento ng matatandang babae na ang buhay ay ginugugol sa makasanlibutang mga gawain. Nilalabag nila ang banal at matuwid na mga pamantayan ng Diyos. (1Ti 4:6, 7; Tit 1:14) Sa 2 Pedro 1:16, tinukoy ng apostol na si Pedro ang mga kuwentong di-totoo (na hindi lamang basta kathang-isip kundi ginawa rin nang may katusuhan upang ilihis ang isang Kristiyano) at ipinakita niya ang kaibahan ng mga iyon sa tunay at totoong ulat ng pagbabagong anyo, na kaniya mismong nasaksihan. (Mar 9:2) Sa 2 Timoteo 4:3, 4 naman, inihula ni Pablo na sa hinaharap, ang mga tao ay kusang-loob na babaling sa mga kuwentong di-totoo at tatalikod sa katotohanan.