Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pader, Dingding

Pader, Dingding

Mga istrakturang itinatayo ng mga mason at nagsisilbing mga harang, mga hangganan, o mga bakod. Mula nang ang tao ay magsimulang magtayo ng mga bahay at mga lunsod, nagtatayo na rin siya ng mga pader at mga dingding na ginagamitan ng iba’t ibang materyales, may sari-saring disenyo, at para sa maraming layunin. Ang laki at tibay ng mga istrakturang ito ay pangunahin nang nakadepende sa pagkakagawa ng mga ito at sa mga materyales na ginamit.

Ang mga pader ng palasyo ni David ay yari sa tinabas na bato. (2Sa 5:11) Sa katulad na paraan, waring ang panlabas na mga pader ng templo ni Solomon ay yari sa tinibag na bato, anupat ang bandang loob ng ilan sa mga pader ay binalutan ng mga tabla ng sedro. (1Ha 6:2, 7, 15) Ang panloob na mga entrepanyong kahoy na ito naman ay magarbong pinalamutian ng mga ukit at mga kalupkop na ginto. (1Ha 6:29; 1Cr 29:4; 2Cr 3:4, 7) May palitada ang bandang loob ng mga pader sa palasyo ni Belsasar. (Dan 5:5) Kadalasan, simple lamang ang pagkakagawa ng mga pader at mga dingding sa mga tahanan ng pangkaraniwang mga tao​—mga laryong pinatuyo sa araw, mga batong di-tinabas, o materyal na ipinalitada sa isang kayariang kahoy. Kung minsan, ang pinakaibabaw ng mga ito ay pinapuputi.​—Gaw 23:3.

Mga Pader ng Lunsod. Noong sinaunang panahon, dahil sa takot ay nagtayo ang mga tao ng pananggalang na mga pader sa palibot ng malalaking lunsod upang mahadlangan ang pagsalakay ng kaaway. (1Ha 4:13; Isa 25:12) Gayundin, kapag sinasalakay ang maliliit na “sakop na bayan” sa palibot (Bil 21:25), ang mga tumatahan sa mga ito ay nanganganlong sa loob ng lunsod na may pader. Ipinakita ng Kautusang Mosaiko na may legal na pagkakaiba sa pagitan ng mga bayan na may pader at ng mga bayan na walang pader, kung tungkol sa mga karapatan ng mga may-ari ng mga bahay. (Lev 25:29-31) Ang mga pader ay hindi lamang nagsilbing pisikal na harang sa pagitan ng mga tirahan sa lunsod at ng kaaway kundi isa rin itong mataas na posisyon na mula roo’y maipagsasanggalang ng mga tagapagtanggol ang mga pader laban sa pagsira rito, paggawa ng lagusan sa ilalim nito, o pagbutas dito sa pamamagitan ng mga pambundol. (2Sa 11:20-24; 20:15; Aw 55:10; Sol 5:7; Isa 62:6; Eze 4:1, 2; 26:9) Bilang panlaban, ang mga hukbong sumasalakay ay nagtitindig kung minsan ng mga pader na pangubkob na ginagamit naman nila bilang panangga habang nilulusob nila ang mga pader ng lunsod.​—2Ha 25:1; Jer 52:4; Eze 4:2, 3; 21:22; tingnan ang KUTA.

Iba Pang mga Pader. Kadalasan, nagtatayo ng mga batong pader upang bakuran ang mga ubasan o mga bukid, at upang magsilbing mga kural o mga kulungan ng mga tupa. (Bil 22:23-25; Kaw 24:30, 31; Isa 5:5; Mik 2:12; Hab 3:17) At mayroon ding mga pader na nagsilbing mga pilapil sa gilid ng hagdan-hagdang mga dalisdis ng burol. (Job 24:11) Ang mga pader na ito ay halos permanenteng mga istraktura, anupat itinatayo gamit ang mga batong galing sa parang na hindi pa natatabasan at kung minsan ay sinisimentuhan ng luwad o argamasa.

Makasagisag na mga Pader. Sa Kasulatan, kung minsan ay binabanggit ang mga pader sa makasagisag na paraan bilang larawan ng proteksiyon at kaligtasan (1Sa 25:16; Kaw 18:11; 25:28) o bilang sagisag ng pagiging magkahiwalay. (Gen 49:22; Eze 13:10) Kasuwato ng huling nabanggit na diwa, sumulat si Pablo sa mga taga-Efeso: “Sapagkat siya [si Kristo] ang ating kapayapaan, siya na nagpaging-isa sa dalawang panig at gumiba sa pader na nasa pagitan na naghihiwalay sa kanila.” (Efe 2:14) Alam na alam ni Pablo ang tungkol sa pader na nasa gitna ng looban ng templo sa Jerusalem, kung saan may nakapaskil na isang babala na sa diwa ay nagsasabing hindi dapat lumampas sa pader na iyon ang mga di-Judio kung ayaw nilang tumanggap ng parusang kamatayan. Gayunman, nang sumulat si Pablo sa mga taga-Efeso noong 60 o 61 C.E., bagaman maaaring tinukoy niya iyon sa makatalinghagang paraan, hindi naman niya ibig sabihin na pinawi na ang literal na pader, sapagkat nakatayo pa iyon noon. Sa halip, ang nasa isip ng apostol ay ang tipang Kautusan, na nagsilbing pader na naghiwalay sa mga Judio at mga Gentil sa loob ng maraming siglo. Salig sa kamatayan ni Kristo halos 30 taon na noon ang nakararaan, ang makasagisag na “pader” na iyon ay pinawi.

Sinabihan si Jeremias na siya ay magiging gaya ng nakukutaang mga pader na tanso laban sa mga sumasalansang sa kaniya. (Jer 1:18, 19; 15:20) Sa isa pang ilustrasyon, ang bayan ng Diyos, bagaman waring tumatahan sa isang lunsod na walang literal na mga pader, anupat parang walang kalaban-laban, ay nagtatamasa ng kapayapaan at katiwasayan dahil sa di-nakikitang tulong ng Diyos. (Eze 38:11) O kung titingnan naman mula sa ibang punto de vista, ang maituturing na matibay na lunsod ay yaong lunsod na ang “pader na apoy” ay si Jehova (Zac 2:4, 5), o yaong may mga pader ng kaligtasan na itinayo ni Jehova, sa halip na mga pader na yari sa hamak na bato at laryo. (Isa 26:1) Ang “banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem,” na bumababang galing sa langit, ay sinasabing may “malaki at napakataas na pader” na yari sa jaspe, na may taas na 144 na siko (64 na m; 210 piye), at sinasabi na mayroon itong 12 batong pundasyon na binubuo ng mahahalagang hiyas na sa mga iyon ay inililok ang mga pangalan ng 12 apostol.​—Apo 21:2, 12, 14, 17-19.