Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pafos

Pafos

Isang lunsod sa K baybayin ng pulo ng Ciprus. Dito nakaharap ni Pablo, pagkatapos niyang bagtasin ang pulo kasama nina Bernabe at Juan Marcos, ang manggagaway na si Bar-Jesus (Elimas), na sumalansang sa pangangaral nila kay Sergio Paulo na proconsul. Dahil dito ay makahimala siyang pinasapitan ni Pablo ng pansamantalang pagkabulag. Matapos masaksihan ang gawang ito, si Sergio Paulo ay nakumberte sa Kristiyanismo.​—Gaw 13:6-13.

Dalawang lunsod ng Ciprus ang nagtaglay ng pangalang Pafos, ang “Matandang Pafos” at ang “Bagong Pafos.” Ang Bagong Pafos, ang lunsod na tinutukoy sa ulat ng Mga Gawa, ay kabisera ng probinsiya ng Ciprus na nasa ilalim ng kontrol ng senado nang dalawin ni Pablo ang pulo noong panahon ng kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero. Ipinapalagay na kumakatawan sa lunsod na ito ang mga guho sa sinaunang daungang-dagat ng Pafos, mga 15 km (9 na mi) sa HK ng “Matandang Pafos” (Kouklia). Walang alinlangan na ang likas na daungan doon, na nagsilbing isang himpilan ng mga barko noong mga panahong Griego at Romano, ang dakong pinanggalingan ni Pablo at ng kaniyang mga kasamahan nang maglayag sila sa dakong HHK patungong Perga sa Asia Minor. Naroroon pa rin ang mga kayariang panangga ng sinaunang daungan sa Pafos, gayundin ang mga labí ng iba’t ibang mga gusaling pampubliko at pribado at ng isang pader ng lunsod.

Walang alinlangan na muling dinalaw nina Bernabe at Marcos ang lugar na ito noong mga 49 C.E.​—Gaw 15:36-39.