Pag-aampon
Ang pagkilala o pagtanggap sa isa bilang anak bagaman hindi siya likas na anak niyaong umampon. Ang salitang Griego na isinaling “pag-aampon bilang mga anak” (hui·o·the·siʹa) ay isang teknikal at legal na termino na literal na nangangahulugang “paglalagay bilang anak.”—Ihambing ang Ro 8:15, tlb sa Rbi8.
Bagaman ang pag-aampon ay hindi tinatalakay sa Hebreong Kasulatan bilang isang legal na proseso, ang gayong ideya ay mahihiwatigan sa ilang kaso. Bago isinilang sina Ismael at Isaac, lumilitaw na itinuring ni Abraham ang alipin niyang si Eliezer na parang isang inampong anak at ang isa na posibleng maging tagapagmana ng kaniyang sambahayan. (Gen 15:2-4) Ang pag-aampon ng mga alipin bilang mga anak ay matagal nang kaugalian sa Gitnang Silangan, at bilang mga inampon, mayroon silang mga karapatan sa pagmamana bagaman hindi nakahihigit sa mga karapatan ng likas na mga supling ng ama.
Itinuring kapuwa ni Raquel at ni Lea ang mga anak na isinilang kay Jacob ng kani-kanilang utusang babae bilang kanilang sariling mga anak, anupat ‘isinilang sa ibabaw ng kanilang mga tuhod.’ (Gen 30:3-8, 12, 13, 24) Pinamanahan din ang mga anak na ito kasama niyaong mga tuwirang isinilang ng legal na mga asawa ni Jacob. Sila ay likas na mga anak ng kanilang ama, at yamang ang mga aliping babae ay pag-aari ng mga asawang babae, sina Raquel at Lea ay may karapatang magmay-ari sa mga anak na ito.
Nang maglaon, ang batang si Moises ay inampon ng anak na babae ni Paraon. (Exo 2:5-10) Yamang pantay ang mga karapatan ng mga lalaki at mga babae sa ilalim ng batas Ehipsiyo, maaaring gamitin ng anak na babae ni Paraon ang kaniyang karapatang mag-ampon.
Sa bansang Israel, waring hindi karaniwang isinasagawa noon ang pag-aampon. Walang alinlangan na dahil sa batas ng pag-aasawa sa bayaw, naiwasan ang pangunahing dahilan kung bakit nag-aampon ng mga bata, samakatuwid nga, upang hindi mapawi ang pangalan ng magulang.—Deu 25:5, 6.
Ang Kahulugan Nito Para sa mga Kristiyano. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ilang ulit na binanggit ng apostol na si Pablo ang pag-aampon may kinalaman sa bagong katayuan niyaong mga tinawag at pinili ng Diyos. Palibhasa’y isinilang sila bilang mga inapo ng di-sakdal na si Adan, sila ay mga alipin ng kasalanan at hindi likas na mga anak ng Diyos. Dahil binili sila sa pamamagitan ni Kristo Jesus, tumanggap sila ng pag-aampon bilang mga anak at naging mga tagapagmana rin kasama ni Kristo, ang bugtong na Anak ng Diyos. (Gal 4:1-7; Ro 8:14-17) Hindi sila naging mga anak sa likas na paraan, kundi dahil sa pagpili ng Diyos ayon sa kaniyang kalooban. (Efe 1:5) Bagaman kinikilala na sila bilang mga anak ng Diyos mula sa panahong ianak sila ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, (1Ju 3:1; Ju 1:12, 13), ang lubos na katuparan ng kanilang pribilehiyo bilang mga espiritung anak ng Diyos ay nakadepende sa pananatili nilang tapat hanggang sa wakas. (Ro 8:17; Apo 21:7) Kaya naman binanggit ni Pablo na ‘marubdob nilang hinihintay ang pag-aampon bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa kanilang mga katawan sa pamamagitan ng pantubos.’—Ro 8:23.
Ang gayong katayuan bilang mga ampon ay nagdudulot ng mga pakinabang ng kalayaan mula sa “espiritu ng pagkaalipin na sanhi ng pagkatakot,” anupat hinahalinhan ito ng kumpiyansa bilang mga anak; ng pag-asa sa makalangit na mana na tiniyak ng patotoo ng espiritu ng Diyos. Kasabay nito, ang pag-aampon sa kanila bilang espirituwal na mga anak ay nagpapaalaala sa kanila na natamo nila ang gayong katayuan dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sa pagpili niya sa kanila at hindi dahil mayroon silang likas na karapatang maging mga anak.—Ro 8:15, 16; Gal 4:5-7.
Sa Roma 9:4, binanggit ni Pablo na ang mga Israelita sa laman ang “kinauukulan ng pag-aampon bilang mga anak at ng kaluwalhatian at ng mga tipan at ng pagbibigay ng Kautusan,” at maliwanag na tumutukoy ito sa natatanging katayuan na ipinagkaloob sa Israel noong sila ay katipang bayan pa ng Diyos. Kaya naman kung minsan ay tinutukoy ng Diyos ang Israel bilang “aking anak.” (Exo 4:22, 23; Deu 14:1, 2; Isa 43:6; Jer 31:9; Os 1:10; 11:1; ihambing ang Ju 8:41.) Gayunman, upang sila ay maging tunay na mga anak, kailangan munang mailaan ang pantubos sa pamamagitan ni Kristo Jesus at dapat nilang tanggapin at sampalatayanan ang kaayusang iyon ng Diyos.—Ju 1:12, 13; Gal 4:4, 5; 2Co 6:16-18.